Cast: Judy Ann Santos, Dennis Trillo, TJ Trinidad, Ces Quesada, Sharlene San Pedro, Kris Bernal, Irma Adlawan; Director: Jun Lana; Producer: Lily Y. Monteverde; Screenwriter: Jun Lana; Genre: Horror/ Drama; Distributor: Regal Films; Location: Manila/ Batangas; Running Time: 100 min.;
Technical Assessment: 4
Moral Assessment: 3
CINEMA Rating: For viewers 14 and above
Nagka-amnesia si Mira (Judy Ann Santos) bunga ng isang matinding aksidente. Hindi naman sumuko ang asawa niyang si Paul (Dennis Trillo) sa pag-aalaga sa kanya at sa pagpapaalala kung sino siya. Unti-unti ay inilalapit ni Paul si Mira sa kanilang nag-iisang anak, si Sophie (Sharlene San Pedro) na isang bulag. Habang pinagtatagni ni Mira ang kanyang pagkatao ay may nakikita siyang isang babaeng nagmumulto. Kasabay nito ay ang pagkakatuklas niya iba pang katotohanan sa kanyang pagkatao sa pamamagitan ni Dave (TJ Trinidad) na siyang tanging pinagtaguan niya ng kanyang mga sikreto. Isa sa mga sikretong ito ay ang kanyang kakambal na si Maria (Judy Ann Santos) at ang kanilang pinagmulang angkan ng mga mangkukulam. Si Maria nga kaya ang babaeng nagmumulto at hindi matahimik? Habang tumintindi ang banta sa buhay ng pamilya ni Mira ay unti-unti rin siyang napapalapit sa katotohanan ng kanyang pagkatao.
Isang matagumpay na pelikulang katakutan ang Kulam. Maayos ang daloy nito at talaga namang tatakutin ka mula simula hanggang wakas. Mahusay ang pagkakasulat at pagkakadirehe. Tamang-tama ang timpla ng drama at horror at sakto sa bilang ang pagtatago at pagbubunyag ng mga sikreto. Mahusay din ang pagkaka-arte ng lahat ng tauhan lalo na si Judy Ann Santos na gumanap ng isang tunay na mapaghamong papel. Maging ang mga pangalawang tauhan ay pawang mahuhusay din tulad nina Sharlene San Pedro na mahusay sa pagkakaganap na bulag at Irma Adlawan bilang kanilang inang mangkukulam. Lubos na nakatulong din ang maayos na pag-iilaw at disenyong pamproduksiyon. Bagama’t halatang ang ibang eksena ay hango mula sa mga Korean horror, nagawa pa rin nitong bigyan ng tunay na Pilipinong bihis ang pelikula dahil sa tema nitong tunay na malapit sa kalinangang Pilipino.
Totoo nga kaya ang kulam? Ito ang tanong na matagal ng bumabagabag sa bawat ordinaryong Pilipino na makakarinig ng tungkol dito. Totoo man o hindi, isang bagay ang malinaw, ito ay hindi kagagawan ng kabutihan kundi ng kasamaan. Ipinakita ng pelikula ang lakas ng kapangyarihang itim na ito ngunit ipinakita rin dito na sa bandang huli, ang kabutihan pa rin ang magwawagi. Higit na makapangyarihan ang pag-ibig at pagmamahal sa anumang mahika o vertud tulad ng sa kulam. Marami nga lang mga eksenang nangangailangan ng gabay ng magulang sakaling manood ang mga kabataan. Nariyan ang pagpapakamatay, pakiki-apid at ilang mga nakakakilabot na eksena na maaaring magdulot ng trauma o bangungot sa mga bata.