Cast: Jake Cuenca, Paolo Avelino, Eugene Domingo, Maja Salvador, Solenn Heusaff; Director: Chris Martinez; Screenplay: Chris Martinez; Distributor: Regal Entertainment; Running Time: 90 minutes; Genre: Sex-Comedy-Drama; Location: Manila
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2.5
CINEMA rating: V 18
Si Manny (Jake Cuenca) ay isang chef na playboy
at walang sineseryoso sa mga babaeng kanyang nakarelasyon. Kabaligtaran naman
ang kaibigan niyang si Jerry (Paolo Avelino), isang graphic designer na
naniniwala sa true love at ito nga
ang kanyang hinihintay kung kaya’t wala pa rin siyang ka-relasyon. Sa kanilang
pagtatalo kung sino sa kanila ang tama ang pananaw sa pag-ibig at relasyon,
napag-kasunduan nilang subukang magpalit ng istilo. Si Manny ay manliligaw ng
isang babae lang habang si Jerry naman ang aaktong playboy. Mangyayari nga ito
nang makilala ni Mannny ang konserbatibong
si Rina (Maja Salvador) at nang ang mga kliente ni Jerry na sina Sylvia (Solenn
Heusaff) at Marian ay akitin siya at bumigay sa kanilang pang-aakit. Sino kaya
kina Manny at Jerry ang makakatagpo ng tunay na pag-ibig?
Ang Status:
It’s Complicated ay isang makabagong “adaptation” ng klasikong obra ni Ishmael
Bernal, ang Salawahan. Buong
kahusayan na binuhay sa makabagong panahon ang pelikula at nagawa pa rin nitong
maging matapat sa orihinal. Dito mapapatunayan na sa kabila ng pagbabago ng
panahon, may mga bagay na sadyang hindi magbabago lalo na kung relasyon ang
pag-uusapan. Mahuhusay ang mga nagsiganap at nawagang mapanindigan ang istilo
mula sa orihinal na pelikula – mabibilis na dayalogo, nakakatutuwang punchlines at nakakatawang mga eksena.
Walang itulak kabigin ang husay ni Domingo na siyang nagdala ng karamihan sa
mga nakakatawang eksena. Sila Cuenca at Avelino ay kapwa mahuhusay din at di
naman nagpahuli sila Salvador at Heusaff. Marahil magiging mas mahusay pa ang
pelikula kung nagsubok itong palalimin pa ang pinaghuhugutan ng bawat relasyon.
Marahil nakulong sila sa pagnanais na muling buhayin ang obra at maging matapat
hangga’t maaari sa orihinal. Sa ganitong dahilan, ang mga walang malay na
manonood na isa itong remake ay
pawang magtataka kung bakit ang mga tauhan ay ganoon magsalita at kung bakit
pawang maraming tanong pa rin ang di nasasagot dahil sa bilis ng mga
pangyayari. Ngunit kung sadyang pagbubuhay lamang sa lumang obra ang
intensiyon sa likod ng Status: It’s Complicated, naging
matagumpay naman ito.
Nakasentro sa relasyon ang Status: It’s Complicated. Tulad ng titulo nito, sinasabing tunay
ngang wala nang mas sasalimuot pa sa relasyon, lalo na sa relasyong romantiko
sa pagitan ng babae at lalaki. Ngunit bali-baliktarin man ang komplikasyon,
mauuwi pa rin sa iisang aral ang lahat – ang pagiging matapat. Sa pagpapalit ng
istilo nila Manny at Jerry, kitang ang tunay na naging masaya sa bandang huli
ay ang naging tapat sa iisang babae lamang. Ipinakita rin sa pelikula na sa
kabila ng paglipas ng panahon at sa pagbabago ng teknolohiya, sadyang di
nagbabago ang turo ng simbahan patungkol sa pakikipagrelasyong sekswal – na ang
pakikipagtalik ay para lamang sa mag-asawa na may basbas ng kasal. Sa kabila
nito, di pa rin maiiwasan na ang pelikula ay maaari pa ring makalito sa kung
ano nga ba ang tayo nito sa pagpapahalagang moral. Marami kasing mga
nakakabagabag na eksena na nagpapakita ng pang-aakit ng babae sa lalaki at
hindi ito nalinaw sa pelikula kung tama ba o mali. Ang usaping sekswal din ay
laging nauuwi sa pananaw lamang ng laman at hindi ng kaluluwa. Kapupulutan ng
aral ang pelikula ngunit ang mga makikitang imahe ay kinakailangan ng malalim
na pang-unawa upang makarating ang mensahe sa nararapat na konteksto ng
relasyon at sa kung ano ang turo ng simbahan na nararapat sundin ng lipunan sa
ano pa mang panahon. Kailangan ng
hinog na pag-iisip upang hindi maligaw sa mga isinasaad ng pelikula.