DIRECTOR:
Dan Villegas LEAD CAST: Gerald Anderson, Bea Alonzo, Alex Medina,
Anna Luna, Nicco Manalo, Jerome Tan, Divine Aucina, Bryan Sy,
Janus del Prado, Bernard Palanca STORY: Dan Villegas SCREENWRITERS: Patrick R. Valencia, Hyro
P. Aguinaldo PRODUCER: Elma S. Medua EXECUTIVE PRODUCERS: Charo Santos-Concio, Malou
Santos MUSIC BY: Emerzon Texon FILM EDITOR: Marya Ignacio
GENRE: Romantic Drama CINEMATOGRAPHER:
Mycko David ART DIRECTOR: Michael
Bagot PRODUCTON COMPANY: ABS-CBN Film Productions (Star Cinema) DISTRIBUTED BY: Star Cinema COUNTRY:
Philippines LANGUAGE: Pilipino RUNNING TIME: 115 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2
CINEMA rating:
V18
Magkakakilala sila Anj (Bea Alonzo) at Nino
(Gerald Anderson) sa isang bar, at
dagling magkakalapit ang kanilang kalooban. Bagama’t hindi nag-aral ng pagluluto, nagtatrabaho bilang cook
si Anj sa Kapitolyo restaurant row
(Pasig) dahil talagang hilig niyang magluto. Si Nino naman ay isang magaling na
sales agent ng mga imported lighting systems. Magpapatuloy ang pagkikita nilang dalawa
hanggang sa maging “sila na”. Buong-loob
na susuportahan ni Nino ang ambisyon ng Anj na maging isang chef sa isang high end restaurant hanggang sa puntong ipadadala si Anj ng amo
niyang si Pocholo (Bernard Palanca) sa Paris para mahasa ang galing nito. Magsisimulang dumilim ang mundo ni Anj at
Nino gawa ng hindi pagkakasunduan sa kabila ng kanilang mabubuting hangarin
para sa isa’t isa.
Bagama’t may mga bahaging medyo “angat” ang How
to be yours sa karaniwang pelikula, meron din mga parteng “kapos” din ito. Halimbawa, mahusay ang sinematograpiya, pero
kulang sa paglalarawan ang lalim ng relasyon ni Anj at Nino—mababaw ang
pagtatagni-tagni ng mga eksena ng dalawa.
Oo nga, maganda silang panoorin—hindi nakakasawang tingnan ang
kagandahan ni Alonzo, lalo na’t napapaligiran siya ng supporting cast na “hindi magaganda” ayon sa isang manunuod na
narinig namin— pero kung tutuusin, karikatura lamang ng isang pag-iibigan ang
ipinakikita ng pelikula. Sinikap nitong
maging makatuwiran sa parte ng pagtatalo o pag-aaway ng dalawa, at mahusay
naman itong naisagawa, nguni’t naging labis namang naging madali ang resolusyon
sa huli. Iisipin mo tuloy, ang pelikula
bang ito’y ginawa upang masalamin ang katotohanang namamagitan sa mga
mag-sing-irog sa ganitong situwasyon, o para lamang ilungsad ang tambalang
Alonzo-Anderson at muling mapag-usapan at mapagkitaan ito? Sa hinaba-haba ng mga eksena nila, hindi
maantig ang damdamin ng manunuod na magka-simpatiya kay Anj man o kay Nino. Namukod-tangi si Palanca bilang isang malupit
na amo, kapani-paniwala pagkat walang self-consciousness
sa pagganap.
Iba’t ibang reaksiyon ang
natutunugan ng CINEMA sa mga nakapanood na ng How to be yours. Hindi nag-iisa ang dalubhasa at popular na film critic na pumuri sa pelikula, at
may mga movie fans din namang walang
nakitang exceptional dito. Kahit maituturing na “malinis” ang pelikula
pagkat hindi ito “bastos”, hindi rin hahayaan ng CINEMA na tanggapin na lamang
ng mga kabataang manunuod ang relasyon ni Anj at Nino bilang “kalakaran” na,
tulad ng ipinapalagay ng pelikula. Ang
pagsasama nila ay kinukunsinti pa ng mga kaibigan nila, at ni hindi pinagtatakhan
o ipinagbabawal ng mga magulang. Kahit
na dumarami na diumano ang tumatanggap sa ganitong mga kasunduan ng mga dalaga’t
binata sa ngayon, hindi ito dapat tanggapin bilang “the new normal” ng mga
kabataan, bagkus akayin natin ang ating mga anak na igalang ang mga higit pang
mahahalagang bagay kaysa pagli-live in.
Magandang tanungin sila: Ang mga hindi
pagkakasundo nila Nino at Anj kaya ay mangyayari kung hindi sila
nagsasama? Nang mabalitaan ng CINEMA na dumalo
sa premiere screening ng How to be
yours si bise-presidente Leni Robredo at ang kanyang mga anak, naisip namin:
Paano kaya ipinaliwanag ni Leni sa mga anak niya ang implied premarital sex ng pelikula?