Tuesday, March 15, 2016

Girlfriend for hire



Direction: Vanessa de Leon; Cast: Yassi Pressman, Andre Paras; Story:  Based on Wattpad’s short story with the same title; Screenplay: Jose Javier Reyes;  Editing: Vanessa de Leon; Producers: Vincent de Rosario III, et al; Genre: Romance; Location: Metro Manila; Distributor: Viva Films  Running Time: 104 minutes
Technical assessment:  2
Moral assessment:   2.5
CINEMA rating: V14
Si Nami (Yassi Pressman) ay isang iskolar sa Stanford, isang kolehiyong pangmayaman. Madalas siyang makabanggaang landas si Bryle (Paras), ang kaisa-isang apo ng may-ari ng paaralan. At sa mga pagkakataong ito ay lagi silang magbabangayan.  Nang maglayas si Nami dahil sa problema sa bahay ay siya naman mabubundol siya ni Bryle na namumublema sa kundisyon ng kanyang lolo na dapat siyang makapagbigay ng apo magtutuloy sa lahi ng mga Stanford. Makikipagkasundo ang binata na ipakikilala si Nami bilang nobya sa kanyang lolo kapalit nang pagpapatira sa condo at pera. Kaso nga lamang ay magkakahulugan sila ng loob. Lalong magiging kumplikado ang sitwasyon sa pagbabalik ng nobya ni Bryle na maglalagay sa damdamin ng binata sa alanganin.
Malaki ang kakulangan ng kwento ng Girlfriend for hire. Unang-una ay gasgas na ang buod nito at kakatwa ang pinagpapalagay na magkakahulugan ng loob ang mga tauhan sa kabila ng kanilang pagkakaiba ng motibo at prinsipyo. Lalo nang naging kakatwa ang daloy na ang mismong suliranin sa kanilang relasyon ang siya rin namang nagsilbing resolusyon.  Walang kahirap hirap sa dalawang tauhan na panindigan o ipaglaban ang kanilang “pag-iibigan”.  Kapag dumako pa tayo sa pagganap nina Pressman at Paras ay lalong nagiging kabugnot-bugnot ang desisyon panuorin ang pelikulang ito. Sinasalo lamang ng mga teknikal na aspeto ang pelikula—musika, sinematograpiya, disenyo. Pero tulad ng lagi naming binibigyang-diin, kung hungkag ito, hindi makakasalba ang mga palamuting teknikal na ikukulapol dito.
Girlfriend for hire ang tipo ng pelikula na simula pa lamang ay alam mo na ang katapusan. Ang mas malala ay lagi na lang umiikot ang mga kwento mula Wattpad sa mga mababaw at imposibleng relasyon. Ang mga babae ay humaling na humaling sa mga lalaking abusado o makasarili at sa isang iglap, biglang mababago ang ugali ng lalaki at sila ay mabubuhay nang “happily ever after”. Sige, maaaring patok ang mga kwentong nakakakilig na ito sa mga kabataan pero ano naman kaya ang mensahe ukol sa relasyon at pag-ibig ang naipapamahagi ng mga ganitong pelikula?  Kung bakit nanatili si Nami bagamat hindi maganda ang pakikitungo sa kanya ni Bryle ay isang malaking palaisipan, kungdi man katangahan.  Sadya ba siyang mahina at walang paninindigan o ipagpapalit ang dignidad para sa kaunting luho?  Kung may saysay man ang kuwentong ito, ito ay para ipakita sa kabataan kung ano ang mga relasyong dapat iwasan.