Cast: Judy Ann Santos, Sarah Geronimo, Luis Manzano, Vice Ganda, JC de Vera, Cherry Pie Picache, Ms. Gina PareƱo; Director: Wenn Deramas; Screenwriter: Mel Mendoza-del Rosario; Genre: Drama/ Comedy; Distributor: Viva Films; Location: Philippines; Running Time: 110 min.;
Technical Assessment: 2.5
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers age 13 and below with parental guidance
Umalis ang mga magulang nina Rica (Judy Ann Santos) at Cecilia (Sarah Geronimo), noong sila’y mga bata pa upang maghanap-buhay sa ibang bansa. Naiwan sila sa kanilang lola (Gina Pareno) at sa loob ng halos 20 taon ay si Rica na ang tumayong ama at ina para kay Cecilia. Dahil sa isang aksidente noong bata pa si Cecilia, napilitan si Rica na isakripisyo ang kanyang buhay-pag-ibig. Itinuon na lamang niya ang buo niyang lakas sa pag-aalaga at pagbibigay proteksiyon sa kapatid habang wala ang kanilang mga magulang. Unti-unti’y napapalayo na ang loob ni Rica sa kanyang ina (Cherie Pie Picache) at ama (Tonton Gutierrez) dahil sa matagal nilang hindi pag-uwi sa bansa. Kaya’t nang makatapos si Cecilia sa kolehiyo at magbalik-bayan ang kanilang mga magulang ay matabang na ang pakikisama nito sa kanila. Si Cecilia naman ay masaya sa pagbabalik ng kanyang mga magulang at sa wakas ay buo na silang pamilya. Hindi ito magugustuhan ni Rica at magsisimula nang magkalamat ang relasyon nila ni Cecilia. Lalo pa itong lalala, nang malalaman ni Rica na may manliligaw (Luis Manzano) na ang kapatid.
Marami sanang magandang nais sabihin ang Hating Kapatid patungkol sa pamilya at relasyon ngunit pawang napako ang mga ito sa lantarang kakulangan ng sinseridad ng pelikula sa kabuuan. Gaano man kahusay ang mga talinong nasa likod nito, pati na ang mga di matatawarang galing ng mga aktor, semplang pa rin ang pelikula dahil sa walang pakundangan nitong komersiyalismo na labis na naka-agaw ng pansin sa daloy ng kuwento. Masyadong ginamit ang pelikula upang maisulong ang interes ng mga kalakal at serbisyong ine-endorso na ng mga artista. Tuloy, pawang naglaho ang mga tauhan at pawang mga artista na lamang ang napapanood sa isang pinalawak na patalastas sa telebisyon. Kakatwa rin sa maraming pagkakataon na ang mga patawa, kung hindi luma, ay kapos naman sa hagod o sobrang bagal ng pagkaka-bitaw. Nawawala tuloy ang dapat sana’y magandang epekto sa manonood. Hindi rin nabigyan ng pansin ang paghagod sa karakter, emosyon at kuwento. Pawang minadali ang lahat. Sayang ang manaka-nakang aliw sa mga eksena, pati na rin ang ilang eksenang may kurot sa puso na maari sana'y napalawig pa.
Sa kabila ng mga kakulangang teknikal, hitik sa mensahe ng pagmamahal at pagpapahalaga sa pamilya ang Hating Kapatid. Sinasalamin nito ang maraming pamilyang napipilitang mabuhay nang magkakahiwalay dala ng matinding pangangailangan na mangibang-bayan. Totoo ang sakripisyo ng mga magulang na umaalis mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang mga anak. Kaakibat din nito ang maraming suliraning dala ng paghihiwa-hiwalay. Nariyang malayo ang loob ng mga anak sa magulang dahil sa tagal ng panahong hindi pagkikita. Hindi nga naman mapupunan ng anumang materyal na bagay ang init ng presensya at pagiging nariyan para sa mga anak sa oras ng pangangailangan. Sinubukan namang punuan ng mga magulang ni Rica ang mga pagkukulang na ito sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono at paggamit sa makabagong teknolohiya, ngunit sadyang di pa rin sapat. Sa bandang huli’y nagsubok naman ang mga magulang niyang bumawi sa kanilang pagbabalik. Nakakabahala nga lang ang malabis na poot na naitanim ni Rica sa kanyang mga magulang na wala namang hinangad na hindi maganda para sa kanilang magkapatid. Kahanga-hanga naman ang ipinakitang pagmamahalan ng magkapatid sa pelikula. Pati ang aral na ang tao, gaano mo man kahusay alagaan, ay hindi mo kailanman magiging pag-aari. At ang pagmamahal ay ibinabahagi at hindi sinasarili. May mangi-ngilan nga lang na patawang eksena sa pelikula na maaring maka-sakit sa damdamin ng ilan tulad na lamang nang gawing katawa-tawa ang isang matanda. Pati na rin ang pag-iingat sa paggamit ng mga paputok ay dapat na mabigyang-pansin. Kaya nararapat pa ring gabayan ang mga batang manonood na 13 gulang pababa.