DIRECTOR: Gino M. Santos LEAD CAST: Derek Ramsey, Colleen Garcia, Meg Imperial, Carmi Martin SCREENPLAY: Jeff Stelton, based on a
novel by RUTH MENDOZA GENRE:
drama, romance PRODUCERS: ABS-CBN Productions, Star Cinema, Viva
Films COUNTRY: Philippines
Technical assessment: 2.5
Moral assessment: 2:5
CINEMA rating: V18
MTRCB rating: R13
Magkaklase
sa medical school sila Adam (Derek
Ramsey) at Arki (Colleen Garcia)—at magkasintahan din na magkakahiwalay nang
may samaan ng loob. Makaraan ang
sampung taon, isa nang nangungunang “sports doctor” si Adam, at susulpot muli
sa buhay niya si Arki, na isa namang nagungunang medical representative o “med rep.” Batid ng marami na nakarating sa tuktok si Arki
pagka’t kasama ang kanyang katawan sa ibinebenta niyang mga gamot—sa
pagbubulung-bulungan ng iba, isa siyang “buy one, take one.” Aasahan si Arki ng kanyang boss (Carmi
Martin) na makamtan ang endorsement
ni Adam para sa bago nilang produktong
pain killer. Pagkat may gusto
pa si Adam kay Arki, at may kailangan naman si Arki sa doctor, may mamamagitan
sa dalawa. Sisikapin ni Arki na
gawing “trabaho lang at walang personalan” ang kanilang pagkakalapit, ngunit
hindi rin maikakaila ng babae ng may pagtatangi pa rin siya kay Adam.
Isa-isang-tabi
na lamang natin ang sound, lighting,
music, cinematography, at iba pang mga technical
aspects ng pelikula, na karaniwan lamang naman para sa ganitong genre. Higit pa sa kahalagahan ng mga aspetong ito ng Ex with benefits ay ang “pagdadala”
nito sa tema ng pelikula.
Ano ba ang hangarin ng pelikula o ng direktor sa ginawa nitong
pagtalakay sa kuwento? Ang
itinatampok sa advertising posters nito
ay ang masasayang eksena ng magsing-irog—bagay na aakalain ng manonood na isang
romantic comedy ang pelikula. Sa pagsasalarawan ng pelikula sa sexual intimacies ng pangunahing tambalan,
may mga nilabag itong “ethical and moral boundaries” na hindi nito
pinagmalasakitang ipaliwanag. Kaya
nga ba’t trailer pa lamang nito ay
umani na ng galit ng ilang “med reps”. Tanong nila: “Ano na lamang ang sasabihin ng aming mga
kaibigan—na ganyan pala ang ginagawa namin makabenta lamang? Kawawa yung may mga asawang med reps na pagdududahan ng asawa nila
dahil sa pelikulang iyan!”
May
ilalahad sa hulihang bahagi ng pelikula upang bigyan ng “bigat” ang kuwento,
ngunit hindi ito magiging kapani-paniwala pagkat hindi ito naging sapat upang
maging balanse ang pelikula. Para
lamang itong idinagdag para pahiramin ng kaunting moralidad ang kuwento pagkat
kahit ang pagganap ni Ramsey at Garcia sa bahaging ito—kung ikokompara sa
maiinit nilang pagganap sa mga tagpo ng pagtatalik—ay matabang, mahaba ngunit
mababaw, at walang puwersang pumukaw sa damdamin ng manonood. Sa katunayan, tila baga dumarami ang nanonood
sa Ex with benefits sa pag-asang
umaatikabong bakbakan sa kama ang itatambad ng pinalakang tabing. Pinili ng pelikula na talakayin ang
isang napakamaselang bagay—ang katapatan sa propesyon—ngunit hindi nito
nakayang bigyang-katarungan iyon.
Bagkus nailagay pa nito sa alanganin ang trabaho ng mga “med reps”, ang
kredibilidad ng mga doktor, at ang tuntunin ng mga pharmaceutical companies.