Technical assessment: 1.5
Moral assessment: 2
MTRCB rating: R 13
MTRCB rating: R 13
CINEMA rating: V18
Pagkatapos
makipaghiwalay sa nobyo, maglalasing si Haley (Andi Eigenmann) para lunurin ang
sama ng loob. Pero mauuwi sa pakikipagniig sa di kilalang lalake at
pagmamadaling umuwi at kalimutan ang nangyari kinabukasan. Pagkalipas ng ilang
araw ay malalaman niyang ang lalaking iyon, na si Rusell (Bret Jackson) ay siya
ring pinili ng kanyang mga magulang upang pakasalan niya. Pangsumandali ay
mahuhulog ang loob niya kay Rusell hanggang matuklasan niya na sinadya pala ng
lalake na magkatagpo sila. Tatakbo si Haley sa kanyang kababatang si Seth (Andre
Paras) na may lihim din palang pagtingin sa dalaga.
Tamang-tama
ang linya ni Haley, “This is one big sick joke”. Mas babagay nga kung ito ang
ginawang pamagat ng pelikula para simula pa lamang ay handa na ang isip at
kalooban ng mga manunuod. Unang-una, tila isinulat ito ng isang bagitong walang
alam sa buhay at nagpupumilit bigyan ng lalim ang one-night stand; walang
alam din sa paghahanap ng tunay na pag-ibig, relasyon, kasal, at pagiging
magulang. Pilit at hilaw ang kwento at lalong malabnaw ang pagbubuo sa katauhan
ng bawat isa. Sa paningin, maganda ang pelikula dahil tadtad ito ng magagarbong
gamit, lugar at disenyo. Pero dahil sa babaw ng kwento ay nagiging panakip
butas ito para malibang ang manunuod kahit papaano. Lalo namang masakit sa ulo
ang pagganap ng mga pangunahing tauhan. (Nakapagtataka at anak pa nina Mark Gil
at Jackylyn Jose si Eigenmann). Sana
ay ginastusan sila ng acting workshop
para nagkaroon naman ng lalim at buhay ang kanilang pagganap, para naman nadala
kahit kaunti ang pelikula. Maayos ang ibang aspetong teknikal at pamproduksyon,
pero dahil walang kwenta ang mismong kwento at ang pagganap ng mga artista ay
wala rin itong silbi sa kabuuan.
Isinusulong
ng pelikula ang nakakasanayang gawi ng kabataan sa panahon ngayon:
pakikipagtalik bago kasal; laro-laro muna at saka na lang magseryoso. Kahit na
ang pinakapundasyon ng kwento ay ang paghahanap ng tunay na pag-ibig, inanod
naman ito ng mababaw na pananaw sa relasyon, kasal at pakikipagtalik. Hindi
nakabubuti na ang one night stand ay
pinilit na itapat sa tunay at wagas na pag-ibig pagkat maaring isipin ng mga
bata na pagbibigay katwiran ito sa kanilang kapusukan. Hungkag ang kahulugan ng
tunay na pag-ibig sa kwento—sa isang iglap ay payag na si babae na pakasalan si
lalake dahil posible namang niyang mahalin ito balang araw; sa isang iglap ay
naniwala si lalake na naglalandi ang nobya dahil me kausap itong ibang lalake;
sa isang iglap ay iba na ang napagkasunduang pakakasalan at sa gitna ng
paglalakad sa altar ay biglang magpapalit ng kapareha…Dagdag pa ay ang masamang
imahen ng isang babae na ipinakikita ng pelikula. Walang kakayahan si Haley na
magdesisyon o ipaglaban ang sarili. Una, sa kanyang mga magulang na pumilit sa
kanyang magpakasal sa lalakeng hindi naman niya kilala; ikalawa, sa asawa na
pumilit sa kanya na magsilbi, magbuntis at umintindi sa kanyang bawat kapritso
ng damdamin. Ang masakit ay natatapos ang pelikula na masaya at naging buo ang
pagkatao ni Haley gawa ng desisyon ng ibang tao para sa kanya.