Cast: Robin Padilla, Katrina Halili, Rhian Ramos, Sunshine Dizon, Hero Angeles, Mark Bautista, Glydel Mercado, Iza Calzado, Simon Atkins; Director: Bjarne Wong; Producers: Jose Mari Abacan, Topel Lee; Screenwriter: Aloy Adlawan; Music: Carmina Cuya; Editor: Maria Ignacio; Genre: Horror/ Thriller; Cinematography: J.A. Tadena; Distributor: GMA Films; Location: Baguio and Manila; Running Time: 80 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Simula nang magising mula sa pagka-comatose ang dating sundalong si Romano (Robin Padilla), nakakakita na ito ng mga kaluluwa ng patay. Kung kaya’t pinili niyang magkulong na lamang sa kanilang bahay at hindi makisalamuha sa labas. Ngunit mapipilitan siyang samahan ang bulag na kapatid na si Sabel (Rhian Ramos) na lumuwas ng Maynila upang ipagamot ang mga mata nito sa pagmamagandang-loob ni Louella (Sunshine Dizon). Makikisabay sa kanilang pagbaba galing Baguio ang magtiyahing Eric (Hero Angeles) at Lumen (Glydel Mercado). Kasama rin nila ang driver ni Louella na si Baste (Eric Bautista). Sa kanilang biyahe ay maisasakay nila sa highway si Kristina (Katrina Halili). Makakaidlip sa biyahe si Baste at muntikan silang maaaksidente. Mabuti na lamang at nagising mula sa isang masamang panaginip si Romano at sila ay nakaligtas sa dapat sana’y malagim na kamatayan. Ngunit makakakita si Romano ng mga multo na pawang sinusundan silang lahat. Malalaman niyang ang mga ito pala’y ang mga kaluluwang “sundo’ nilang lahat. At dahil sila ay nakaligtas, susundan sila ng kanilang sundo at hindi titigil ang mga ito hanggang hindi sila lahat namamatay. Mapigilan kaya nila ang kanilang mga sundo?
Isang tipikal na pelikulang katakutan ang Sundo. Kung tutuusin, wala namang bago sa mga elemento ng pelikula na kung saan ang nananakot ay mga multo. Nariyan pa rin ang mga karaniwang sangkap ng katakutan tulad ng dilim, dugo, at kung anu-anong mga panggulat. Mahusay naman ang pagkakaganap ng mga tauhan. Maganda ang lapat ng tunog at maayos ang editing. Ang pinaka-problema marahil ay ang kababawan ng kuwento at ang pagiging predictable nito. Walang matibay na hibla ang kuwento na magtatagni sa buhay ng mga tauhan. Hindi rin ito masyadong nalalayo sa mga dating pelikulang sumikat na may kahalintulad na konsepto tulad ng Final Destination kung saan ang mga tauhan din ay sinusundan ng kamatayan. Manipis ang kuwento ng mga tauhan sa Sundo. Halos walang mararamdamang bigat sa daloy ng kuwento maliban sa lahat sila’y kinakailangang makaiwas sa tawag ni kamatayan.
Ang konsepto ng pagkakaroon ng sundo ng isang tao bago ito mamatay ay hindi naman talaga isang katakutan kundi patunay lamang na ang ating mga mahal sa buhay ay lagi lamang nariyan buhay man sila o pumanaw na. Patunay rin ito na may buhay pa pagkatapos ng kamatayan. Hindi naman talaga sugo ni ‘kamatayan’ ang sundo kundi isang pagtitibay ito na tayo’y hindi mag-iisa maging sa kabilang buhay. Ngunit iba ng ginawa ng Sundo. Marahil ito ang hinihiling sa pelikula bilang isang horror. Yun nga lang, naging masyadong mababaw ang pagtrato rito sa nasabing konsepto. Kung isang demonyo si kamatayan na pilit pinapatay ang mga taong nagnanais pang mabuhay, nasaan ang kapangyarihan ng kabutihan na siyang maaaring makalaban dito? Nakababahala na sa halip na manalangin o pumunta sa simbahan ang mga tauhan upang humingi ng gabay at tulong, ay sa kapangyarihang itim pa rin umasa ang mga ito. Kahanga-hanga lang ang pagnanais ni Romano na iligtas ang mga nalalaman niyang “sinusundo” ngunit pawang wala namang kinahinatnan ang kabutihang loob niya. Malinaw naman ang mensahe ng pagsisisi at pagpapatawad sa pelikula ngunit natakpan ito ng malabis ng kapangyarihan ng demonyo. Hindi rin angkop sa mga batang manonood ang pelikula sa kadahilanang maaring itong magdulot ng bangungot sa kanila.