Thursday, May 31, 2012

The Mummy Returns


CAST:  Pokwang, Gabby Conception, Ruffa Gutierez, Kiray Celis, Gerald Pesigan, Jillian Ward, John Lapus, Kerbie Zamora, Ervic Vijandre, Hiro Magalona, Gloria Diaz; DIRECTOR:   Joel Lamangan; SCREENWRITER: Senedy H. Que; PRODUCER:  Regal Films; GENRE:  Comedy; CINEMATOGRAPHER     DISTRIBUTOR: Regal Films; LOCATION:  Philippines;

Technical Assessment:  3
Moral Assessment:  2.5
Cinema rating:  For viewers 14 years old and below with parental guidance

Masayang namumuhay ang middle class family ng mga Martirez.  Responsableng ama si William (Gabby Concepcion) at makalingang ina si Ruby (Pokwang)  sa kanyang asawa at tatlong anak sa kabila ng pagiging abala sa jewelry business.  Sa kasamaang-palad ay aksidenteng nakuryente at namatay si Ruby sa araw ng pagdiriwang ng ika-25 anibersaryo ng kanilang kasal.  Katulad ng inaasahan ay lubhang ikinalungkot ng mag-aama ang biglaang pagkawala ni Ruby.  Sa gitna ng pangungulila  ay mabilis na makakatagpo ng bagong pag-ibig si William sa katauhan ni Catherine (Ruffa).  Dalawang linggo pa lamang ang nakakalipas mula ng mailibing si Ruby ay nagpakasal ang dalawa na labis na ikinabigla at ikinasama ng loob ng mga anak.  Hindi nila matanggap na may kapalit na ang kanilang ina sa maigsing panahon at dahil dito ay hindi rin maganda ang pakikitungo nila kay Catherine bilang madrasta.  Samantala ay di mapakali sa kinahantungan purgatoryo ang kaluluwa ni Ruby.  Sa tulong ng manok ni San Pedro na nagbigay sa kanya ng tatlong kahilingan ay nakababa ang kaluluwa ni Ruby sa lupa upang proteksyunan ang mag-aama sa pamamagitan ng pananakot kay Catherine.
Ang pelikulang “The Mommy Returns” ay gumamit ng magkahalong pormula ng patawa at katatakutan upang ihatid ang gasgas na tema ng nagmumultong kaluluwa ng biglang namatay na ina at mahirap na sitwasyon ng babaing pumalit sa kanya sa buhay ng kanyang mag-aama.  May saysay naman sana ang kwento subalit naging mababaw at pilit ang dating dahil sa mga pinakitang sitwasyon ng kababawan at di makabuluhang mga diyalogo.  At lalong malayo sa realidad ang pilit na ipinasok na eksena ng pagbaril ng harapan sa gitna ng okasyon na maraming nakakakitang tao.  Pilit ding ipinasok ang tema ng kabaklaan sa layunin na magpatawa.  At dahil mababaw nga ang istorya ay di kinailangan na humugot ng malalim na emosyon ang mga artista sa kanilang pagganap.  Subalit sa larangan ng comedy, maliban kay Pokwang ay may ibubuga rin sa paghahatid ng mga linyang patawa ang mga batang nagsiganap.  Maganda ang  mga kuha ng camera, nabigyan-diin ang mga tampok sa eksena. Maingat ang effects na ginamit sa paglitaw at paglaho ng ghosts.  Maganda ang disensyo ng produksyon katulad ng purgatory.  Gayundin ang make-up ng mga nagsiganap bilang normal na tao at kahit bilang multo.  Akma rin ang mga inilitapat na tunog at musika.  Sa kabuuan ay naisalba ng mga aspetong teknikal ang mahinang daloy ng kwento at trato ng director.
Layunin daw ng pelikula na bigyang pugay ang mga ina kaugnay ng paggunita ng Mothers’Day.  Subalit bakit naman kaya ang mga pinakita ay imahe ng mapanadyang multo  na naka-highlight ang mga  kakulangan kaya di nakatuloy sa langit.  Ang madrasta naman bilang kapalit na ina ay bahagya lang nakitaan ng pasensya at pang-unawa sa mga batang nabigla sa pagdating niya sa buhay nila at naging magaan ang kamay sa pananakit.  Ang ina naman ng madrastra ay isang materyosang babae na nag-uudyok ng taliwas na ideya ng pagpili ng mapapangasawa ng asawa at pangunahin din ang pagkahumaling sa lalaki at yaman. Kung tutuusin ay mas nagpugay ang pelikula sa isang responsable at mapagmahal na ama na inaalala ang kapakanan ng anak sa sandaling maigupo sya ng malubhang karamdaman.   Subalit mali pa rin na inilihim niya ang sakit na siyang dahilan ng pagmamadali niya makahanap ng kapalit ng nasirang asawa.  Tila pagbibigay pugay rin sa mga bakla ang pelikula, mula sa mga lenggwahe, imahe ng anghel na tagabantay sa purgatoryo at ang kumbinsidong batang lalaki na isa syang magandang “babae” at matagumpay na  bakla paglaki.  Maganda sanang pagkakataon ang pagtalakay ng purgatory bilang pansamantalang hantungan ng kaluluwa ng mga yumao katulad ng paniniwala ng mga Katoliko na syang  mayorya ng populasyon sa Pilipinas.  Subalit hindi naman nabigyan-pansin ang bagay na ito.  Mayroon namang konting aral na hatid ang pelikula katulad ng subalit mas namayani ang kababawan, mga linya na may malisya, pagbibigay katwiran sa pananaw at gawain ng mga bakla na bagamat inihatid bilang mga eksenang patawa ay  lubhang nakababahala at maaring makagulo sa isipan ng mga bata kaya nangangailangan ng matured na isipan ng manonood.