Cast: Gabby Concepcion, KC Concepcion, Jericho Rosales; Director: Maryo J. De Los Reyes; Producers: Charo Santos-Concio, Malou N. Santos; Screenwriters: Athena Aringo, Melissa Mae Chua, Anjeli Pessumal; Music: Jesse Lucas; Editor: Tara Illenberger; Genre: Drama: Cinematography: Gary Gardoce; Distributor: Star Cinema Productions; Location: Philippines;
Technical Assessment: 3
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Ulila sa ina si Maximina Dela Cerna (KC Concepcion), baguhang New York-based fashion designer, at lumaking di kapiling ang ama dahil iniwan sila nito sa Amerika at hindi na tinupad ang pangakong babalikan sila. Nang mabulilyaso ang inutang niya capital para sa pagsisimula ng career sa fashion ay biglaan siyang umuwi sa Pilipinas at kinontak ang nawalay niyang ama na si Pocholo Dela Cerna (Gabby) upang kunin ang parte ng mana niya sa naiwang conjugal property ng ina. Pawang galak at kasabikan sa anak ang naramdaman ni Poch samantalang galit at hinanakit ang namamayani naman kay Maxi (a.k.a Mina). Saglit na ipinagdamdam ni Poch nang hayagang sabihin ni Maxi na pera ang dahilan ng pakikipagkita niya sa ama, subalit nangingibabaw ang pagnanais niyang makabawi sa nawalay na anak at mapagbigyan ang nais nito. Naisip ni Poch na ipagbili ang lupain sa mga interasadong banyagang investor subalit kailangang bigyan ng panahon ang pagsasaayos ng mga papeles. Dahil dito ay napilitan si Maxi na mamalagi sa poder ng ama habang hinihintay ang kailangang halaga. Sa pamamalagi ni Maxi sa ama ay nakilala niya ang binatang ama na si Tommy (Jericho Rosales). Dahil sa mapapait na karanasan sa mga taong nang-iwan sa kanya ay tinagurian siyang “angry lady” at di man lang siya naging magiliw sa kanyang pakikitungo. Ano ang kahihitnan ng muling pagsasama ng estrangherong mag-ama? Ano ang magiging kaugnayan ni Tommy sa buhay nilang mag-ama?
Walang bago sa kwento ng pelikula, lalo na at di maiwasan na masalamin dito ang totoong buhay ng mga pangunahing tauhan bilang nagkawalay na mag-ama. Subalit may diin ang mga linya at kahit papaano ay naipakita ang emosyon ng galit at hinanakit lalo na sa parte ni Maxi, samantala emosyon ng pananabik ang lumutang sa parte ni Poch. Mahusay ang trato ng Direktor sa magkahalong komiko at drama. Markado rin ang kaswal na karakter ni Tommy. Maganda ang disenyo ng produksyon na tila hinahatid ang manonood sa mapayapang pagtatapos ng kwento kahit na sa mga madamdaming tagpo. Nakakaaliw ang sinematograpiya kung saan pinapakita ang yaman ng kalikasan at detalye ng paggawa ng tuba. Panalo ang inilapat na musika sa pagpapalabas ng damdamin. Akma lamang ang ilaw at di kinailangan ang maraming effects. Sa kabuuan ay maayos ang teknikal na aspeto ng pelikula at nakatulong sa pagbibigay ng saysay sa gasgas na kwento, bagama’t ang ilang bahagi nito ay nakakaantok sa bagal ng pag-usad ng mga eksena.
Nagiging ganap na malaya ang tao kung wala siyang kinikimkim na anuman nakapagpapabigat sa kanyang kalooban katulad ng galit, sakit, o panghihinayang. Ang mga ito ay dapat na hinaharap ng may pagtanggap, pagpapakumbaba, pagpapatawad at tapang na magpatuloy sa buhay na taglay ang pag-asa hatid ng bukas sa kabila ng lahat. Responsibilidad ng ama bilang magulang na suportahan, alagaan at gabayan sa paglaki ang anak hanggang sa kaya na niyang dalhin ang kanyang sarili. Kung magkaroon man ng problema ay dapat hinaharap at di tinatakasan. At kung may pangako ay dapat tuparin. Sa mga aspetong ito ay naging duwag ang ama sa kwento, at naging makasarili nang bawiin ang pangako na gawan ng paraan ang kailangang halaga ng anak. Sa kabila ng lahat ay di maikakaila ang lukso ng dugo. May punto ang pelikula na ang unang hakbang ng pagkakasundo ng mag-ama ay ang sama-sama nilang pagsimba at bigyan-diin ang parte ng pagbati ng kapayapaan sa isa’t isa. Sa bandang huli, ang anak na nangulila sa kalinga ng ama at ama na nais bumawi sa nawalang panahon ay nakita ang mga sarili na magkaugnay habang buhay.