Thursday, October 9, 2014

Dementia

Direction: Percy Intalan Lead cast: Nora Aunor, Jasmine Curtis, Bing Loyzaga, Yul Servo, Chynna Ortaleza Writer: Jun Lana Cinematography:  Mackie Galvez  Production: Octobertrain Films, The IdeaFirst Company Music: Von de Guzman  Location: Batanes Genre: Drama, mystery thriller  Distributor: Regal Films

Technical assessment: 3.5   
Moral assessment: 2.5   
CINEMA rating: V14   
Uuwi mula sa Amerika ang mag-asawang Elaine at Rommel (Bing Loyzaga at Yul Servo), kasama ang dalagang anak na si Rachel  (Jasmine Curtis-Smith) upang alagaan si Mara (Nora Aunor), kapatid ni Elaine na may dementia, isang kalagayan ng matinding pagkalimot at panglalabo ng isip.  Sa pag-asang makatutulong sa paggaling ng demensya ni Mara ang pagbabalik nito sa bahay na kanyang kinalakihan, magbabakasyon silang lahat sa kanilang ancestral home sa Batanes.  
Tatlong bagay ang matatawag na mga “panalong puhunan” ng Dementia:  ang Batanes, ang musika, at si Nora Aunor.
Isipin nyo na lang, kung siyudad o isang makabagong probinsya ang pangyayarihan ng istorya, tiyak na mababawasan ang hiwaga nito—di tulad ng Batanes na pumupukaw sa pagkamalikhain ng cinematographer.  Ang musika: sa simula pa lamang ay isinisilid na nito ang damdamin ng manonood sa isang “mood” na mananatili sa kahabaan ng pelikula. 
At si Nora Aunor?  Tila ipinanganak siya para gumanap sa ganitong mga papel—tulad ng sa Himala—kung saan ang kanyang katauhan ay tila isang bugtong, nababalot ng hiwaga, lalo pa’t kakaunti ang mga linyang dapat bigkasin ng aktres kaya’t babantayan mo na lang ang kanyang mukha, mga mata, at kilos upang matanto mo ang kahalagahan nito sa pagbubuo ng salaysay.
Napakagaling ng pagkakagamit ng angking ganda ng Batanes uang isulong ang drama; malamang ay inspirasyon na rin ito sa mga artista upang gampanan nang kahanga-hanga ang kanilang mga papel.  Kakatwa lamang na ang ikinabawas ng lakas ng Dementia ay ang mga idinagdag ditong sangkap na hindi makatuturan.
Malaman ang kuwento ng Dementia, bagama’t may mga sangkap itong kapag kinuwenta mo na sa dulo ay kalabisan lang naman pala, hindi nakakadagdag sa kabuluhan o takbo ng istorya; sinadya kaya ito para “iligaw” ang pagpapalagay ng manonood, o kaya’y upang “busugin” ang sabik ng mga tao sa karaniwang katatakutang natatagpuan sa karaniwang horror movies?
Kahit na may mga panggulat na eksena at multo ang Dementia, hindi ito isang “horror movie” o kababalaghan kaya.  Ito’y isang palaisipan na nag-aanyaya sa manonood na sakyan ang kalagayan ng isang taong may demensya—kinakalawang ang alala-ala, pumupurol ang isipan.
Naililibing kaya kasama ng isang yumaong mahal sa buhay ang kasawiang namagitan sa dalawang nilalang?  Ito ang nais bungkalin ng Dementia: sadya kayang nakakalimot ang may sakit, o mayroon lamang siyang gustong ibaon sa limot?  Kung sadyang nakakalimot na nga siya, bakit may isang higit pang makapangyarihang ala-ala ang tumatangging sumama sa libingan?  Ano ang tunay na bumabagabag kay Mara—demensya, o konsiyensya?