Cast: Marco Morales, Emilio Garcia, Mercedes Cabral, Anita Linda, Snooky Serna, Charles Delgado; Genre: Drama; Distributor: Sunflower Films; Location: Manila; Running Time: 90 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For mature viewers 18 and above
Si Gener (Emilio Garcia) ay nag-resign sa kanyang trabaho sa munisipyo upang maging full time talent manager ni Lando (Marco Morales) na nagnanais maging sikat na artista upang maiahon sa kahirapan ang kanyang lola (Anita Linda). Lingid sa kaalaman ni Lando ay may matinding pagnanasa sa kanya si Gener kung kaya’t labis ang ginagawa nitong pagtulong. Ngunit sadyang hindi mabigyan ni Gener ng magandang proyekto si Lando kahit pa inilapit na niya ito sa ilang kaibigan sa showbusiness. Darating ang isang magandang pagkakataon nang maghanap ng manager si Anna (Mercedes Cabral), isang struggling starlet na rumaraket din bilang prostitute at siya ring nagsisilbing bugaw ng kapatid na lalaki (Charles Delgado). Mabubuhayan ng loob si Gener dahil may nakalinya nang proyekto si Anna at maari na niyang maisama si Lando sa gagawin nitong pelikula. Ngunit ang inaakala ni Gener na magibibigay sa kanya ng suwerte ay siya palang magiging dahilan upang tuluyang mawala sa kanya si Lando.
Halatang minadali at kulang sa budget ang pelikula. Pabago-bago ang kaledad ng kuha pati na ng tunog. Hindi rin makatotohanan ang pagganap ng ilang tauhan lalo na si Emilio Garcia na hindi kapani-paniwalang bakla. Maging si Marco Morales ay sadyang wala pa ring ibubuga sa pag-arte. Kahanga-hanga naman ang natural na pag-arte ni Mercedes Cabral. Markado rin ang mga papel nina Anita Linda at Snooky Serna. Sayang at hindi gaanong nabigyan ng pansin ang kuweto at istorya na hindi malaman kung saan pupunta. Bagama’t malinaw ang motibasyon at klaro ang patutunguhan, naging kakatwa ang dating nito dahil hindi nailahad nang makatotohanan. Resulta’y walang dating ang kabuuan ng pelikula at malayong-malayo ito sa sinasabi nitong inspirasyong pelikula ni Lino Brocka na Bona kung saan ay halos kaparehas ng papel na ginampanan ni Garcia ang kay Nora Aunor. Masyadong naging mababaw ang Booking sa pagtrato nito sa isang tema na dapat sana ay mabigat at malalim.
Ang pelikula ay patungkol sa naiibang pagmamahal ng lalaki sa kapwa lalaki. Ngunit halatang ang mismong kuwento ay nalito kung pagmamahal nga ba ito o makamundong pagnanasa lang. Sa halip na ipaunawa sa manonood ang tunay na kalagayan at kuwento ng mga bakla sa lipunan ay naging kasiraan pa ng mga ito ang pelikula. Isang baklang may mahinang diskarte at marupok na damdamin ang bida. Walang lakas, walang talino at walang utang na loob. Bagama’t naging matibay ang paninindigan niyang hindi ibugaw ang alaga, hindi pa rin malinaw kung ito ba ay sa ngalan ng kabutihan o sa ngalan ng kanyang sakim na pagnanasa dito. Ang pagtatalik naman ng dalawang lalaki ay lalong hindi katanggap-tanggap. Ipinakita naman sa pelikula na hindi masaya si Anna bilang prostitute at maya’t-maya itong binabagabag ng kunsyensiya ngunit hindi pa rin siya nagkaroon ng matibay na desisyong magbagong-buhay, bagkus ang ginawa pa niya’y humila pa ng iba patungo sa putikan. Pag-ibig sana ang nais na mensahe ng pelikula sa bandang dulo ngunit hindi pa rin ito napanindigan sapagkat ito ay pinatunayan sa pamamagitan ng pagpapakamatay. Ang pagpapakita naman ng kanilang pagdarasal at pagsisimba ay pawang paghuhugas kamay na lamang. Hindi upang bigyang pag-asa at pagkakataon ang mga sarili na magbagong-buhay. Dahilan sa tema at eksenang hubaran sa pelikula, nararapat lamang ito sa mga manoonod na may edad 18 pataas.