Friday, February 8, 2013

Seduction

 

LEAD CAST: Richard Gutierrez, Solenn Heussaff Sarah Labhati.  DIRECTOR: Peque Gallaga. PRODUCER:  Regal Films.  GENRE:  Romantic drama.  RUNNING TIME:  105 minutes  DISTRIBUTOR:  Regal Films.  LOCATION:  Philippines

Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating:  A  18
MTRCB Rating:  R 13

Pilit na pinagkakasya ni Ram (Richard Gutierrez) ang kinikita bilang isang bumbero subalit kapos pa rin. May malubhang sakit sa bato ang kanyang ama na kailangan ng malaking halaga upang maisalba ang buhay nito. Sa panahong higit na pangangailangan ay minalas na masuspende siya sa trabaho dahil sa ginawa nilang pangingikil sa may-ari ng hotel na nirespondehan nila upang apulahin ang sunog.  Habang suspendido ay umupa si Ram sa bahay ni Trina (Sarah Labati) na sa kalaunan ay magiging kasintahan niya. Samantala, isang mayaman na half-Filipino, half-French si Sophia (Solenn Heusaf)  na gustong magpasalamat kay Ram dahil sa pagliligtas sa kanya mula sa sunog.  Nalaman ni Sophia na suspendido si Ram at nangangailangan ng pera kaya para makabawi sa pagliligtas sa kanya ay babayaran niya si Ram ng malaking halaga upang magtrabaho sa kanya bilang driver at body guard. Subalit sa katagalan ay magiging sex partners sila at mahuhulog ang loob  ni Sophia kay Ram. Nang hindi masusuklian ni Ram ang nararamdaman ni Sophia sapagkat mas matimbang sa kanya si  Trina ay magdaramdam si Sophia sa kanya at makakaisip maghiganti.

Maganda ang mga teknikal na aspeto ng pelikula. Mahusay ang mga kuha ng camera lalo na sa mga eksena na nagpapakita ng mga tanawin at tradisyon katulad ng kasalan sa probinsya. Maingat din ang naging trato ng direktor sa mga madalas na eksena ng pagtatalik.  Medyo mahaba at nakakainip nga lang na parang walang katapusan ang mga eksena ng sunog. Nakasentro sa karakter ni Ram ang kwento bilang binata na ginamit ang matipunong katawan at magandang mukha upang katulad niya ay bumigay sa mga kahinaan sa laman ang mga babae kabilang na sina Trina at Sophia. Ipinakita sa pelikula ang iba't ibang hamon at sitwasyon na nararanasasan ng isang bumbero na inaakala ng marami na sa tuwing may sunog lamang nagtatrabaho. Tama lamang ang mga pagganap nina Gutierrez, Heusaff at Labati. Nagsikap ang direktor na mailabas ang hinihinging emosyon mula sa mga artista sa mga eksena.  Nakatulong ang suporta ng mga katulong na aktor katulad ni Jay Manalo maliban sa kanya ay tila hindi kumportable sa pagmumura ang iba pang tauhan lalo na si Ram, kaya pilit ang dating. 

Napakarangal na hanapbuhay ang pagiging bumbero. Hindi lahat ng tao ay nasa posisyon na katulad nila kung saan nakasalalay ang kaligtasan ng  maraming buhay at ari-arian ng mga tao. Subalit saglit lamang ito pinakita sa Seduction; ang mas malaking bahagi ng pelikula at mas naikintal sa mga manonoood ay ang ipinakita na ang mga bumbero na tumatanggap ng lagay, ginagamit ang katawan para makabayad ng utang, at parang mga hayok na ginagawang libangan ang panonood ng pakikipagtalik ng kasamahan. Madalas ang mga eksena ng pagtatalik  na pawang nasa konteksto ng pang-aakit at pagbibigay sa tawag ng laman ng hindi naman legal na mag-asawa. Mahinang karakter ng lalaki ang pinakita sa pelikula. Bahagyang nilagyan ng pagpapakita ng sakripisyo bilang anak para sa kaniyang maysakit na ama, pero mas nangingibabaw at nanaig ang mga kahinaan sa tukso na humantong sa walang saysay na pagbubuwis ng buhay. Sa kabuuan ay walang maihain na magandang aral ang pelikula at maaring mabahala ang isang manonood na gustong maglibang at makakuha ng magandang mensahe sa isang palabas.