Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: R-16
Flight attendant si
babae, photographer si lalaki. Parehong
seksi, parehong good-looking. Bagay na bagay, inlab na inlab, at tipong
magha-honeymoon hanggang 90 years old na sila sina Kanika
(Coleen Garcia) at David (Xian Lim).
Pero isang araw, kukulimlim ang langit nila nang—dahil sa isang
“aksidente”—ay babagsak ang wedding
photography business ni David. Sabay
na maglalaho ang mga kliyente at ang self-confidence
ni David, made-depress ito, lalo na’t
laging naiiwang mag-isa ng asawang lumilipad sa ibang bansa. Samantala,
sumisimple naman kay Kanika ang pilotong si Captain Stephen—may asawa din pero
napipinto ang pagihiwalay—at di maglalaon, hindi na maitatago ang umuusbong na attraction nila sa isa’t isa. Pagkatapos ng isang matinding confrontation nila Kanika at David, magpapalamig
si David sa Sinilaban Island—a.k.a. “Sin Island”—at dito siya madadarang sa
init ng panunukso ni Tasha (Natalie Hart) na malaki pala sira sa ulo. Dito na rin mag-uumpisa ang kahindik-hindik
at madugong parte ng istorya.
Kapuna-puna
na dumarami nang mga pelikulang Pilipino ang nagtatampok ng magagandang tanawin
sa Pilipinas, tulad ng Siargao
atbp. Naipakita din ng Sin Island ang ganda ng kapaligiran ng
lugar, kaya lang, wala naman totoong “Sinilaban Island” sa Pinas—inimbento lang
kung baga, para magkaroon ng “Sin Island”.
Catchy nga naman bilang title, biruin mo, isang Pulo ng Pagkakasala! Dahil sa pamagat na “Sin Island”, agad
maiisip ng manonood ay “Siguradong bomba ito.”
Meron ngang “bomba”, pero dahil maayos ang kuha noon ng kamera, hindi
naging salaula ang bed scenes sa Sin Island. Tuloy, hindi nito nasapawan ang kwentong tiyak
na mahahanapan ng magandang aral ng mga manunood. Bagama’t makatotohanan at nagpapakita ng maturity ang pagganap ni Lim at Garcia,
lalo na sa mga pag-aaway nila, medyo nagkulang naman ang characterization ni Tasha bilang kontrabida—hindi isinasalarawan
ang ugat ng kanyang murderous streak,
tuloy maiisip mo sa simula, “Tinotopak lang ba ito o talagang me dugong
mamamatay-tao?”
Bagama’t
makatuwiran ang pagtatapos ng pelikula, ang Sin Island ay para lamang sa mga may hinog na isipan, at sadyang
makaka-relate sa kuwento ang mga may
asawa na (o nagbabalak mag-asawa pa lang) pagka’t ipinapakita nito kung anu-anong
mga bagay ang nagiging dahilan para magkatabangan ang mga dati’y maiinit magmahalan.
Nandiyan ang pisikal na pagkakalayo, ang pambubuyo ng mga kasamahan, ang
kahinaan ng ibang tao, at higit sa lahat, ang kakulangan ng tunay na pagkilala
at pagtanggap sa sarili. Ang malalim na
pagsusuri at pagkilala natin sa ating pagkatao—anuman ang estado natin sa buhay—ang
mag-aakay sa atin tungo sa matalinong paglutas ng kahit anong suliraning
ibabato sa atin ng pagkakataon. Ang
pagkilala din sa tunay nating pagkatao—sa liwanag ng kaalamang tayo ay nilikha
kawangis ng Lumikha—ang magbibigay lakas sa atin upang mapaglabanan natin ang laganap
na mga pag-uugaling nakakalason sa ating isipan at manatili tayo sa wastong
landas na magbibigay-buhay sa atin at sa ating kapwa tao.