SCREENWRITER: Melai
Mongue and Anton Santamaria PRODUCER:
Star Cinema GENRE: Romantic Comedy LOCATION: Antipolo/ Manila RUNNING
TIME: 1 hour: 55 mins.
Technical assessment: 2
Moral assessment: 3
CINEMA rating: V 13 (For viewers 13 years old
and below with parental guidance)
Magkakatagpo
ang landas nina Steph (Sarah Geronimo) at Tonio (Coco Martin) isang tag-araw ng
mag-volunteer si Steph sa isang outreach project
sa baryo nila Tonio. Bagama’t hindi kaaya-aya sa simula ang kanilang pagtatagpo,
unti-unti pa rin silang magkakapalagayan ng loob hanggang sa tuluyan silang ma-in love sa isa’t-isa. Ngunit sa di-inaasahang pagkakataon ay
bigla na lamang maglalaho si Tonio nang walang paalam kay Steph. Mangingiibang-bayan
pala ito para magtrabaho. Maiiwang wasak ang puso ni Steph ngunit ipagpapatuloy
pa rin niya ang buhay at magiging matagumpay siyang executive sa
Maynila. Makalipas ang halos pitong taon, hindi niya akalain na magtatagpong
muli ang kanilang landas. Maaatasan si Steph na ihanda si Tonio para bumagay sa mundo ni Monica (Ruffa
Gutierrez), ang boss ni
Steph na siya na ngayong kasintahan ni Tonio.
Isang
pelikulang naka-kahon sa formula ng
Star
Cinema romantic comedy ang Maybe This Time. Kitang-kita ang kamay ng produksyon sa pagpapatakbo
ng kuwento at tila hindi na kelangan pang tapusin ang pelikula at alam na ng
manonood ang kakahinatnan ng kuwento. Walang gaanong bigat sa mga karakter.
Hindi ang karakter ang naging sentro ng pelikula kundi ang mga artista mismo.
Halatang ibinagay lahat sa kanila ang kuwento pero ang naging resulta pa rin ay
isang kuwentong pinilit gawing bagay ang mga artista at karakter na hindi bagay
sa isa’t-isa. Bagama’t pasado naman ang pag-arte ng mga pangunahing tauhan,
hindi maitatangging maraming eksensang pawang alangan ang mga karakter sa
isa’t-isa. Sa kabuuan, walang gaanong mararamdaman sa pelikula dahil hindi nito
nahalukay ang mga tunay na damdamin ng mga tauhan. Ang lahat ay nasa alaala at
dayalogo na lang. Hindi gaanong ramdam ang kilig dahil pawang pilit ang
pagtatambal sa mga tauhan, pati ang mga sitwasyong kanilang ginagawalan ay
pawang mga hindi naka-angkla sa matibay na realidad. Salamat na lang sa ilang masasaya at nakakatuwang eksena.
Kahit paano, may kaunting aliw pa rin itong naidulot sa manonood.
Ang
Maybe
This Time ay sumasalamin sa maraming
komplikasyon ng pag-ibig. Pinaka-sentro ng pelikula ay ang mga nakapaligid sa
dalawang taong nagmamahalan. Laging sinasabi ng pelikula na hindi sapat ang
pagmamahal sa isa’t-isa ngunit dapat ding isaalang-alang ang lipunang madalas
ay pumupuna at nanghuhusga. Maaring ito ay totoong nangyayari at tunay nga
namang hindi nararapat sa lahat ng pagkakataon. Maliwanag ang mensahe ng
pelikula kung ang usapin ng
mapagmatang lipunan ang titingnan. Hindi rin naman maaaring husgasan ang
kahinaan ng mga karakter sa pagdedesisyon lalo pa’t ito ay idikta ng lipunan at
mga taong itinuturing na nakatataas tulad ng magulang at amo. Ngunit
kahanga-hanga pa rin ang pagsunod ng mga tauhan sa ngalan ng wagas na
pagmamahal. Kita namang malinis ang mga hangarin nila sa pag-ibig…at madalas
din ay isinasa-isang-tabi nila ang kanilang sarili alang-alang sa pamilya.
Marahil ang nais lang sabihin ng pelikula ay isang simpleng mensahe na ang
tunay na pag-ibig ay nakapaghihintay ng tamang panahon at pagkakataon.