DIRECTOR: Jun Lana LEAD CAST: Carla Abellana, Tom Rodriguez, JC De Vera, Joey Marquez, Arlene Muhlach,
Bangs Garcia SCREENWRITER:
Jun Lana PRODUCER: Regal Films GENRE: Comedy LOCATION: Manila RUNNING TIME: 1 hour: 55 mins.
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
MTRCB rating: PG
CINEMA Rating: For
viewers 13 years old and below with parental guidance
Si Lira (Carla Abellana) ay
iniwan ng kanyang kasintahang si Tony (JC De Vera) sa araw mismo ng kanilang
kasal. Maraming araw at buwan ang
makalilipas ngunit sadyang di pa rin malilimutan ni Lira si Tony kahit pa ang
lagi niyang ipinapakita sa madla ay masaya na siyang muli. Si Goryo (Tom Rodrguez) naman ay isang sapatero ama ng isang pipi na
mag-isa niyang itinataguyod. Ang
dati niyang kinakasama (Bangs Garcia) ay ikakasal na rin sa kasintahan nito. Sa
isang hindi inaasahang pagtatagpo ay magku-krus ang landas nina Goryo at Lira. Magkakagaanan sila ng loob at maisisiwilat
sa isa’t isa ang mga dinadalang damdamin. Si Lira, ibubuhos ang sama ng loob
kay Tony na malapit na ring ikasal at si Goryo ay ganun din. Magpapasya silang
magpanggap bilang magnobyo at dadalo sila sa kasal ng kani-kanilang mga dating
kasintahan. Lingid sa kaalaman ni Lira ay unti-unti nang nahuhulog ang loob ni
Goryo sa kanilang pagpapanggap. Si Lira naman ay nag-aasam pa ring maagaw si
Tony. Sino kaya ang magkakatuluyan sa huli?
Nagsubok maghain ang So it’s you ng napapanahong romantic comedy
pero nabigo ito sa paglalahad ng matinong kuwento. Wala sa hulog at sa tamang pag-iisip ang pangunahin nitong
tauhan na si Lira na hindi malaman at hindi maintindihan ng mga manonood kung
bakit patay na patay kay Tony. Bukod sa guwapo at mayaman, wala nang ibang
katangian pa si Tony upang manatiling in-love si
Lira dito sa kabila ng pagtalikod sa kanya nito sa araw mismo ng kanilang
kasal. Nang dumating sa buhay ni Lira si Goryo, kitang mayroon na siyang
pagpipilian, ngunit sa di pa rin maipaliwanag ng pelikula ang dahilan, mas
pinipili pa ring pilit ni Lira ang sarili kay Tony. Walang mga sapat at matibay
na motibasyon ang mga tauhan sa kanilang pagmamahal. Maliban kay Goryo, pawang
mga hindi na totoong tao ang mga tauhan sa pelikula. Sayang ang galing ng mga
nagsiganap lalo na si Abellana at Rodriguez. Maging ang paggamit ng mga uso sa internet at social media ay
pawang ipinilit lang para masabing “modern” ang pelikula pagka’t wala itong
masyadong kinalaman sa takbo ng kuwento. Hindi rin malaman ng pelikula kung ito
ba ay magpapatawa, magpapaiyak, o sabay dahil parang hindi sila magkasundo-sundo
kung ano ba ang nais nilang maramdaman ng mga manonood.
Kaakibat ng mga kakulangan sa
kuwento ay ang kakulangan din sa dalisay na mensahe ng pelikula. Ano ba talaga
ang nais nitong sabihin? Si Lira, bilang isang desperada ay gagawin ang lahat
magbalik lamang ang nobyong nang-iwan sa kanya. Nagkabalikan sila sa kabila ng
maraming pagpapanggap at sa panahon na kung saan ay dapat niyang ipinagtulakan
si Tony sa asawa nitong nangangailangan. Bumawi sa bandang huli si Lira ngunit
hindi malinaw kung bakit matagal bago niya gawin ang tama at nararapat. Si
Goryo ay may malinis na hangarin kay Lira at siya ang pinaka-dalisay sa lahat
ng tauhan. Magandang halimbawa siya sa mga kalalakihan at mga haligi ng tahanan.
Ang tauhan ni Goryo ang nagsasabing may pag-asa pa sa pagmamahal dahil mayroon
pa ring handang maghintay at magsakripisyo alang-alang sa minamahal. Hindi
naman masyadong nabigyan ng pansin ang anak ni Goryo na may kapansanan. Pawang
hindi malinaw kung bakit ginawa pang pipi ang karakter. Hindi malinaw ang
koneksiyon ng kanyang kapansanan sa kabuuan ng kuwento. Hindi tuloy nabigyan ng
karampatang hustisya ang katayuan ng mga batang tulad nila sa lipunan. Pipi na
nga ang bata, wala pa rin siyang naging malinaw na boses sa kuwento. Maging ang
ilang mga moral na usapin ay nakalimutan nang payabungin sa pelikula tulad ng
pagmamalabis at pag-aaksaya ng yaman, ang pagkunsinti sa gawing homosekswal at
pag-iwan sa asawa sa panahon ng karamdaman. Mga seryosong usapin na naligaw na
lang sa kawalan at hindi binigyang-pansin.