Lead cast: Angel Locsin, Toni Gonzaga, Bea Alonzo, Shaina Magdayao, Coney Reyes, Enchong Dee; Direction: Cathy Garcia Molina; Screenplay: Jose Javier Reyes; Editing: Marya Ignacio; Location: Metro Manila; Genre: Comedy; Running time: 120 minutes Distributor: Star Cinema
Technical
assessment: 3
Moral
assessment: 3
MTRCB rating: PG13
CINEMA
rating: V14
May kani-kaniyang sikreto at problema ang
magkakapatid na Salazar. Si Teddy (Toni Gonzaga) ay di kagalingan na guro sa
Espanya na ngayo'y isa na lamang katulong at waitress.
Hindi niya maamin sa kanyang pamilya ang totoo niyang trabaho dahil ayaw niyang
mapahiya. Si Bobby (Bea Alonzo) ay nasa New York bilang matagumpay na
Communications Manager na laging umiiwas na magpakasal sa kanyang nobyo. Galit
pa rin siya sa kapatid na si Alex (Angel Locsin) dahil sa pagpatol nito sa
kanyang dating kasintahang si Chad. Si Gabby (Shaina Magdayao), ang tanging
kapatid na babaeng naiwan sa kanilang bahay kasama ng kanilang inang si Grace
(Coney Reyes), tumatayong nanay-nanayan ng pamilya, at tila papunta sa pagiging
matandang dalaga. Kakailanganin magsiuwi nina Teddy, Bobby at Alex nang
magsumbong si Gabby na magpapakasal ang kanilang bunso at kaisa-isang kapatid
na lalaking si CJ sa isang babaeng sa palagay nila ay hindi nababagay rito.
Sabay sa pagharap sa pamilya ng kasintahan ni CJ sa pamamanhikan ay kakailangan
din nilang harapin ang kani-kanilang isyu sa isa't isa. At habang pinaplano
nila kung papaanong paghihiwalayin ang magsing-irog ay kailangan nilang isipin
kung papaano nilang mabubuo ang kanilang relasyon bilang magkakapatid.
Maganda sana ang konsepto sa likod ng kwento ng 4 Sisters and A Wedding. Bago pero
hindi imposible, kakaiba pero hindi malayong mangyari. Mahusay sina Reyes at
Alonzo sa pagganap. Simple at makatotohanan ang kanilang interpretasyon sa
karakter. Bagamat magaling ang pagbitiw ng linya nina Gonzaga, Locsin at
Magdayao, ang kanilang pagganap ay medyo pilit at hindi nalalayo sa pagganap
nila sa iba nilang mga naunang pelikula. Bagamat maganda ang ideya sa likod ng
kwento hindi naman pinagbuhusan ng pansin ang pagbuo sa pagkatao ng bawat
tauhan. Tama na yata ang magkaroon ng kaunting hugis ang personalidad at
kaunting kulay kwento kahit mababaw at hilaw.
Ang pinakamaipipintas sa Four Sisters and a Wedding (na lagi namang pintas sa pelikulang
Pinoy) ay ang kalabisan ng mga eksena. Kapag iyakan, kailangang lahat ay
magbuhos ng sama ng loob at ilitanya ang lahat ng isyu kahit paulit-ulit nang
nabanggit sa simula pa lamang ng sine. (Alam na ng lahat ang kahihiyan ni Teddy
sa trabaho at ang samaan ng loob nina Bobby at Alex, gayunpaman ay paulit-ulit
itong binabanggit na para bang sinisigurong hindi malilimutan ito ng manunuod.)
Masyadong madrama ang atake sa komprontasyon at hindi na ito makatotohanan.
Nasasayang tuloy ang pagkakataong makapag-iwan ng aral sa manunuod. Gayundin naman ang istilo sa pagpapatawa—bukod
sa masyadong OA at malapit nang maging corny, namuhunan pa sa pambihirang apelyidong
“Bayag”. Baka kung ginawang Santos
o Cruz iyon sa halip na Bayag ay mawawala ang kalahati ng pagpapatawa. Kung tutuusin ay di hamak na mas
epektibo ang pagsingit ng mga bloopers
sa huli dahil simple
lamang ito at natural.
Ipinahiniwatig ng pelikula na ang bawat tao ay may
sariling kakanyahan na dapat unawain at igalang. At sa loob ng isang ugnayan,
tulad ng pamilya, ang mga pagkakaibang ito ay maaaring maging sanhi ng mga
emosyonal na tunggalian at di pagkakasundo. Malakas ang mensahe ng pagtanggap
at pagpapatawad sa kabila ng sakit at pagkukulang. Madalas mangyari sa
magkakapatid ang inggitan, iringan at sumbatan pero sa huli, kailangang
mangibabaw ang pagkakasundo, hindi lamang dahil magkadugo sila kundi dahil
bilang mga tao sa loob ng isang mahigpit na ugnayan, ang paghihilom ay
mangyayari lamang sa sandaling mangibabaw ang pagmamahal at pagpapatawaran. Sa
kabila ng melodrama nagawang ipakita ng pelikula ang komprontasyon ng
pamilya hindi bilang tunggalian ng pagkatao kundi pakikipagtunggali sa sarili.
Kahanga-hanga rin ang pagsusumikap ng magkakapatid naitaguyod ang pamilya sa
kabila ng mga hinihinging sakripisyo. Muli, binibigyang diin ang halaga ng
pamilya para sa mga Pinoy. Binigyang diin din ang kakayahang umahon sa pagkakamali
at magsimula muli—na siyang nagagawa kapag natutong magpatawad sa mga
pagkukulang. Sa kabilang banda,
may mga biro at sitwasyon na medyo maselan at di angkop sa mga bata
kaya't mas nararapat ito sa mga manunuod na nasa hustong gulang.