Thursday, July 3, 2008
My Monster Mom
Title: My Monster Mom; Cast: Annabelle Rama, Ruffa Gutierrez, JC de Vera, Mart Escudero, Iwa Moto, Eugene Domingo, Khryss Adalia; Director: Jose Javier Reyes; Producers: Jose Marie Abacan, Roselle Monteverde-Teo ; Screenwriter: Jose Javier Reyes; Genre: Comedy; Distributor: GMA Films; Location: Philippines.
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 2.5
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Nagkaanak at iniwan ng nobyo ang noon ay 16-taong-gulang na si Esmeralda (Rhian Ramos). Dahil sa murang gulang ay naduwag si Esmeralda na itaguyod mag-isa ang anak na si Abegail a.k.a Baby Girl (Ruffa Gutierrez) kaya ipinaubaya niya ang pagpapalaki sa kapatid na hindi magka-anak at naninirahan sa Amerika. Nang lumaon, nagkaanak pa si Esmeralda (Annabelle Rama) sa magkaibang ama ng dalawang anak na lalaki sina Buboy (JC de Vera) at Pipoy (Mart Escudero) na mag-isa rin niyang itinaguyod. Maayos na namumuhay ang mag-iina sa kabila ng sobrang pagbubunganga at pagtataray ni Esmeralda sa loob at sa labas ng bahay. Pangunahin kay Esmeralda kapakanan ng mga anak kaya hinihigpitan niya ang mga ito sa lahat ng bagay na lingid sa kanya ay nakasasakal na. Kinaiinisan siya ng mga kapitbahay dahil sa kanyang ugali at di maiwasan na maging usap-usapan ang pagkakaroon ng mga anak sa iba't ibang mga lalaki. Sa tuwing iiral ang pagtataray ni Esmeralda ay nakaagay lagi ang dalawang kaibigan upang payapain siya. Makalipas ang 27 taon ng pagkakalayo ay babalik ang panganay na anak ni Esmeralda na si Abigael mula sa Amerika. Sa kanilang muling pagkikita ay matutuklasan nila ang maraming bagay sa kani-kanilang pag-uugali na taliwas sa kanilang inaasahan.
Katulad ng pamagat ng pelikula, nakesentro ito sa maingay na pangunahing tauhan. Bagamat tagumpay sa paghahatid ng mga linyang patawa ang bidang si Anabelle, lalo na sa mga palitan nila ni Ruffa, ay halata namang wala nang mapipiga ang direktor sa pag-arte ni Rama kahit man lang sa "expression" ng mukha, bagama't minsan ay nakakadagdag sa patawa ang mukha nitong "deadma". Sa isang banda naman ay eksaherado ang pag-arte ng ibang mga aktor, at hinaluan pa nga ng "bading" na alalay para pampadagdag-tawa--kayo na ang humusga kung nakakatulong ito sa pagbabalanse ng mga bagay, sapagka't mantak man naming isiping walang katorya-torya ang dialogue, hindi namin maunawaan kung bakit "biling-bili" ito ng mga nanonood. Iba-iba lang siguro talaga ang panlasa ng tao. Maayos ang disenyo ng produksyon na nagpatingkad sa mga payak na eksena gayundin ang "make-up". Akma rin ang mga tunog at musika na inilapat.
Mahalaga ang kapayapaan sa loob ng tahanan upang maging bukas at maayos na makapag-isip ang mga miyembro ng pamilya. Taliwas ito sa ipinakita ng pelikulang My Monster Mom. Hindi pinapasubalian na tanging kabutihan ang hangad ng ina para sa kaniyang mga anak subalit ang lahat ng tao (di lamang mga ina) ay dapat maging responsable sa paraan ng pagpapakita ng malasakit sa kapwa. Halimbawa dapat bang unahin ng isang ina ang pakikipag-away sa halip na asikasuhin ang anak na bugbog ang katawan at sugatan? Pati mga alagad ng batas ay tikom ang bibig sa reklamo ng panunutok ng baril. Kahanga-hanga naman ang kabababang-loob ng mga anak sa paghingi nila ng kapatawaran dahil nasaktan nila ang kanilang ina gayundin ang pagtanggap nila sa pagkatao nito. Sa kabuuan ay nakakatawa at magaan ang pelikula, subalit dahil sa matalas na pananalita at di karaniwang sagutan ng ina at anak na laking-Amerika ay dapat gabayan ng mga magulang ang mga manonood na kabataan. Isaisip natin na kahit ano pa man ang kagaspangan ng ating ina, dapat pa rin natin siyang igalang at mahalin, bagay na higit pang makakatulong tungo sa kanilang pagbabagong-ugali kaysa kung tatapatan natin ng pagkabastos ang kanilang kagaspangan.