-->Direction: Andoy Ranay; Cast: James Reid, Nadine Lustre, Julia Barretto and Inigo Pascual; Story: Marcelo Santos III; Screenplay: JM Gadingan; Editing: Nacelle Sayr; Cinematography: ; Production Design: ; Producer: .; Music: ; Location: PUP, Manila area; Genre: Teen Romance; Distributor: Star Cinema; Running Time:1:45;
Technical
assessment : 3 stars
Moral
assessment : 3 stars
CINEMA
rating: V13
Hanggang ngayon ay masakit pa rin para kay
Becca (Lustre) ang paghihiwalay nila ng kasintahang si Nikko (Reid), kaya naman
kahit sa kanyang pagsusulat ng nobela para sa dyaryo ng paaralan ay hindi rin
niya mabigyan ng masayang pagtatapos ang kanyang mga tauhang sina Maria
(Barretto) at Ryan (Pascual) sa kanyang kwento. Pero muli siyang mabubuhayan ng
loob nang magkaroon ng di sinasadyang ugnayan sa taong nakaupo rin sa kanyang
upuan sa klase dahil sa pagpapalitan nila ng sulat at kwento.
May kaunting kiliti ang Para sa Hopeless Romantic, lalo sa mga
kabataang sumusubaybay sa mga tampok na tambalan. Nakakatuwa rin ang disenyong
pamproduksyon, lalo sa unang bahagi ng pelikula, kung saan kulay rosas ang
kapaligiran ng ikinathang mundo nina Maria at Ryan, samantalang makatotohanan
ang mga kulay sa mundo nina Becca at Nikko. Wala namang bigat na hiningi mula
sa pagganap ng mga tauhan kaya't mapapatawad na ang matigas at tila mala-karton
na pag-atake nina Reid at Pascual at ang malatang pagganap ni Barretto. Malinis
ang pagkagawa sa pelikula at walang mapupuna sa ibang teknikal na aspeto nito.
Kung sana ay sinikap pang pigain ang pagganap ng mga tauhan dahil walang
“chemistry” ang kani-kanilang tambalan kaya’t ipinagpilitan ng musika at ng mga
angulo ng kamera na palabasing nagkakagustuhan sila, para naman kiligin ang mga
manunuod sa mga bahaging ito. Mas malaki naman ang kakulangan ng kwento sa
pagtalakay sa pag-ibig dahil nauuwi lamang sa romansang pangkabataan ang mga
karanasan nito. Sabagay, kaya nga “hopeless romantic” ang pamagat, dahil
ipinapapalagay na hindi masyadong pag-iisipan ang panunuorin.
Bagamat wala namang malaswa o bastos sa Para sa Hopeless Romantic, ay may malaking usapin itong binubuksan—lalo na para sa mga magulang.
Ang panahon ba ng kabataan ay panahon ng pagkakaroon ng relasyon? Handa nga ba
ang isang mag-aaral na nasa high school na
harapin ang kumplikasyon ng relasyon at pag-ibig? Tiyak, ang sagot ay hindi,
kaya naman kadalasan ang isang kabataang nahiwalayan ng nobyo o nobya ay halos
madurog na ang mundo at hirap nang harapin ang iba pang responsibilidad. Heto
kasi ang idinidikta at ibinebenta ng media:
"kabataan + romansa = takilya". Akala tuloy ng kabataan, pagtuntong
nila ng "teen" ay may lisensya na silang magkarelasyon at duon na
iikot ang kanilang mundo at buhay.
Ang tunay na pag-ibig ay mahirap matagpuan
sa usbong ng kabataan dahil higit pa ito sa kilig, romansa at kulay rosas na
kapaligiran. Ang tunay na pag-ibig ay sinusubok ng panahon, hinahasa ng mga
tunay na suliranin ng buhay, pinapalalim at pinapagtibay ng karanasan at ng
hamon ng pagbubuo ng sarili. Kung
manunuod ang mga kabataan, nas mabuting may kasamang nakatatanda na
makapagpapaliwanag sa kanila ng konsepto ng pag-ibig.