DIRECTOR: Cathy Garcia-Molina LEAD
CAST: Bea Alonzo, John Lloyd Cruz, Dimples Romana SCREENWRITER:
Vanessa Valdez, Carmi Raymundo PRODUCER: Malou Santos
EDITOR: Marya Ignacio MUSICAL DIRECTOR: Francis
Concio
GENRE:
Romantic Drama CINEMATOGRAPHER: Noel Teehankee
DISTRIBUTOR: Star
Cinema
LOCATION: Philippines RUNNING TIME: 130 minutes
Technical
Assessment : 3
Moral
Assessment: 3
CINEMA
Rating: V13
Magpapakasal at magsumpaang magmamahalan nang wagas
ang dating live-in partners na sina
Basya (Bea Alonzo) at Popoy (John Lloyd Cruz). Bilang mga lisensyadong enhinyero
at arkitekto ay magtataguyod sila ng construction
business na mabilis na uunlad. Lalong magpupursige ang mag-asawa na
magpalago ng negosyo dahil magbubuntis si Basya. Nais nilang mabigyan ng magandang kinabukasan ang kanilang
anak. Subalit dahil sa pressure ng
trabaho ay makukunan si Basya at tuluyang mawawala ang sanggol na kanyang dinadala. Labis itong ikalulungkot nina
Basya at Popoy kaya napagkasunduan nila ayon na rin sa mungkahi ni Basya na
titigil siya sa pagtatrabaho upang makabuo uli sila ng baby. Nanatili si
Basya sa bahay at di nakialam sa negosyo sa loob ng dalawang taon. Pinaubaya
niya ang pagpapatakbo ng negosyo kay Popoy. Magtitiwala si Basya sa kakayanan
ng asawa na mahusay nitong mapapamahalaan ang kompanya katulad ng naging
problema ng pagguho ng isang building
project. Hindi rin gugustuhin
ni Popoy na bigyan ng alalahanin si Basya. Samantala sa kabila ng magandang
saloobin nila sa isa’t isa ay ang napipintong pagkalugi ng negosyo na siya
namang ililihim ni Popoy kay Basya.
Dahil sasarilinin ni Popoy ang problema, maapektuhan ng tuluyan ang
kanilang pagsasama.
Sequel
ng pelikulang One More Chance na
pinalabas noong 2007 ang Second Chance.
Matatandaang tumatatak ang naunang
pelikula dahil sa mga tinatawag na ‘hugot lines’ nina Alonzo at Cruz sa
nasabing pelikula. Di naman nabigo ang mga nag-abang sa sequel na ito dahil
naganap nga ang second chance sa mga pangunahing tauhan na sina Basya at Popoy.
Malinis ang pagkakadugtong ng
dalawang pelikula --- parehong mga tauhan at kontexto gayundin ang mga artistang nagsiganap. Sa kabila ng pagkakaroon ng prequel ay napanatili ang malayang
istorya ng Second Chance bilang isang pelikula. Bagamat predictable ang wakas ay naging kasabik-sabik pa din ang mga
eksena at mga palitan ng linya ng lahat ng tauhan. Di matatawaran ang husay ng pagganap nina Alonzo at Cruz
bilang mag-asawa, panalo talaga ang tinatawag na chemistry nilang dalawa. Di rin nagpahuli nag mga katuwang na aktor
at aktres. Magaling ang ginawang
trato ng direktor para mapalabas ang kalakasan ng mga nagsiganap at ang mga
eksenang hinaluan ng patawa lalo na sa eksena kasama ng mga kaibigan. Simple
lamang ang disenyo ng produksyon pero nakatulong ang mga kuha ng camera at
editing para maging makabuluhan sa
istorya ang setting. Makahulugan ang composition
na nagpapakita ng electric fan para
sa mensahe na nagtitipid na ang mag-asawa dahil lugi na ang kompanya.
Mayaman sa mensahe para sa
mga mag-asawa ang Second Chance. Pinakita sa pelikula ang realidad ng
buhay may-asawa na hindi lang puro kasarapan sa halip ay mga pagsubok na
maaring mauwi sa hiwalayan kung hindi haharapin at aayusin. Sa relasyon ng
mag-asawa ay napakahalaga ng magiging bukas sa isa’t isa kaya anuman ang
pagdaanan ay magkatuwang na
haharapin. Ang pagtatago ni Popoy
ng katotohanan kay Basya ang naging mitsa ng lumubhang alitan, di pagkakaunawaan,
pagkawala ng respeto, at palitan
ng masasakit na salita—pati tiwala
sa sarili ay nawala. At sa punto na pipiliin ng isa na lumayo at hanapin ang
sarili, ay nakatulong na balikan ang mga sumpaan binatiwan nuong sila ay ikinasal
at higit sa lahat ang kanilang pagmamahal sa isa’t isa. Mainam din na may mga kaibigan at
pamilya na pwedeng lapitan na susuporta at hindi manghuhusga, manunumbat, o
mang-uudyok sa paggawa ng mali. Kapuna-puna lang na bagamat nagsimula at nagwakas ang
pelikula sa chapel ay tila di man
lang nila naisipan na magdasal habang may pinagdaraanan sila. Nais isipin ng CINEMA na ang gusto lamang
sabihin ng pelikula ay: ang pag-aasawa ay hindi lamang sa pagitan ng dalawang
tao kundi dapat ay kasama palagi ang Diyos.