Cast: John Prats, Polo Ravales, Ehra Madrigal, Kris Bernal, Aljur Abrenica, Jean Garcia, JC de Vera, Yasmien Kurdi; Director: Don Cuaresma; Producer: Roselle Monteverde-Teo; Screenwriter: Fairlane Raymundo; Genre: Romance-Drama; Distributor: Regal Entertainment; Location: Manila; Running Time: 110 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Magkakabarkada mula pagkabata sina Jepoy (JC De Vera), Lane (Yasmien Kurdi), Bry (Ehra Madrigal), Tom (Polo Ravales) at Tonee (Kris Bernal). Muling titibay ang kanilang samahan nang sila ay magtrabaho sa iisang call center. Sina Jepoy at Lane ay kakatapos lamang mag-break bilang magnobyo bagama’t mahal pa rin nila ang isa’t-isa. Sa call center ay parehas silang magkakaron ng panibagong pag-ibig. May pag-asa pa kaya silang magkabalikan? Si Bry naman ay niloko ng kanyang kalive-in at ang tanging naging sandigan ay ang kanyang suking taxi driver (John Pratts) na malaki ang pagkagusto sa kanya. Si Tonee na totomboy-tomboy ay mai-inlove naman sa kasamahang si Ryan (Aljur Abrenica) na mahuhuli naman niyang may kinakasamang bading (John Lapuz). Si Tom naman ay pilit na dinadala ang relasyon kay Cyril (Jean Garcia) ang kanyang dating guro na malaki ang tanda sa kanya. Saan kaya sila dadalhin ng kani-kanilang mga problema sa puso at pagmamahal?
Walang bagong inihain ang Loving You maliban sa makabagong milieu ng call center. Ngunit ito ay nanatili lamang backdrop at hindi lubusang nagamit sa pelikula. Ang mga kuwentong pag-ibig ay pawang mga gasgas na at alam na ng mga manonood ang patutunguhan. Sa sobrang dami ng karakter ay sumasabog ang kuwento ng pelikula. Walang pinaka-sentrong karakter o kuwento na maaring sundan. Hindi gaanong dama ang mga eksena mapa drama man o komedi. Sayang at may potensiyal sanang maging maganda ang pelikula sa tradisyon ng mga pelikulang pang-kabataan tulad ng Bagets, Pare Ko, Jologs at marami pang iba. Ang manipis na kuwento ay mas pinanipis pa ng mga hilaw na pag-arte ng mga artista. Tanging ang mga beteranong sina Jean Garcia at Tonton Gutierrez ang kakikitaan ng sinseridad. Ang lahat ay pawang mga pa-cute lamang.
Maraming ipinakitang nakakabahala sa pagpapahalagang moral ng mga kabataan ang pelikula. Pangunahin na rito ay pagpapakitang katanggap-tanggap at nakakaigaya ang pakikipaglive-in at pagsasama ng labas sa sakramento ng kasal. Pawang kaswal lamang ang sex sa pelikula na maaring gawin kahit anong oras kahit saan. Maging ang pagkakaroon ng mga tomboy at baklang mga magulang ay ipinakita lamang at hindi ipinaliwanag o dumaan sa proseso upang lubusang maunawaan ng mga manonood. Mababaw ang naging pagtingin at pagtrato ng pelikula sa konsepto ng pag-ibig. Gaano man nila piliting palalimin, hindi maitatangging naging ubod ng pusyaw ng pagtalakay nito. Ang pag-ibig at pakikipagtalik ay itinuturing nilang iisa. Maging ang infatuation at crush ay pinalalabas na true love. Pawang binubuo lamang sa hangin ang pagkakagustuhan. Maghalikan lamang at maghawakan ng kamay ay sila na. Walang pagpapahalaga sa pagbuo ng pamilya, wala ring sakripisyo. Tanging mababaw na romansahan na nagkukunwaring malalim ang makikita sa pelikula. Walang anumang aral sa pag-ibig. May mangilan-ngilang kurot ukol sa pagpapatawad at pamilya ngunit hindi ito ang pangunahing pinatunguhan ng kuwento.