Friday, July 17, 2015

The breakup playlist


DIRECTOR: Dan Villegas  LEAD CAST: Sarah Geronimo, Piolo Pascual, Rio Locsin, Dennis Padilla, Diego Loyzaga, Maris Racal, Anna Luna, Teddy Corpuz, Cris Villonco, Badji Mortiz, Jet Pangan  SCREENWRITER:  Antoinette Jadaone  PRODUCER:  Malou N. Santos, Charo Santos-Concio, Vic Del Rosario Jr.  GENRE: Drama, Music, Romance  CINEMATOGRAPHER:  Dan Villegas  DISTRIBUTOR: Star Cinema and Viva Films  LOCATION:  Philippines RUNNING TIME:  115 minutes
Technical assessment:  3
Moral assessment:  3
MTRCB rating: PG 13
CINEMA rating: V 14 (Viewers age 14 and abov
             Nag-aaral ng abogasya si Trixie David (Sarah Geronimo) bilang pagsunod sa kagustuhan ng mga magulang (Dennis Padilla at Rio Locsin), ngunit musika ang kanyang hilig at pangarap. Pinagbigyan siyang sumali sa isang music camp kung saan nakilala niya si Gino Avila (Piolo Pascual) na isang musikero. Kinumbinse ni Gino si Trixie na maging miyembro ng Pencil Grip na banda niya. Tuluyan nang huminto sa pag-aaral si Trixie at gumawa sila ni Gino ng magandang musika. Nagtagumpay ang banda nila ngunit umiral ang pagka-insecure ni Gino nang makita nitong laging pinupuri si Trixie. Parang nasasapawan na siya ni Trixie kaya’t ipinagtulakan niya itong palayo. Pagkalipas ng tatlong taon, muli silang inanyayahang mag-perform na magkasama. Makakaya bang magpatawad ni Trixie? Magkakabalikan pa kaya sila?
            Magkasama sa unang pagkakataon sina Sarah Geronimo at Piolo Pascual sa Breakup Playlist. Mahusay silang magsiganap bilang Trixie at Gino, at kahit malayo ang agwat ng edad ay kapani-paniwala ang kanilang chemistry, at ang kanilang musika. Nagpakita ng higit na galing sa pag-arte si Geronimo sa pagsasabuhay ng kanyang papel. Makabuluhan din ang pagganap ng mga supporting actors na nagbigay ng kabuuan sa mundo ng mga pangunahing tauhan. Kakaibang love story ang Breakup Playlist, salamat sa malikhaing panulat ni Antoinette Jadaone, na nakilalang direktor sa That Thing Called Tadhana. Simpleng kuwento ng pag-ibig na magsisimula sa breakup bago makita ng manonood kung paano ito nagsimula. Maraming memorable dialogue at nakakatuwa din ang paggamit ng mga titolo ng CD albums sa kanilang pag-uusap. Akma ang musika kaya lang ay sobrang lakas ng volume nito. Mahusay ang paggamit ng flashback  kaya lang ay parang pilit ang conclusion. Kapansin-pansin ang somber at dramatic lighting ng pelikula, na ibang-iba sa mga romance movies, na bumagay naman sa takbo at timbre ng istorya. Kaya lang, bakit napakaraming product/service endorsement na halatang isiningit at wala namang kaugnayan sa kwento?
            Makatotohanan ang paglalarawan ng pamilya sa Breakup Playlist. Nariyan ang pagsisikap ng mga magulang upang maging maganda ang kinabukasan ng anak, ang mga pangarap na nasawi, ang hangganan ng pagpapaubaya, at ang pagpapatawad. Makikita rin ang kapusukan ng kabataan sa kabila ng kagustuhang tumalima sa magulang, at ang pagtugon sa sariling pangarap at hilig. Bahagi ng responsibilidad ng magulang at ng mga anak ang linangin at pagyamanin ang anumang kagalingan/talent na ipinagkaloob sa iyo. Isinabuhay rin dito ang karaniwang insecurity ng kalalakihan – ang kahirapang tumanggap sa galing at tagumpay ng kababaihan, na para bang kumpetisyon ang buhay. Ipinapakita rin na sa anumang relasyon, kailangan ang pagkilala at pagtanggap sa sariling kahinaan at pagkakamali, ang pagpapakumbaba ubang humingi ng tawad at ang pagpapatawad.
            Sa kabila ng magagandang aral na napapaloob sa pelikula, iminumungkahi ng CINEMA na mga kabataang mula sa edad na 14 lamang at pataas ang manood nito dahil sa tema, at sa subliminal suggestion na OK lang na magsama ang magkasintahan bilang mag-asawa na hindi ikinasal.