Friday, July 4, 2008
Urduja
Title: Urduja; Cast: Regine Velasquez, Cesar Montano, Eddie Garcia, Jay Manalo,Johnny Delgado, Ruby Rodriguez, Eppie Quizon, Michael V., Allan K.,BJ Forbes; Director: Antonio Tuviera.
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 3
CINEMA rating: For general Patronage
Si Urduja (Regine Velasquez) ay isang prinsesang mandirigma mula sa Pangasinan at ang tanging anak ni Lakanpati (Eddie Garcia) ng pinuno ng tribo. Tumatanda at nanghihina na si Lakanpati kung kaya’t pinahayag na nito ang kanyang kagustuhang magkipag-isang-dibdib na si Urduja kay Simakwel (Jay Manalo), isang mapusok na mandirigma, upang may humalili na sa kanya sa pamumuno. Walang puwag sa puso ni Urduja si Simakwel, subali’t desidido ang lalaking mapasa-kanya ang prinsesa at ang tronong iiwanan ng ama nito. Mauunsiyami ang balak ni Simakwel nang magtagpo ang landas ni Urduja at ni Limhang (Cesar Montano), isang matapang na piratang napadpad sa kanilang lugar. Bagama’t sa simula’y mailap si Urduja kay Limhang, unti-unti itong mapapalapit sa pirata mula nang iligtas siya nito sa tiyak na kamatayang dulot ng pana ng isang Badyao. Maraming pagsubok na daraanan si Limhang, dala na rin ng paninibugho ni Simakwel, subali’t isang mapagpitagan at masunuring anak si Urduja.
Ang Urduja ay ang kauna-unahang “full-length animation feature film” ng Pilipinas, at bagama’t hindi pa ito matatawag na “perpekto” kung ihahambing sa mga banyagang animation films katulad ng mga ipinalalabas ng Disney, ipinakikita ng Urduja ang katangi-tanging kakayahan ng mga Pilipinong mangguguhit at “animators”. Sapagka’t ito’y isang pelikula, natural lamang na ang unang punahin ng mga tao sa Urduja ay ang mga imahen, ang kanilang nakikita; pumapangalawa lamang ang kanilang pagpuna sa naririnig, sa tugtugin, sa script, sa dialogue, sa kuwento at sa daloy nito. Akma ang pagpili kay Velasquez bilang Urduja at kay Montano bilang Limhang, lamang, may mga pagkakataong napapalakas ang tunog nila—may diperensiya kaya sa sound system? Sinubukan ng Urduja na gawing kaakit-akit sa madla ang pelikula, kung kaya’t may “kakornihan” ang script at paggamit ng makabagong idiyoma (tulad ng “hindi ko feel” atbp.)o tauhan (si Mayumi na may pagka-kiri) na nagsisilbi lamang na “panira” sa kabuuan ng pelikula. Hindi rin nakakakuha ng simpatiya ng manonood ang daga na si Kukut (Michael V.) at ang tarsier na si Tarsir (Allan K.), sapagkat ang mga boses nila’y hindi bagay sa liit at hitsura nila bilang daga at tarsier; sa halip, tunog-“kanto boys” sila.
Dapat alamin nating mga Pilipino na ang mga cartoons na ating pinapanood mula sa ibang bansa ay gumagamit ng talinong Pilipino, kung kaya’t madaling unawain kung ang Urduja man ay may “lasang banyaga”, na tila pinaghalong Mulan, Pocahontas, atbp. Hindi ganoong kahusay ang Urduja, ngunit bilang unang bunga, may pangakong kipkip ang pelikula. At kahit mestisong-hilaw pa nga minsan ang dating ng pagguhit ng mga imahen, Pilipino pa rin ang inuuwian ng buong pelikula—pansinin ninyo ang isang napaka-Pilipinong sangkap sa pelikula: ang karera ng kalabaw. Sana’y magpaka-husay pa ang mga gumawa nito; kaunti pang pagsasanay at gagaling pa sila. Ang pinakamahalaga ay ang tunghayan ng mga manonood ang lakip na mensahe ng Urduja —ang dangal ng babaeng Pilipina. Bagama’t base ang pelikula sa isang alamat (kung saan wala namang lalaking nakatapat si Prinsesa Urduja), nabuhay nito ang katauhan ni Urduja bilang isang babaeng may matatag na kalooban at paninidigan sa kabila ng kanyang pagiging masunuring anak.