DIRECTOR:
Jason Paul Laxamana LEAD CAST: Devon Seron, Joseph Marco, Sofia Andres WRITER: Jason Paul Laxamana SCREENWRITER: Jason Paul Laxamana PRODUCER:
Lily Y. Monteverde MUSIC: Paulo Protacio FILM EDITOR: Ilsa Malsi GENRE: Horror CINEMATOGRAPHY: Rommel
Sales PRODUCTION DESIGNER: Melvin Lacerna PRODUCTON
COMPANY: Regal Films, LargaVista
Entertainment SPECIAL EFFECTS:
Imaginary Friends Studio SOUND DESIGNERS: Lamberto Casas Jr., Immanuel
Verona RELEASED BY: Regal Entertainment, Inc. COUNTRY: Philippines LANGUAGE: Filipino, Tagalog RUNNING TIME: 95 minutes
Technical assessment: 3.5
Moral assessment: 2.5
CINEMA rating: V14
MTRCB rating: R13
Katuwaan
ng spoiled brat na si Jean Cordero (Sofia Andres) at ng kanyang
mga kaibigan na kapwa anak-mayaman, sina Val (Cherise Castro) at Bobby (Albie
CasiƱo). na manakot ng mga tao sa kanilang lugar, kunan ito ng litrato, at
ilabas ito sa kanyang social media
channel account. Maiisipan ni Jean na maghanap ng mga bagong
mapagkakatuwaan at makukumbinse niya ang ex-boyfriend
na si Sherwin (Joseph Marco) upang ipagmaneho sila. Hahantong sila sa isang
ilang na lugar kung saan matatagpuan nila ang pulubing si Luna (Devon Seron). Tatakutin nila ito at tatakbo hanggang sa
mahulog sa matarik na abandonadong gusali. Aakalain nila na namatay ito dahil sa sama ng
pagkakabagsak subalit sa kanilang pagkabigla ay mawawala ito na parang bula
mula sa pinagbagsakan nito. Magmula noon ay magkakaroon na sina Jean, Val at
Bobby ng mga kakaibang panaginip at pakiramdam na may nakasubaybay sa kanila na
nagdudulot ng kilabot hanggang sa misteryosong mamatay si Bobby. Kukutuban si Jean na may kinalaman ito sa
pulubing biktima ng kanilang pananakot kaya magpapasama siya kay Sherwin upang
bumalik sa lugar ng pangyayari at humingi ng tawad. Sa pagbabalik nila sa lugar ay makilala nila
si Quintin (Kiko Estrada), anak-anakan ng albularyong si Nanay Minda (Aiko
Melendez) at malalaman nila na malakas
na uri ng “usog” ng isang namatay na mangkukulam na si Catalina (Eula Valdez)
ang tumama sa kanila.
Maganda
ang kuwento ng Pwera Usog. Maayos
na naipakita nito kung paano nagkaroon ng pag-unlad at pagbabago, at paniniwala sa mga
tauhan. Bagamat exaggerated ay nakapagbigay ito ng kaalaman tungkol sa
“usog” na isa sa mga sinaunang pamahiin ng mga P ilipino na umiiral pa rin
hanggang sa kasalukuyan. Dahil marahil sa temang katatakutan ay labis nitong
iniugnay ang “usog” sa isang di matahimik na kaluluwa at makapaghasik ng
kapahamakan. Mahusay ang mga pagganap
nina Andres, Marco, Seron, at Estrada kahit mga baguhan ay nakipagsabayan sa
husay ng mga batikan na sina Melendez at Valdez. Epektibo ang pagkakadirehe sa
kanila at kabuuang trato sa kwento. Maganda ang disenyo ng produksyon at ang mga
kuha ng kamera sa iba’t ibang setting.
Malaki ang naitulong ng malinis na editing dahil naipakita ang kaugnayan ng
bawat lugar mula sa sibilisasyon hanggang sa lumang bahay, gusali at simpleng
bahay kubo. Lalong nakapagbigay saysay at
epektibong paghahatid ng takot at gulat sa mga manonood ang mga ginamit na ilaw, musika, at tunog.
Ipinakita
sa pelikula kung saan pwedeng dalhin ang mga kabataan ng malilikot nilang ideya
sa paggamit ng social media lalo na
kapag walang nakatutok na paggabay ng magulang. Isa ito sa mga nagiging epekto sa mga anak ng
mga hiwalay na magulang. Hindi makatao
na paglaruan at gawing katatawanan ng sinuman ang kanyang kapwa katulad ng
pinakita ng pelikula. Kung hindi pa
nagkaroon ng kakaibang kaganapan at pagbuwis ng buhay ay hindi maiisipan ang
paghingi ng tawad. Samantala, tradisyong
pagano ang ipinakitang trato sa “usog” sa pelikula—mapapansin na wala man
lamang patungkol sa kristyanong ispiritualidad, sa halip ay mga espiritu ng mga
yumaong ninuno ang hiningan ng kalakasan ni Quintin para magapi ang masamang
espiritu; naging sanggalang o pangontra din ang mga anting-anting. Sa bandang huli ay nanaig naman ang kabutihan
at nagpanibago sa buhay ng mga tauhan. Subalit sa kabuuan ay nakakabahala ang tema ng
pelikula dahil sa mga mensahe ng paganong paniniwala, at ang pag-aanak kahit
hindi nagpapakasal bilang hugot ng isang anak mula sa broken marriage.