Cast: Rosanna Roces, Ketchup Eusebio, Joross Gamboa, Jao Mapa, Empress Shuck, BJ Morales, Christian Burke; Director: Neal “Buboy” Tan; Screenwriter: Neal “Buboy” Tan;; Music: ; Editor: Rocky Ko; Genre: Drama; Distributor: JPE Inc.; Location: Isabela and Manila; Running Time: 100 min.;
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3.5
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Masasangkot sa isang sigalot sa lupain sa Isabela at mapapatay ang asawa ni Hermina (Rosanna Roces). Bago pa man isunod si Hermina at ang kanilang apat na anak ay tatakas na ang mga ito. Susubukan ni Hermina na humingi ng tulong sa mga pulis ngunit ang mga ito’y pawang kasabwat din ng mga pumatay sa kanyang asawa. Dahil wala nang mapuntahan, magtatatakbo na lamang siya karay ang mga anak. Sa pagmamadali’y mahihiwalay ang kanyang panganay. Mapapadpad si Hermina, kasama ang tatlo na lamang na anak, sa isang masukal na lugar sa Maynila at mapapahiwalay din ang tanging anak na babae. Sapagkat nagdadalang-tao, isisilang ni Hermina ang isang sanggol na lalaki sa kalye hanggang sa may magmagandang-loob na tumulong sa kanila at bigyan ng matutuluyan. Hindi na nahanap pa ni Hermina ang dalawa pa niyang anak. Pilit niyang itinawid at mapalaking mag-isa ang tatlong anak na lalaki. Makalipas ang halos 15 taon, ang mga anak niya’y kanyang naging pasang krus. Ang isa ay nakulong dahil napatay nito ang asawa. Ang isa nama’y naging snatcher at kidnapper, at ang bunso niya’y nagtulak ng droga. Kaakibat ng marami pang dalahin sa buhay, kahirapan at kawalang-katarungan, paano nga ba papasanin ng isang ina ang napakabigat niyang krus?
Isang tunay na melodrama at tearjerker ang pelikula. Sa layunin nitong antigin at kurutin ang puso ng mga manonood ay matagumpay ito. Matagal na panahon na ring walang tunay na melodramang pelikula ang naipapalabas. Ang Pasang Krus ay walang pagkukunwari sa aspetong ito. Nahaluan lamang ng kaunting makabagong paraan ng paglalahad ng kuwento, ngunit kung susumahin ay tipikal na dramang Pilipino ang pelikula na nagsubok muling isalamin ang tunay na mukha ng kahirapan at kabulukan ng lipunan. Mahusay si Roces bilang isang ina na puno ng pasakit sa buhay. Dama ang kanyang sinseridad sa bawat eksena. Maging ang mga nagisaganap bilang mga anak niya’y mahuhusay din. Maaring may sablay sa ilang tauhan, ngunit maari naman itong palagpasin. May mga tanong at ilang butas din sa kuwento ngunit maari na rin itong patawarin hangga’t hindi naman nakakasira sa kabuuan. Mahusay ang musikang ginamit na talaga namang nakatulong sa pagpapaigting ng angkop na damdamin.
Hindi kasalanan ang maging mahirap. Kadalasa’y nagbubulag-bulagan ang karamihan sa nagususmigaw na katotohanang marami sa ating lipunan ang biktima ng masamang kapalaran at kawalan ng oportunidad. Ang mga mahihirap na madalas na ginagamit ng mga pulitiko sa eleksiyon ay sila rin nilang binabale-wala. Ang buhay ni Hermina ay isa lamang sa maraming kuwento ng kahirapan. Nagsubok naman si Hermina na palakihin ng maayos ang mga anak at hindi nito kinukunsinti ang mga mali nilang gawa, ngunit sadyang mas malakas ang pwersa ng barkada at lansangan kaysa sa kanya kung kaya’t ang mga ito’y naligaw pa rin ng landas. Ito ay talaga namang nangyayari. Ang naging sandata lamang ni Hermina ay pagmamahal, pananampalataya at pagdarasal. Sa simula’y parang mali na patuloy niyang suportahan ang mga anak na naligaw ng landas ngunit sadyang walang ina na magnanais ng masama para sa kanyang anak. Patuloy namang nagsusubok ang mga tulad niya na magkaroon ng maayos na buhay at maituwid ang landas ng mga anak, yun nga lang, sadyang malupit ang lipunan sa gaya niyang walang edukasyon at walang lakas. Sa tulad ni Hermina na ignorante sa maraming bagay, kahanga-hanga pa rin na nanatili siyang matatag at dalisay. Sa dami nga naman ng dagok sa buhay at sa bigat ng pasang krus, at kawalan ng makakapitan, talaga namang sa Diyos mo na lamang iaalay ang lahat. Sa bandang huli’y sinasabi ng pelikula na may pag-asa kahit pa ang lahat ay nagsasabing wala na. Na mayroong Diyos na dumirinig sa ating panalangin at ang pagpapakasakit at pagtitiis ay may kapalit na biyaya.