Cast: Claudine Baretto, Anne Curtis, Richard Gutierrez Director: Mac Alejandre;Story and Screenplay: Keiko Aquino; Producer: Viva Films and GMA Films; Running Time: 100 minutes; Genre: Drama; Location: Los Angeles (California, USA) and Manila.
Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2
Rating: For viewers 18 and above
Ibinigay ni Ciara (Claudine Baretto) ang kanyang buong buhay sa pag-aaruga na nakababatang kapatid na si Julia (Anne Curtis) magmula nang mamatay ang kanilang mga magulang. Inambisyon nilang magpunta ng Amerika upang doon buuin ang kanilang pangarap na mas magandang buhay. Makakarating si Ciara sa Amerika at magtatrabaho bilang physical therapist habang inaayos ang papeles ni Julia upang kanyang maipetisyon at sumunod sa kanya. Samantala, makikilala at magiging kasintahan ni Julia si Storm (Richard Gutierrez). Nang minsang manakawan ang tinitirhang bahay ni Julia, nagmadali itong sumunod kay Ciara sa takot na balikan siya ng mga magnanakaw. Hindi pa tapos ang kanyang papeles kung kaya't student visa lamang ang kanyang nakuha. Hindi naman makakatiis si Storm at sasama ito sa kanya papuntang Amerika. Mahihirapang makahanap ng trabaho si Storm sa Amerika at minsan ay magpapasya itong bumalik na lang ng Pilipinas. Pipigilan naman siya ni Julia at maiisip nitong kumbinsihin si Ciara na pakasalan si Storm para mapadali ang pagiging legal ng papeles nito sa Amerika. Pumayag kaya si Ciara? Paano kung tuluyang mahulog ang loob ni Ciara at Storm sa isa’t isa sa kanilang pagpapanggap bilang mag-asawa?
Isang kakatwang kuwento ng mga kakatwang posibilidad ang In Your Eyes. Bagama't maaring nangyayari ito sa tunay na buhay, hindi naging kapani-paniwala o kapuri-puri ang pagkakalahad nito. Nagkulang ang pelikula sa maraming bagay katulad ng tamang hagod ng emosyon at malalim na karakterisasyon. Paanong napaibig ng isang lalaking walang kabuhay-buhay na gaya ni Storm ang dalawang babae? (Maliban na lamang kung ang hanap ng magkapatid na ito’y isang lalaking mayabang, mainitin ang ulo, isip bata, at “bagyo” kung magalit? Akma ngang “Storm” ang pangalan niya: pa-sumpong-sumpong, walang direksiyon, at mapanira.) At paano rin magiging malalim ang pagmamahalan ng isang babae’t isang lalaki kung wala man lang matibay na pundasyon at matinding pagsubok na pagdadaanan? Lumalabas na ang pagmamahalan sa pelikula ay nag-uugat lamang sa tawag ng laman.
Nakapanghihinayang ang husay nina Barreto at Curtis na nahaluan ng walang husay na pag-arte ni Gutierrez na sa kabila ng itinagal sa industriya ay kagandahang lalaki lamang ang bentahe. Puwede din naming ipikit ang mga mata namin sa pag-arte ng mga ekstrang walang ibubuga, ngunit hindi maaaring palusutin namin na ang batikang aktor na si Joel Torre na bilang doktor ay pasulpot sulpot lamang sa eksenang parang kidlat upang sa pamimilosopo niya’y maliwanagan ang landas ni Ciara.
Walang makabuluhang kurot sa damdamin ang kabuuan ng pelikula at higit pang naging katawa-tawa ito dahil sa masagwa nitong musika na ubod ng lakas at bigla na lang papasukin ang iyong pandinig habang wala naman itong kinalaman sa eksenang dumaraan sa iyong paningin. Pilit mo mang abangan sa bawat dibdibang eksena ay hindi mo makikita ang koneksiyon ng pamagat (“In Your Eyes” na pamagat din ng isang popular na awitin) ng pelikula sa takbo ng kuwento na lumaylay nang husto sa bandang dulo at pumalpak nang labis sa kabuuan.
Puno rin ng nakababahalang mensahe ang pelikula. Nariyan ang lantarang pagtatalik ng mga tauhan sa labas ng kasal; ang “safe sex” na umaasa sa nakagawiang paggamit ng condom. Nagkindatan lamang sa bar ay nauwi na sa paggawa ng mga bagay na dapat lamang ay sa mag-asawa. Pinawawalang halaga nito ang nararapat na proseso ng pag-iibigan, at sa halip na magsimula sa panunuyo, ay inuuna nito ang tawag ng laman. Ginagawa nitong makatuwiran ang maling paniniwala at gawain. Hindi ito magiging magandang halimbawa lalo na sa mga kabataan na maaaring magpadala sa mga luha ni Curtis, sa pagka “martir” ni Barretto, at sa tulis ng ilong (ahem!) ni Gutierrez.
Higit na nakababahala ay ang pinaka-sentro ng kuwento kung saan ang dalawang tao ay nagpapakasal sa kung ano-anong dahilan maliban sa pagmamahalan sa isa’t isa. Bagama't maaaring talamak na ang praktis na ito sa mga kababayan nating nasa Amerika, hindi pa rin ito dapat ginawang napaka-kaswal at kaakit-akit na gawain. Nauuwi ito sa maraming komplikasyon sa relasyon at pamilya na siya namang sinikap na ipakita ng pelikula ngunit hindi ito naging epektibo pagkat walang tunay na pagsisising naganap sa mga nagkamali upang maging sanhi ng kanilang malalim na pagbabago. Sa kabila ng kanilang sinapit, bulag pa rin sila sa katotohanang itinulak nila ang kanilang mga sarili upang masadlak sa mga sitwasyong kanilang kinahinatnan.
Maliban sa pagmamalahan ng magkapatid—na hindi rin naman matatawag na dalisay dito pagkat ang pundasyon nito ay pangangailangan at hindi tunay na paghahandog ng sarili—walang ibang uri ng karapat-dapat na pagmamahalan ang isinasaad sa pelikula. Maaaring sa mababaw manood ng pelikula o sa mga ayaw mag-isip, naging wasto na ang ipinakitang “pagmamahalan” ni Ciara at Julia, ngunit sa mga masusing manonood, butas-butas ang In Your Eyes. Pinalalabo nito ang guhit na naghihiwalay sa tama at mali. Dito ang mga tauhan ay nagtatalik, nagsasakitan at napapariwara nang walang ibang dahilan kundi ang makasariling kasiyahan at “pagmamahal”. Ang mga butas nga bang naturan ay nasa pelikula o nasa mga mata lamang ng tumitingin?
Hindi ang lahat ng nanonood ng sine ay naghahanap lamang ng libangan—mayroon sa kanilang nangangailangan ng gabay, mayroon ding hinog ang isip at mapagtanong. Tulad noong nakaupo sa likuran namin na malakas na nagwika, sabay hagikgikan, matapos ang pelikula, “Ano ba yan! Pagkatapos nyong guluhin ang buhay ng mga tao, magsasalubong lang kayo sa ibabaw ng tulay, ayos na naman?”
Ang CINEMA rin, magtatanong: “Ano nga ba talaga, direk, ang punto mo?” Ito ba’y para pukawin ang isip ng mga Pilipinong nasa Amerika? Para kumita lang ang pelikula? Para panatiliin lang na nasa eksena ang mga artista? Pero may pag-asa pa, direk. Puwede pang gumawa ng sequel ang In Your Eyes para iwasto ang mga pagkakamaling ikinakalat nito ngayon, pero pamagatan mo naman kaya ng “In God’s Eyes”?