Cast: Maricel Soriano, Mika dela Cruz, Derek Ramsay, Eric Fructuoso, Tetchie Agbayani, Camille Pratts, K. Brosas, Mon Confiado; Director: Chito S. Roño; Producer: Tess V. Fuentes; Screenwriters: Chito S. Roño, Aloy Adlawan; Editor: Manet A. Dayrit; Genre: Horror; Cinematography: Eli Balce; Distributor: Star Cinema Prductions; Location: Philippines; Running Time: 100 min.;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Clair (Maricel Soriano) ay isang ulilang lubos na may-ari ng isang travel agency at volunteer sa Buklod Pamilya Foundation na naglalayong bigyan ng tahanan at pamilya ang mga batang ulila. Nagdaraan sa matinding pagsubok ang pagsasama ni Clair at ng asawa nitong si Jeremy (Derek Ramsay). Malaking problema nila na sila ay hindi nabiyayaan ng anak. Laking gulat ni Clair nang isang araw ay sabihin ni Jeremy na gusto nito ng trial separation. Dahil nais makaiwas at makalimot ni Clair sa problema ay nagboluntaryo siyang ihatid ang isang ulila sa pamilyang mag-aampon sa kanya sa Samar kasama ang driver na si Elias (Eric Fructuoso). Pabalik ng Maynila ay makakaranas ng kakaiba sina Clair at Elias katulad na lamang ng pagkakaharang ng kalyeng kanilang dinaraanan. Dahil dito’y maaantala ang kanilang pag-uwi at mapapadpad sila sa isang bahay-ampunan. Dito nila makikilala si Angeli (Mika dela Cruz) na isa na ring ulila. Aakalain ng mga madre sa bahay-ampunan na sinadya nila Clair ang pagpunta sa kanila upang sunduin si Angeli at ihatid sa kanyang Auntie sa Maynila. Gulat man ay pumayag na rin si Clair. Sa bahay-ampunan pa lang ay marami ng makikita at mararanasang kakaiba si Clair ngunit hindi siya nagsuspetsa ng anuman. Pauwi ay marami ring mangyayari sa kanila kasama si Angeli. Mga bagay na hindi maipaliwag. Pagdating sa Maynila ay matutunton nila ang lugar na pagdadalhan nila kay Angeli. Ito ang Tenement 2. Dito na malalaman ni Clair ang tunay na paliwanag sa lahat ng kakaibang karanasan niya kasama si Angeli.
Maraming bagong elemento na mapapanood sa T2. Halatang pinagbuhusan ng hustong pananaliksik ang tungkol sa mga engkanto, bagay na madalas lamang naririnig at nalalaman sa mga kuwento ngunit hindi lubusang nauunawaan. Pati ang special effects ay halatang ginastusan at pinagtuunan ng masusing pansin. Maayos at malinaw ang direksiyon na nais tahakin ng kuwento. Magagaling ang lahat ng mga tauhan at talaga namang nakakadala ang karamihan ng eksena. Yun nga lang ay nagkulang sa gulat at takot ang pelikula na nararapat sana sa isang pelikulang katakutan. Pawang kulang sa hagod ang pananakot at pawang hindi gaanong epektibo ang paraang panggulat ng pelikula. Nasapawaan ng drama ang dapat sana’y nakakatakot na kwento. Pero kung susumahin ay matagumpay naman ito sa pagbibigay ng biswal na interpretasyon sa isang mundong nanatili lamang sa guni-guni ng karamihan.
Ipinakita sa T2 ang dalawang klase ng mundo. Ang mundo ng mga tao, na puno ng pagmamahal ngunit puno rin ng paghihirap at pasakit, at ang mundo ng mga engkanto na pawang walang paghihirap at walang hangganan ang kaligayahan ngunit isa palang balatkayo lamang. Madalas ay nakasisilaw ang kagandahan, ang yaman at karangyaan. Pero sinasabi ng pelikula na hindi ito ang mahalaga kundi ang pagmamahal at mga kaakibat pang emosyon at mga relasyon na parte ng pagiging tao. Puno man ng sakit ang buhay ng tao ay namamayani pa rin dito ang pagmamahal. Ito ang wala sa mundo ng mga engkanto. Kahanga-hanga kung paanong ipinakita ng pelikula na kayang talunin ng liwanag ang kapangyarihang itim. Si Clair ay larawan ng isang babaeng malakas na sa gitna ng kanyang kahinaan at kalungkutan ay nagmamalasakit pa rin sa kapakanan ng iba maging ito ay hindi niya kaano-ano. Ipinakita rin sa pelikula na ang pagmamahal at pagmamalasakit ay wala sa dugo. Ito ay nasa pagnanais na magbahagi ng biyaya ng buong puso. Masigasig man ang kapangyarihang itim, hindi pa rin nito magagawang talunin ang mas makapangyarihang kabutihan at dalisay na pagmamahal.