Wednesday, January 4, 2017

Kabisera

DIRECTOR:  Real Florido, Arturo San Agustin  LEAD CAST:  Nora Aunor, Ricky Davao, JC De Vera, Jason Abalos, RJ Agustin  SCREENWRITER:  Real Florido  PRODUCER:  RJ Agustin  EDITOR: Tara Illenberger  MUSICAL DIRECTOR:    Vincent de Jesus  GENRE:  Sociopolitical drama  CINEMATOGRAPHER: Topel Lee  DISTRIBUTOR: Firestarters Manila Productions Inc.  LOCATION:  Philippines LANGUAGE: Pilipino with English subtitles RUNNING TIME: 110 minutes
Technical assessment: 2.5
Moral assessment:  2
CINEMA rating:  V18
Tampok sa Kabisera ang pamilya de Dios na pinamumunuan ng amang si Tunying (Ricky Davao), isang barangay captain, at ng kanyang maybahay na si Mercy (Nora Aunor).  Tipikal na middle class family sila, iminumulat nila ang kanilang mga anak nang matapat, magalang sa nakatatanda, may magandang asal, at nagpapahalaga sa pamilya.  Karamihan ng enkuwentro ng buong pamilya ay nangyayari habang nasa hapag-kainan sila: si Tunying ang nakaupo sa kabisera, sa kanyang kamay ay si Mercy, sa kaliwa ay ang panganay na lalaking si Andy.  Mapagmahal subali’t  marunong manindigan si Mercy bilang ina’t asawa; hindi siya kayang “paikutin” ng sinuman sa pamilya niya.  Si Tunying naman ay larawan ng ulirang lingkod-bayan—matulungin, masayahin, madaling lapitan, walang bahid dungis sa trabaho, at deboto sa pamilya.  Ngunit may kaaway na lihim si Tunying.  Makakaligtas siya sa dalawang beses na tangka sa kanyang buhay; sa ikatlo’y makikitil na siya.  Dito lulutang ang pagkamatatag ni Mercy bilang isang biyuda.  Sa gitna ng imbestigasyon sa masalimuot na pagpaslang kay Tunying, aakuin ni Mercy ang luklukan ng yumaong asawa—ang kabisera.
Matayog ang lipad ng Kabisera.  Diumano’y hangad nitong tumbukin ang isyu ng EJK (Extra Judicial Killings) sa ating lipunan sa kasalukuyan, pero sablay ang pagtalakay nito sa isyu.  Sa pagbubukas pa lamang ng pelikula—kung saan ang magnanakaw at papatay ay siyang mga ninakawan at pinatay gawa ng kanilang katangahan—ay malilito na ang manonood.  Ginawa nitong katatawanan ang temang “riding in tandem”, natanggal tuloy ang pangil ng halimaw na ito, ika nga.  Mahirap maki-simpatiya sa pamilya de Dios gawa ng malabnaw na pagganap ng karamihan sa mga batang aktor, at ng pagsasalarawan ng karakter ni Davao bilang katangi-tanging public servant—“too good to be true”, mawiwika mo.  Tila ang karakter lamang ni Aunor ang maituturing na kapani-paniwala, pero sa malas, kahit anong galing ng arte ni Aunor, hindi nasagip nito ang pelikulang nalunod sa sarili niyang ambisyon.  Masyadong maraming butas ang istorya, at sa dami ng gusto nitong sabihin, sumabog ito at nagkulang sa focus.  Sa tayog ng lipad, sumemplang.

Sinadya kaya ng direktor na “palabuin” ang karakter ni Tunying para pag-isipin ang manonood kung makatarungan ang kanyang sinapit?  (Eh bakeeeet?)  Masasabi mo ba tungkol kay Tunying, “Buti nga sa kanya, dahil santo-santito-yun-pala-maldito siya, salbahe!”?  Biktima ba si Tunying ng EJK tulad ng paniwala ng kanyang pamilya?  O nasambot ba ni Mercy ang pahiwatig ng kapatid ni Tunying na maaaring may sala rin si Tunying?  Paano pa man pagtatagni-tagniin ng manonood ang Kabisera, tiyak na lalabas ang ilang malalagim at makukulay na katotohanan sa ating lipunan: 1)  maraming napapahamak dahil sa maling akala;  2) super-kupad ang pag-usad ng paglilitis sa Pilipinas;  3) ang hustisya ay hindi tungkol sa tama o mali kungdi sa husay ng tao sa manipulasyon;  4) ang katotohanan ay kinukulapulan ng “technicalities” para mabansot ang imbestigasyon ng krimen; 5) napakadaling kumuha ng palsong testigo upang idiin ng kapulisan ang nasasakdal; 6) hindi dalisay ang pagdamay ng tao sa kapwa—gamitan lang.