DIRECTOR: Antoinette Jadaone LEAD
CAST: Toni Gonzaga, Coco Martin WRITER, SCREENWRITER: Antoinette Jadaone EXECUTIVE PRODUCERS: Malou N. Santos, Charo
Santos-Concio CAMERA AND ELECTRICAL DEPARMENT:
Oli Lapera Jr. GENRE: Comedy, Romance PRODUCTION
COMPANIES: ABS-CBN Film Productions, Star Cinema Productions DISTRIBUTORS:
Star Cinema Productions (2015) (Philippines) LOCATION: Philippines LANGUAGE: English/Pilipino RUNNING TIME: 116 mins.
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: PG 13
Si
Georgina (Toni Gonzaga) ay may mataas na posisyon sa marketing department ng
isang maliit na airline company. Nang magpaalam para magbakasyon ang kanyang
boss (Freddie Webb), inihabilin siya nito kay Pong (Coco Martin), bilang
kanyang assistant. Hindi magkasundo sina Pong at Georgina sa umpisa. Masungit
at modern si Georgina. Kimi at simple naman si Pong. May isang importanteng
deal ang kumpanya ni Georgina na kailangan niyang maisara at ito rin ang
magsasalba sa kahihiyan na naidulot niya sa kumpanya minsang magwala siya sa
harap ng mga pasahero ng eroplano at maging viral ang video nito. Ngunit
tumangging makipag-usap sa kanya ang mga Hapones na investor dahil ang gusto
nitong kaharap ay ang boss ni Georgina. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon,
ipinakilala niya si Pong bilang kanyang boss. Dito magsisimula ang masalimuot
na relasyon nina Pong at Georgina. Magkaigihan kaya sila o lalo pang tumindi
ang kanilang pag-aaway?
Ang
You’re My Boss
ay isang pelikulang sinadyang gawin para sa mga artista nito. Sadyang ibinagay
sa dalawang bida ang mga karakter nila. May pagka-predictable ang pelikula
dahil dito ngunit di naman maiaalis na may kuwento pa rin itong gustong
sabihin. Kung tutuusin ay hindi kapani-paniwala ang pinaka-buod ng pelikula.
Pawang mahirap paniwalaan na magiging ganun kadali ang mga biglaang
pagbabalat-kayo ng bida na maging boss buhat sa pagiging ordinaryong assistant
lamang. Pawang mahirap paniwalaan at lalong mahirap panindigan ang ganitong uri
ng kasinungalingan. Sa maraming eksena, tila kakatwa ang nagiging kinakalabasan
nito. Marahil sadyang hindi bagay ang dalawang bida mula pa sa simula. Sa
kabila nito, maayos naman ang daloy ng kuwento dahil naka-sentro ito sa
dalawang bida. Maayos din ang mga kuha ng camera at sadyang malaki ang naitulong
ng magandang tanawin ng Batanes sa ikakaganda ng pelikula. Pero pawang may
kulang sa kabuuang dating ng pelikula. May timplang hinahanap ang mga
manood—marahil ito ang kilig na mahirap makuha mula sa dalawang bidang pilit na
ibinabagay. O marahil dahil nakakahon pa rin ang pelikula sa isang nakakabagot
na pormula ng romantic-comedy.
Marami
namang mapupulot sa pelikulang You’re My Boss. Naka-sentro
dito ang patungkol sa katotohanan. Nagsimula ang pelikula sa paninindigan sa
isang kasinungalingan at pagbabalat-kayo. Sa mundong ito at sa panahong ito ng
pagbabalat-kayo, tila mailap ang katotohanan. Sa kabila ng ginawang
pagkukunwari ng dalawang bida, nagawa pa rin naman nilang maging tapat sa
bandang huli, hindi lamang sa kanilang kumpanya ngunit higit-lalo sa
nararamdaman nila sa isa’t-isa. Nariyan din ang pagpapahalaga sa pamilya.
Galing ang dalawang pangunahing tauhan sa magkaibang uri ng pamilya at dito
makikita na parehas nilang pinahahalagahan ito dahil sa kanilang pinagdaan sa
kani-kaniyang pamilya. Makikita rin sa pelikula ang kahalagahan ng
pakikipag-kapwa tao, ng matutong bumangon mula sa kamalian, at ng pagtanggap ng
pagkakamali ng may pagpapakumbaba. Sa bandang huli, isang bagay pa rin ang
pinakamahalaga sa lahat—iyan ang pag-ibig na walang kinikilalang yaman o antas
sa lipunan. Lahat ay nagiging pantay-pantay sa larangan ng pag-ibig.