CAST: Maricel Soriano, Gabby Concepcion, Jericho Rosales, Dennis Trillo, Solenn Heusaff, Paolo Avelino, and Carla Abellana; DIRECTOR: Jun Lana; SCREENWRITER: Jun Lana; GENRE: Drama; LOCATION: Manila, Philippines; RUNNING TIME: 120 minutes
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2
Cinema Rating: For viewers 18 years old and above
Si Maricel Soriano at Jericho Rosales ay ang mga anak ni Ronaldo Valdez sa unang asawa. “Annulled” o pinawalang bisa na ang kasal ni Maricel kay Gabby Concepcion, na may pangalawang asawa naman, si Carla Abellana, kung kanino malapit ang kaisa-isang anak ni Maricel at Gabby, si Eula Caballero. May television network ang matandang Valdez, na pinamumunuan ni Maricel; si Jericho naman ay kasal kay Lovey Poe, na nagsisimulang masakal sa labis na pagmamahal ni Jericho. Si Valdez ay na naka-wheelchair na; ang pangalawang asawa niya ay si Agot Isidro, at si Solenn Heussaff naman, laki sa Amerika, ang anak nila. Bagot at sawa na si Solenn sa boyfriend niyang si Paulo Avelino, kaya’t nirarahuyo naman niya ang guwapo at matipunong gym instructor na si Dennis Trillo, lihim na boy toy ni Agot. Magkakalindol at gawa nito, guguho din ang mga pagkukunwari ng mga tauhan, at lulutang ang mga buhol-buhol nilang landas.
Kung hindi disqualified ang Yesterday, Today and Tomorrow sa katatapos pa lamang na Metro Manila Film Festival, malaki sana ang tsansa nitong maging Best Film. Matapat at dibdiban ang pagganap ng mga pangunahing tauhan, dahilan ng pagiging makatotohanan at kapani-paniwala ng pelikula. Maganda rin ang daloy ng istorya, maliwanang at maayos ang script at dialogue, kaya naman kahit medyo masalimuot ang kuwento ay naging madali rin itong unawain.
Makikita na manonood na ang mga situwasyong kinalalagyan ng mga tauhan ay maaaring hindi naiiba sa maraming pamilya sa tunay na buhay. Paano nga ba maiiba, samantalang ang tinatalakay dito’y mga damdamin ng tao, isang bagay na mayroon lahat ng mga tao, ano man ang kanyang lahi, kulay, paniniwala, o kasarian. Nangingibabaw dito ang pagiging makasarili; lahat ng mga tauhan sa Yesterday, Today and Tomorrow ay may paniwalang ang kanyang pananaw ang pinamabuti sa lahat. Ito rin ang pinagmumulan ng hindi pagkakasundo-sundo, at ng pagsisinungaling o pagtatago ng katotohanan para lamang maiwasan ang bangaan. Ngunit dahil sa isang sakuna na hindi inaasahan, malaking pagbabago sa takbo ng buhay ng bawa’t isa ang magaganap, at daraan sa matinding pagsubok ang bawa’t isa. Makabubuting panoorin ng mga miyembro ng pamilya ito at pag-usapan at timbangin ang uri ng mga kilos at mga pasya ng mga tauhan.