Monday, March 25, 2019

Familia Blondina


LEAD CAST:  Karla Estrada, Jobert Austria, Kaira Balinger, Marco Gallo, Xia Vigor, Chantal Vidella & Shane Weinberg, Awra Briguela, Heaven Peralejo
DIRECTOR: Jerry Lopez Sineneng
SCREENWRITER: Mel del Rosario
PRODUCER: Doc Denis Aguirre
EDITOR: Marya Ignacio
MUSICAL DIRECTOR:
GENRE: Family Comedy
CINEMATOGRAPHER:
DISTRIBUTOR: Sine Screen
LOCATION: Bulacan, Philippines
RUNNING TIME: 106 minutes
Technical asssesment: 3.5
Moral assessment: 3.5
CINEMA rating: PG13
Susuwayin at iiwan ni Cindy (Karla Estrada) ang pamilya sa probinsya upang magpakasal sa sundalong boyfriend sa America kung saan magkakaanak siya nang tatlo na pawang mga blonde—sina John Jr. (Marco Gallo), Jenny (Kaira Balinger) at Jill (Xia Vigor). Sa kasamaang-palad ay maagang mababalo Cindy at maiiwanan ng napakalaking utang. Dahil sa kamalasang ito ay uuwi na lamang sila ng Pilipinas kahit labag sa kalooban ng mga anak. Katulad ng inaasahan, masasakit na salita ng paninisi at panunumbat ang sasalubong sa mag-iina. Titiisin lahat ito ni Cindy at sa halip ay itutuon ang isip at panahon sa paghahanap ng iba’t ibang pagkakakitaan upang maitaguyod ang tatlong anak na dumadaan din sa hirap ng biglaang pagbabago sa kanilang buhay.  Makikilala ni Cindy  ang biyudong si Tony Boy (Jobert Austria) na namatay ang asawang British sa isang plane crash. Aalukin ni Tony Boy si Cindy na maging yaya ng dalawa niyang mga anak, na mga din. Tatanggapin naman agad ito ni Cindy dahil sanay naman siyang mag-alaga ng mga batang may lahi katulad ng kanyang mga anak.  Sa kalaunan ay magkakamabutihan at tuluyang mahuhulog ng loob nina Cindy at Tony Boy sa isa’t isa.  Magkakasama-sama sila bilang isang pamilya na pawang may lahing banyaga ang mga anak.
Mahusay ang paghahatid ng pinaghalong pormula ng romancefamily-oriented at intercultural comedy sa Familia Blondina. Malinis ang daloy ng kwento at malikhain ang konsepto ng mix-marriages. Malinaw mula sa simula ng  pelikula ang magiging estado ng karakter ni Cindy. At bagamat sa pagpasok ng karakter ni Tony Boy ay naghudyat ng predictable na wakas ay naging kaabang-abang pa din ang mga eksena at palitan ng mga linya lalo na pagitan ng mga bata. Natural ang mga pagganap, komportable ang lahat at nabigyan ng akmang pagpapakilala ang mga tauhan na kani-kanilang ginampanan.  Nakatulong ang mga kuha ng kamera sa pagbibigay-diin sa mga eksena na sadyang may hatid na mensahe. Tama lamang ang disensyo ng produksyon, nakakatuwang tingnan ang mga blonde na hitsura ng mga bata, at akma ang mga nilapat na tunog at ilaw lalo na sa mga eksena sa loob ng bahay.  Sa kabuuan ng Familya Blondina, ang comedy ay naghatid ng makabuluhang mensahe at aliw sa manonood.  
Isang malaking hamon sa babae man o lalaki ang mag-isang magtaguyod ng pamilya, lalo na sa sitwasyon na kailangang harapin ang mga pagbabago mula sa nakasanayang buhay at kulturang banyaga na kinasasangkutan ng mga anak na menor de edad. Gayunpaman, nagampanan at naharap ang hamong ito ng pangunahing tauhan na si Cindy dahil sa paninindigan niyang panghawakan ang mga values o pinahahalagahan sa buhay na matiyaga niyang ibinahagi at itinuro sa mga anak na may lahing dayuhan. Kapag matatag ang isang tao sa kanyang personal values, mas madaling makapagdesisyon na may pagsasa-alang alang ng tama at mali. Ilan sa mga pinakita sa Familia Blondina ang pagiging mapagmahal sa pamilya, matiyaga, mapagpasensya, mapagpakumbaba, mapagbigay, mapagpalaya at palakaibigan. Kahit nagsimulang magtaguyod ng mga anak sa America ay di nya kinalimutan ang mga magagandang kaugaliang Filipino katulad ng pagiging magalang sa kapwa. Gayundin kinilala ni Cindy ang kultura ng lahing banyaga ng kanyang anak na pagbibigay-kalayaan at respeto sa pagiging responsible sa sariling desisyon katulad ng magpasya ang anak na bumalik ng America. Pinakita din sa puntong ito ang selfless love ni Cindy bilang ina.  Samantala, kaakibat sa mga hamon ng buhay ang di maiwasan makaharap at makasalamuha ang mga taong mapagnibugho, mapanghusga at mapanumbat, na nagbibitiw ng masasakit na salita nang di man lamang inaawat ng kanilang mga magulang na dapat sana ay mamagitan. Maaring natural lamang na maghayag ng galit at sama ng loob sa kapwa lalo na kung nasaktan naman talaga subalit ang maganda rin paalalahan ang sarili na kilalanin at tanggapin din ang matapat na pagbabalik-loob at pagsusumikap ng kapwa na harapin ang naging bunga ng mga ginawang desisyon sa buhay. Sa kabuuan ay mayaman sa positibong mensahe ang pelikulang Familia Blondina at isang magandang panooring pampamilya. Subalit dahil sa masalimuot na tema ng intercultural marriage ay kailangan ng mga batang manonood ng gabay ng nakatatanda.--IBD