-->DIRECTOR: Mae Czarina Cruz LEAD CAST: Daniel Padilla, Kathryn Bernardo, Lorna Tolentino, Gabby Concepcion, Inigo Dominic Pascual, Dante Ponce SCREENWRITER: Maan Dimaculangan, Jancy E. Nicolas, Bianca B. Bernardino, Carmi Raymundo, Rory B. Quintos PRODUCER: John Leo D. Garcia, Carmi Raymundo, Malou N. Santos, Charo Santos-Concio EDITOR: Marya Ignacio MUSICAL DIRECTOR: Jesse Lucas GENRE: Drama, Romance, Comedy CINEMATOGRAPHER: Moises Lee, Dan Villegas DISTRIBUTOR: Star Cinema Productions LOCATION: Capas, Tarlac and Metro Manila RUNNING TIME: 90 minutes
Technical assessment:
3.5 Moral assessment: 4
MTRCB rating: PG13 CINEMA rating: V13
Isang
“pasaway” si Jackie (Kathryn
Bernardo) na lumaking malayo sa inang nasa Amerika (Lorna Tolentino), walang dulot
kungdi sakit ng ulo sa amang nasa Pilipinas (Dante Ponce), at walang ibang
gusto sa buhay kungdi ang masunod ang layaw niya. Bagama’t hiwalay ang kaniyang mga magulang (Lorna Tolentino
at Dante Ponce), at kahit na dalaga na si Jackie ay sige pa rin sa pag-aagawan
ang mga ito sa anak. Gusto ni
Jackie na makapag-aral sa New York, at hihimukin siya ng inang doktora na kung
sasama lamang siya hanggang sa matapos ang isang medical mission sa isang malayong probinsiya , ay matutupad ang
hiling niya. Tatanggapin ni Jackie
ang alok ng ina, at dito—sa kabilang ibayo ng bundok kung saan walang koryente
at cellphone signal—mararanasan niya
ang makisalamuha sa mga ita, ang matulog sa kawayang sahig ng kubo, at ang maunsiyami
ang kahit anong gustuhin niya.
Dito rin niya matatagpuan si Kiko.
Ano ang magiging papel ni Kiko sa buhay ni Jackie?
Sa
biglang tingin, bantulot kaming panoorin ang Crazy, beautiful you sa pag-aakalang kabilang ito sa mga dalawa-isang-perang
pelikula na ampaw ang kuwento pero puno naman ng kilig at pagbebenta ng
produkto. Lalo na pumasok na kami
sa sinehan—puno ng tao mula ibaba hanggang itaas. Pagkatapos ng palabas, napaghinuha naming kakaiba ito, at
nakatutuwa ding isipin na kahit hindi ito karaniwang “masarap” sa panglasa ng
karamihan ng mga Pilipinong manonood, ay marami pa ring tumatangkilik
dito. Malaman ang kuwento,
kapupulutan ng maraming aral at temang mapag-uusapan ng buong pamilya. Mahusay ang pagganap ng mga artista
lalo na ni Padilla na nagpapakitang kaya niyang gampanan ang isang karakter na
may kahinugan ng isip at damdamin.
Minsan nga lamang ay sobrang haba sa ilang madramang eksena (puwede
namang “higpitan” nang kaunti ang dialogue
nang walang nababawas na halaga sa kuwento), at kulang naman sa “build up” ang
ilan, tulad ng prosesong mauuwi sa pagpapatawad ng mga tauhan sa isa’t isa—para
tuloy minadali. Pero mapapatawad
na rin ang ganoong mga teknikal na pagkukulang dahil nasasapawan ito ng ibang
mga maaayos na detalya at ng kabuluhan ng buong kuwento.
Ang
katangi-tanging ganda ng pelikula ay ang pagmulat nito ng paningin ng manonood
na ang mundo ay hindi lamang ang sarili, ang pamilya, mga kaibigan at mga gusto
mo lamang na isali sa mundo mo.
Naiiba sa karamihan ang Crazy,
beautiful you—una, hindi ito karaniwang “pakilig” lamang; ikalawa, lahat ng
mga tauhan dito ay nagpapakabait sa kabila ng mga pagsubok ng buhay; ikatlo,
pinahahalagahan ng pelikula ang transformation
ng isang tao, ang pamumukadkad ng kanyang higit na nakabubuting pagkatao;
ikaapat, pinatutunayan nito na ang pagdamay ng isang tao sa mga kapos sa buhay
ay nagiging ugat ng paghilom ng mga sugat ng kanyang nakaraan; ikalima,
isinasaad dito naang daan tungo sa
tunay na pag-ibig at kaligayahan ay nabubuksan kapag natututuhan na ng isang
tao ang magmahal ng wagas sa kaniyang kapwa-tao.