Cast: Jolina Magdangal, Rufa Mae Quinto, Dennis Trillo, Eugene Domingo, Mark Herras, Rhian Ramos; Director: Mark A. Reyes; Producer: Annette Gozon-Abrogar; Screenwriter: Senedy Que; Music: Vincent de Jesus; Editor: Maryo Ignacio; Genre: Drama’ Adventure/ Sexual Comedy; Cinematography: Jose Linao; Distributor: GMA Films; Location: Italy, Manila, Spain; Running Time: 100 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Si Destiny o Des (Jolina Magdangal) ay isang housekeeper sa isang luxury cruise ship sa Europa. Isang dalaga na maraming pangarap si Des katulad ng makapangibang-bayan partikular ang makarating sa lugar na Venice, Italy, maging mang-aawit, makatulong sa pamilya at matagpuan ang lalaking nakatadhana para sa kanya sa gabay ng isang pekeng hula. Ang mga pangarap na ito ang nagtulak sa kanya upang magtrabaho sa barko kung saan makikilala niya sina Paolo (Dennis Trillo), Lovely (EugeneDomingo), Stella (Ruffa Mae Quinto), at Nathan (Mark Herras). Isa sa mga pasahero ng barko si Paolo na nangungulila sa banyagang girlfriend na bigla na lang naglaho sa kanyang buhay. Nakitaan ni Des si Paolo na mga senyales na ayon sa manghuhula ay itinakdang lalaki para sa kanya, kaya ganoon na lamang ang effort ni Des na mapalapit dito. Si Lovely, kapwa housekeeper ni Des sa barko, ay isang bigo sa pag-ibig at di na umaasang makapag-asawa pa. Si Stella, isang lounge singer sa barko, ay isang babaing naghahanap ng tunay na magmamahal at magsiseryoso sa kanya. Si Nathan na cabin crew ay isang babaero na maakit sa maganda subalit supladang pasahero na si Phoebe (Rhian Ramos). Ano kaya ang mangyayari sa kanila sa katapusan ng paglalakbay ng barkong sinasakyan nila?
Sanga-sanga ang kwento na pinilit ilagay sa isang pelikula para matapos lang. Hilaw ang paghahatid ng kombinasyong drama at comedy (o dramedy) dahil nga sa kawalan ng sentro ng kwento. Bagamat epektibo ang mga hirit na patawa nina Eugene at Ruffa Mae, hindi naman ito nakatulong upang mapalalim ang mga mensaheng nais ipahatid ng mga tauhan na at ng buong pelikula. Maliban sa madamdaming pag-uusap nila Pen Medina at Jolina sa telepono at eksena na pagkakatuklas ni Paolo ng pagkamatay ng nawawalang kasintahan, wala ng nailabas pa sa pag-arte ang mga aktor sa pelikula. Bitin sa pagtalakay ng makabuluhang buhay ng OFW sa barko ang pelikula na isang oportunidad na sana. Tila hindi rin masyadong nabigyan ng ibayong kabuluhan ang iba't ibang lugar na ipinakita sa pelikula gayundin ang mga bahagi ng cruise ship na interesante rin sana. Gayunpaman ay maayos at akma ang mga musikang inilapat sa mga eksena at nakatulong ito nang malaki upang magkaroon ng saysay ang pelikula. Sa kabuuan ay nakakaaliw ang pelikula lalo na sa mga eksenang patawa.
Katulad ng inihatid ng pelikula, mahalaga sa pag-abot ng mga pangarap ang determinasyon at tapang na harapin ang mga nakaakibat na lungkot at sakripisyo. Ang isang mabuting anak ay sumusunod din sa bilin ng mga magulang kahit na malayo sa isa't isa. Sa banyagang lugar lalo na sa pagtatrabaho ay dapat manaig ang mahusay na pakikisama upang mayroong suporta sa panahon ng pangangailangan. Maganda ang mensahe ng pelikula tungkol sa pagkakaibigan, pagtanggap ng mga realidad ng buhay, kababaang-loob at pag-ibig. isang punto na dapat siguro ay pagnilayan ng mga manonood ay ang pagpili ng makakasama sa buhay na hindi dapat isinasalalay sa kamay ng manghuhula o mga senyales na sasabihin nito.