Friday, June 27, 2008
Serbis
Title: Serbis; Cast: Gina Pareno, Jacklyn Jose, Coco Martin, Kristofer King, Julio Diaz, Dan Alvaro; Genre: Drama; Director: Brillante Mendoza; Screenplay: Armando Lao; Producer: Ferdinand Lapuz; Location: Manila; Running Time: 90mins
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 2.5
Rating: For viewers 18 and above
Patuloy na itinataguyod ni Nanay Flor (Gina Pareno) ang kanilang negosyong lumang sinehan na nagpapalabas ng mga lumang “bold” na pelikula sa kabila ng samu’t saring problema nito. Kasama niyang namamahala ang anak na si Nayda (Jacklyn Jose) at manugang na si Lando (Julio Diaz). Sa sinehan na sila nakatira kasama ang iba pang kaanak: sina Allan (Coco Martin) at Ronald (Kristofer King) na projectionist. Labis na dinaramdam ni Nanay Flor ang panloloko sa kanya ng kanyang asawa, kasabay ng pagpasan niya sa problema ng lahat ng kanyang kaanak na tauhan na rin sa sinehan. Si Allan ay makakabuntis na makakadagdag sa pasakit ni Flor. Lingid din sa kanyang kaalaman ang nangyayaring pagse-“serbis” ng mga kalalakihan sa mga parokyanong bakla ng sinehan. At dahil sa sinehan na nakatira ang buong pamilya at kaanak na nagpapatakbo ng sinehan, namumulat ang mga batang apo ni Nanay Flor sa mga bisyo at kalaswaan.
Isang "cinema verite" ang Serbis na makatotohanang naglalarawan ng tila pinaglipasan na ng panahon na kultura: ang mga sinehan at teatro. Naging lugar na lamang ito ng madidilim na sikreto ng nakaraan at kasalukuyan. Pinamahayan na rin ang sinehan ng mga baho, problema at bisyo ng isang pamilyang nasadlak sa kadiliman. Mahusay ang pagkakagawa ng mga eksena na parang nanonood ka lamang ng tunay na buhay. Kung kaya’t naparangalan ng rin ang Serbis sa ibang bansa. Matapang nitong tinalakay ang maraming sakit ng lipunan na naglalarawan sa kalagayan ng mga bansang nasa “Third World” katulad ng Pilipinas. Walang itulak kabigin at hindi matatawaran ang galing ng lahat ng nagsiganap. Maraming biswal na simbolismo na epektibong naisalarawan ang dilim, kasalanan at kasamaan na naikulong sa isang lugar.
Malinaw ang layunin ng Serbis: ang isalarawan ang nakaririmarim na kalagayan ng isang naiibang uri ng pamilyang nasadlak sa kahirapan. Ipinasilip ng Serbis ang isang mundong hindi madalas na makita ng Pilipinong manonood. Isang lugar na alam nating nariyan ngunit hindi binibigyang pansin. Sa kabila ng mga bisyo, kalaswaan at kasamaan, isang bagay ang labis na pinahahalagahan ng mga karakter sa pelikula: ang pamilya. Bagama’t hindi perpekto at puno ng depekto, dalisay pa rin ang pagmamalasakit at pagmamahalan sa isang pamilya. Tahimik din nitong ipinakita ang kakayahan ng isang taong kumawala sa isang masalimuot na sitwasyon kung kanyang nais. Nakababahala nga lamang dahil hindi malinaw kung para saan ba ang pagtakas. Sa pagbabagong tungo sa kabutihan o sa higit pang kasamaan? Sadyang nakababahala ang biswal at grapikong pagpapakita ng mga eksenang hubaran, seks at homosekswalidad. Bagama’t hindi sinasabi ng pelikula na ito ay mabuti, maari pa rin itong makaapekto sa sensibilidad ng mga manonood. Ang pagkakaron ng batang karakter bilang saksi sa lahat nang bisyo at kasalanan sa lugar ay isang epektibong device na nagsasabing malayo pa ang ating lalakbayin sa pagbabago sapagkat iminumulat na natin ang ating mga kabataan sa isang mundong nagdidilim na ang pamantayang moral at bumababaw ang pananalig sa Diyos.