DIRECTOR: Real Florido, Arturo San Agustin LEAD CAST:
Nora
Aunor, Ricky Davao, JC De Vera, Jason Abalos, RJ Agustin SCREENWRITER: Real Florido PRODUCER:
RJ
Agustin EDITOR: Tara Illenberger MUSICAL DIRECTOR: Vincent
de Jesus GENRE: Sociopolitical drama CINEMATOGRAPHER: Topel Lee DISTRIBUTOR: Firestarters Manila Productions Inc. LOCATION:
Philippines
LANGUAGE: Pilipino with English
subtitles RUNNING TIME: 110 minutes
Technical assessment: 2.5
Moral assessment:
2
CINEMA rating:
V18
Tampok sa Kabisera ang pamilya de Dios na
pinamumunuan ng amang si Tunying (Ricky Davao), isang barangay captain, at ng kanyang maybahay na si Mercy (Nora Aunor). Tipikal na middle class family sila, iminumulat nila ang kanilang mga anak
nang matapat, magalang sa nakatatanda, may magandang asal, at nagpapahalaga sa
pamilya. Karamihan ng enkuwentro ng
buong pamilya ay nangyayari habang nasa hapag-kainan sila: si Tunying ang
nakaupo sa kabisera, sa kanyang kamay ay si Mercy, sa kaliwa ay ang panganay na
lalaking si Andy. Mapagmahal
subali’t marunong manindigan si Mercy
bilang ina’t asawa; hindi siya kayang “paikutin” ng sinuman sa pamilya
niya. Si Tunying naman ay larawan ng ulirang
lingkod-bayan—matulungin, masayahin, madaling lapitan, walang bahid dungis sa
trabaho, at deboto sa pamilya. Ngunit
may kaaway na lihim si Tunying.
Makakaligtas siya sa dalawang beses na tangka sa kanyang buhay; sa
ikatlo’y makikitil na siya. Dito lulutang
ang pagkamatatag ni Mercy bilang isang biyuda.
Sa gitna ng imbestigasyon sa masalimuot na pagpaslang kay Tunying,
aakuin ni Mercy ang luklukan ng yumaong asawa—ang kabisera.
Matayog ang lipad
ng Kabisera. Diumano’y hangad nitong tumbukin ang isyu ng
EJK (Extra Judicial Killings) sa ating lipunan sa kasalukuyan, pero sablay ang
pagtalakay nito sa isyu. Sa pagbubukas
pa lamang ng pelikula—kung saan ang magnanakaw at papatay ay siyang mga ninakawan
at pinatay gawa ng kanilang katangahan—ay malilito na ang manonood. Ginawa nitong katatawanan ang temang “riding
in tandem”, natanggal tuloy ang pangil ng halimaw na ito, ika nga. Mahirap maki-simpatiya sa pamilya de Dios
gawa ng malabnaw na pagganap ng karamihan sa mga batang aktor, at ng
pagsasalarawan ng karakter ni Davao bilang katangi-tanging public servant—“too good to be true”, mawiwika mo. Tila ang karakter lamang ni Aunor ang
maituturing na kapani-paniwala, pero sa malas, kahit anong galing ng arte ni
Aunor, hindi nasagip nito ang pelikulang nalunod sa sarili niyang
ambisyon. Masyadong maraming butas ang
istorya, at sa dami ng gusto nitong sabihin, sumabog ito at nagkulang sa focus. Sa tayog ng lipad, sumemplang.
Sinadya kaya ng
direktor na “palabuin” ang karakter ni Tunying para pag-isipin ang manonood
kung makatarungan ang kanyang sinapit? (Eh
bakeeeet?) Masasabi mo ba tungkol kay
Tunying, “Buti nga sa kanya, dahil santo-santito-yun-pala-maldito siya,
salbahe!”? Biktima ba si Tunying ng EJK
tulad ng paniwala ng kanyang pamilya? O
nasambot ba ni Mercy ang pahiwatig ng kapatid ni Tunying na maaaring may sala
rin si Tunying? Paano pa man
pagtatagni-tagniin ng manonood ang Kabisera,
tiyak na lalabas ang ilang malalagim at makukulay na katotohanan sa ating
lipunan: 1) maraming napapahamak dahil
sa maling akala; 2) super-kupad ang pag-usad
ng paglilitis sa Pilipinas; 3) ang hustisya
ay hindi tungkol sa tama o mali kungdi sa husay ng tao sa manipulasyon; 4) ang katotohanan ay kinukulapulan ng “technicalities”
para mabansot ang imbestigasyon ng krimen; 5) napakadaling kumuha ng palsong
testigo upang idiin ng kapulisan ang nasasakdal; 6) hindi dalisay ang pagdamay
ng tao sa kapwa—gamitan lang.