Monday, March 4, 2013

A moment in time


Cast:  Coco Martin, Julia Montes, Cheri Gil, Gabby Concepcion, Zsa Zsa Padilla Director:  Emmanuel Quindo-Palo;  Producer: Star Cinema; Running Time: 112  minutes; Genre: Romance/ Drama; Location: Philippines and Amsterdam


Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: for viewers 18 and above

Mabibighani ang baguhang pintor na si Patrick (Coco Martin) sa unang pagkakita pa lamang nito kay Jillian (Julia Montes). Sa mga susunod na araw ay ipipinta ni Patrick ang mukha ni Jillian sa mga pader na siya namang mapapansin ng huli. Sa paraang ito muling magtatagpo ang kanilang landas at sa marami pang pagkakataon ay tila sadya ngang pinagtatagpo sila. Sa pagtitiyaga ni Patrick ay sasagutin din siya ni Jillian ngunit magbabago ang lahat pagka’t malalaman ni Patrick na si Jillian ang nakasagasa sa kanyang ina (Zsa Zsa Padilla). Dahil dito, magbabago ng pakikitungo si Patrick kay Jillian na siyang ikapagtataka ng huli. Tuluyan silang magkakalayo at nang matauhan si Patrick sa kanyang pagkakamali kay Jillian ay mahihirapan siyang lalo sapagkat ito ay nagpakalayo-layo na sa Amsterdam. Magkita pa kaya silang muli at magkabalikan?
Ang A Moment in Time ay isang pelikulang ginawa upang samantalahin ang init ng  kasikatan ng dalawang bidang sila Coco Martin at Julia Montes. Hindi man matatawaran ang husay ng dalawa sa pagganap, pawang nasayang pa rin ang kanilang talino sa isang proyektong tila minadali at hindi na gaanong napag-isipan. Nagkulang sa hagod ang pelikula pagdating sa paghahain ng kapani-paniwalang sentro ng problema na siyang dapat paghuhugutan ng emosyon ng dalawang bida. Resulta’y pawang pilit ang lahat ng pangyayari sa pelikula at tila sa gitna ng pagkakagulo ng lahat, ang pinagtuunan na lang ng pansin ay masiguro ang kanilang pagbabalikan. Hindi angkop sa mga karakter ang kanilang mga naging reaksiyon sa mga pangyayari. Halimbawa ay ang kakulangan ng pamilya ni Jillian ng sinseridad sa pagsisisi sa nangyaring trahedya sa pamilya ni Patrick. Nang malaman nila ang katotohanan, tila baga, sila pa ang galit at mayabang sa halip na punan ng kanilang pagkukulang. Ito at marami pang mga pangyayari sa kuwento ang pawang di angkop sa tauhan at walang epekto sa emosyon ng manonood dahil mali ang hagod ng mga eksena. Nasayang din ang magagandang kuha ng pelikula sa mga interesanteng lugar tulad ng Amsterdam. Sa kabuuan, ang A Moment in Time ay isang pelikulang madaling mawawala sa alaala ng manonood dahil sa mababaw nitong pagtrato sa dapat sana’y tunay na problemang hinarap ng dalawang bida.
Sa kabila ng marami nitong kakulangan, lumutang naman ang kahalagahan ng pagpapatawad sa pelikula. Mas matimbang pa rin ang pagmamahal sa galit sa bandang huli at tanging pagpapatawad ang magpapalaya sa anumang tanikala ng galit na kinikimkim ng isang taong labis na nasaktan. Ipinakita rin sa pelikula na hindi hadlang ang kaibahan ng estado sa buhay at ang pagmamahal ay walang kinikilalang mayaman o mahirap. Nakakabahala nga lang kung paanong tinakasan ng pamilya ni Jillian ang tunay nilang responsibilad sa nangyaring aksidente sa ina ni Patrick. Pawang ipinakita na kayang takasan at pagtakpan ng pera ang ganitong uri ng problema. Hindi ibinigay ang karampatang hustisya sa isang taong napakahalaga sa buhay ng isang karakter. Ang hindi pagharap ng pelikula sa tunay na problemang ito ay talaga namang nakababahala. Sa kabila nito’y lumutang naman ang pagiging wagas ng damdamin ng mga pangunahing tauhan. Gaano nga ba kalayo ang maaring marating ng tunay na pag-ibig at hanggang saan ba ang kayang ibigay ng isang taong nagmamahal? Ipinakita sa A Moment in Time na walang imposible sa taong nagmamahal—maging ang pagpapatawad sa matinding sakit na idinulot ng taong minamahal. Ito nga marahil ang sukatan ng tunay na pag-ibig—laging handang magpatawad at magparaya kung kinakailangan.