Cast: KC Concepcion, Richard Gutierrez, Nor Domingo, Jake Cuenca, Carla Humphries, Denise Laurel, Candy Pangilinan, Beatriz Saw; Director: Joyce E. Bernal; Producer: Malou N. Santos; Screenwriter: Vanessa Valdez; Editor: Marya Ignacio; Genre: Romance/ Drama; Cinematography: Shayne Clemente; Distributor: ABS-CBN Film Productions; Location: Manila; Running Time: 110 min.;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Si Pia (KC Concepcion) ay isang real estate executive sa kompanya ng kanyang Daddy (Philip Salvador). Hirap si Pia na patunayan ang sarili sa kanyang ama at matindi ang pressure na binibigay sa kanya nito. Sa gitna ng pagkaabala sa trabaho, itinuloy ni Pia ang bakasyon sa Santorini, Greece upang makapag-isip-isip kung dapat pa niyang ituloy ang pagtatrabaho sa ama. Sa di inaasahang pagkakataon ay magku-krus ang landas nila ni Seth (Richard Gutierrez), ang mayamang playboy na naging ex-boyfriend ng kanyang mga kaibigan kung kaya’t matindi ang pagkainis niya rito. Pero dahil si Seth ang may-ari ng kanyang tinutuluyang hotel sa Santorini, napilitan siyang pakisamahan ito. Isinumpa ni Pia sa kanyang sarili na hindi siya pwedeng main-love kay Seth dahil bukod sa ito ay certified babaero, hindi si Seth ang tipo ng lalaking magugustuhan ng kanyang Daddy para sa kanya. Pero sa pagdaan ng mga araw sa Santorini, sa gitna ng romantikong lugar, ay tila magbabago ang ihip ng hangin sa dalawa. Si Pia na kaya ang huling babae sa ni Seth. Mapanindigan kaya ni Pia and sumpa sa sarili?
Isang karaniwang kuwentong pag-ibig ang For the First Time na inilagay lamang sa ibang lugar. Matagumpay ang pelikula sa pagdadala sa manonood sa matulaing lugar ng Santorini, Greece. Napakaganda ng tanawin na tila nanaisin ng sinumang makakapanood ng pelikula ang puntahan ang lugar na ito. Pasado ang pag-arte ni KC Concepcion kahit pa ito ang una niyang pelikula at hindi maitatangging napakaganda ng kanyang rehistro sa kamera. Si Richard Gutierrez ay wala namang bagong ipinakita. Hindi gaanong ramdam ang kilig sa dalawa at tila mababaw ang kuwento sa kabuuan. Masyadong mataas ang antas ng pamumuhay ng mga karakter sa pelikula na hindi arok ng masa. Ito ang klase ng buhay na papangarapin lamang ngunit hindi ang lahat ay mabibigyan ng pagkakataong maranasan. Labas tuloy ay isang artipisyal na daigdig ang ipinakita ng pelikula at malayo sa katotohanan. Hindi rin gaanong nakakadala ang daloy ng emosyon ng mga tauhan. Salamat na lamang sa ilang epektibong patawa ni Candy Pangilinan at nagkaroon kahit paano ng buhay ang pelikula.
Makapangyarihan ang tunay na pag-ibig lalo pa’t wagas and hangarin nitong alalahanin ang kapakanan ng minamahal. Ito ang nais sabihin ng For the First Time sa kabuuan. Pero sa likod Pero sa likod ng mensaheng ito ay makikita ang mga karakter na bulagsak sa salapi, walang pakialam sa paligid at sadyang napakadali ng buhay. Bagay na hindi magandang halimbawa sa sinumang kabataang makakanood. Hindi malinaw ang naging pagbabago ng karakter ni Seth. Sadyang nakakailang at mahirap paniwalaan ang paghingi niya ng tawad sa lahat ng babaeng kanyang nasaktan. Pawang peke ang dating nito. Si Pia naman ay pinapatunayang pilit ang sarili sa ama gayong malinaw na hindi buo ang kanyang loob na kontrolin ang kanyang emosyon. Talaga bang hindi na uso ang pag-akyat ng ligaw sa mga kabataan at ang pakikipag-relasyon ba’y talagang palihim na sa mga magulang? Nakakabahala ang ganitong umuusbong na kultura. Hindi gaanong napalalim ng pelikula ang maraming dahilan ng paghihiwalay ng mga relasyon at pagkawasak ng pamilya. Pawang ang mga ito ay normal lamang at karapat-dapat na tanggapin bilang bahagi ng buhay-pamilya.