Saturday, August 2, 2008

Concerto



Cast: Jay Aquitania, Meryll Soriano, Shamaine Buencamino, Nonoy Froilan, Elijah Castillo, Alyssa Lascano, Yna Asistio; Director: Paul Alexander Morales; Producer: Digital Spirit Production; Screenplay: Paul Alexander Morales; Cinematography: Regiban Romana; Editor: Laz'andre; Music: Jed Balsamo; Running Time: 90 minutes; Location: Davao; Genre: Drama

Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 4
Rating: For viewers 13 and above

Sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, may isang pamilyang lumikas at napilitang mamundok sa Davao. Malapit ito sa kampo ng mga Hapon. Si Ricardo (Nonoy Froilan), ang padre de pamilya, ay dating puno ng militar na pinahirapan ng mga Hapon. Upang makapamuhay nang mapayapa, kinaibigan ng kanyang asawang si Julia (Shamaine Buencamino) ang ilang mga Hapon na nasa malapit na kampo. Ang kanilang anak na lalaki na si Joselito (Jay Aquitania) ay marunong magsalita ng Hapon kung kaya't naging madali sa kanya ang pakikipag-kaibigan sa mga ito. Sapagkat may likas na angking talino sa musika, naging labis ang kasiyahan ng pamilya nang muli nilang makuha ang naiwan nilang piano. Ang mga anak na babae na sina Nina (Yna Asistio) at Maria (Meryll Soriano) ang siyang nagsilbing taga-aliw sa mga Hapon bilang mga pianista. Isang concerto ang ginanap sa kanilang tahanan para sa mga kaibigang Hapon bago tuluyang pumutok at matapos ang digmaan.

Maayos at malinis ang pagkakagawa ng Concerto. Tunay sa pamagat nito, talagang para kang nanonood ng konsiyerto sa pelikula. Nakakaaliw ang musika na talaga namang nagpatingkad sa isang kuwentong-digmaan. Mahusay ang pagkakalahad ng kuwento. Payak ngunit malaman at punong-puno ng damdamin. Pawang walang itulak kabigin sa galing at husay ang mga nagsiganap. Natural ang kilos ng lahat at pawang mukhang mga hindi umaarte. Totoong-totoo pati ang mga karakter na Hapon. Maliit man o malaking eksena ay nagawang kapani-paniwala ng direktor. Sana'y mas marami pa ang makapanood nito sa mga sinehan at maging isang instrumento upang buhayin ang naghihingalong pelikulang Pilipino.

Ipinakita sa Concerto ang kahalagahan ng pagkakaroon ng isang buo at nagkakaisang pamilya sa gitna ng unos at giyera. Maraming pagsubok ang maaring pagdaanan sa iba't-ibang panahon pero ang wagas na damdamin at matibay na paniniwala sa Diyos ang mga subok na sandata upang maalpasan anumang hirap at pasakit. Kapuri-puri ang isang pamilyang sabay-sabay na nagdarasal sa gitna ng kaguluhan ng paligid. Kitang-kita sa pelikula kung paanong ang pakikipag-kapwa at pananampalataya ay nakatulong ng labis sa pagpapanatili ng kapayapaan sa gitna ng digmaan. Tunay na walang mabuting naidudulot ang giyera. Ngunit gaya ng ipinakita sa pelikula, ang digmaan ay isang pagkakataong nagpapalabas ng pinakamabuti o pinakamasama sa tao. Maaaring maging instrumento ang giyera upang mas mapabuti at mapatibay ang isang pamilya, ang pagkakaibigan. At isa rin ang sining at musika sa maaaring magtawid sa tao sa anumang paghihirap. Ang sining at musika ay biyaya ng Diyos na marapat lamang gamitin sa kabutihan at maging simbolo ng Kanyang kadalikaan sa panahon man ng digmaan o kapayapaan.