Monday, June 13, 2016

Magtanggol

DIRECTOR: Sigfreid Barros-Sanchez  LEAD CAST: Tom Rodriguez, Denise Laurel, Joonee Gamboa, Ejay Falcon, Albie Casino, Yam Concepcion, Ricky Davao, Kim Domingo, Dina Bonnevie  SCREENWRITER: Sigfreid Barros-Sanchez, Henrie Famorcan Enaje, Henrie Dela Cruz  PRODUCER:  Jojo and Susan Dispo (Felix and Bert Productions)  EDITOR:  George Jarlego  MUSICAL DIRECTOR:  Francis Deveyra  GENRE: Political thriller (Indie Film), Action, Drama  CINEMATOGRAPHER:  Topel Lee  LOCATION:  Philippines RUNNING TIME: 143 minutes
Technical assessment: 3
Moral assessment: 2
CINEMA rating: V 14
Matagal nang kilala ang pamilya Magtanggol bilang mga makabayan at masugid na tagapagtanggol ng mga naaapi.  Isa sa kanila ay si Juancho Magtanggol na walang takot na naninidigan para sa mga karapatan ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) sa kabila ng mga balakid at batikos ng mga kalaban.  Ang angkan ng mga Magtanggol ay mayroon ding mga hindi pagkakaunawaang namamagitan sa iba’t ibang pamilya nila, ngunit sususporta sila sa senador na kaanak nang ito’y haharap bilang pangunahing suspect sa pagpatay ng mga abusandong amo ng mga OFWs.
Ayon sa prodyuser ng pelikula, si Gng. Susan Dispo, ginawa nila ang Magtanggol bilang isang advocacy.  Ang bahagi ng kikitain nito sa takilya, diumano, ay inilalaan tungo sa pagpapatayo ng isang gusaling matitirhan ng mga OFWs habang pinoproseso nila ang kanilang mga dokumento pa-abroad.  Mula sa kuwentong katha ng kabiyak niyang si Jojo Dispo, ang Magtanggol ay tinanggihan ng malalaking mga producers at networks pagka’t ang hanap ng mga ito ay mga popular na kwento ng romansa.  Gayun pa man, itinuloy nila ang pelikula.  “Batid naming ang mga hirap na pinagdaraanan ng mga OFWs, ang mga sakripisyo nila mapuno lamang ang mga Balikbayan boxes na ipinadadala nila sa Pilipinas tuwing pasko at gitna ng taon, at nais naming makatulong sa kanila,” ani Gng. Dispo tungkol sa mga manggagawang nag-aangat ng ekonomiya ng bansa.
Maliit ang budget ng Magtanggol, at may puntong halos sumuko na ang mga Dispos dahil sa bumibigat na gastos, pero pinalad silang makasama ang mga malalaking artistang naniniwala sa kanilang adbokasiya, pahayag ng mga Dispos sa press conference noong mag-premiere ang pelikula kamakailan sa SM Mall of Asia.  Ayon kay Dina Bonnevie, “Ang tutok ng pelikula ay upang pangalagaan ang OFWs, kaya nga iyon ang pamagat nito. Ano ang ipagtatanggol mo? Ang adhikain mo na hindi malinis, ‘yung gusto mong mangyari sa buhay mo na nakakasakit ka ng ibang tao pero kapag ginawa mo ay may makakamkam kang pera o ipagtatanggol mo ba ang dangal at pangalan ng pamilya mo o ang dangal at pangalan ng Pilipino?”  Dapat lamang na ipagpatuloy ng industriya ang paggawa ng mga pelikulang may “social relevance”, ayon sa artista.  Kapag nagustuhan ito ng publiko, ani Gng. Dispos, gagawa ulit sila ng isa pang pang pelikulang makakatulong sa ating mga kababayan, at susuportahan ng mga manonood na gusto ring sa kapwa. makatulong   At ito, ayon sa CINEMA, ang halaga ng Magtanggol bilang isang pelikula—ang magkaroon ng adhikaing makapaglingkod sa ikabubuti ng kapwa at lipunan sa pamamagitan ng pelikula.