LEAD CAST: Vilma Santos, Ruby Ruiz, Piolo Pascual,
Cherie Gil, Cherry Pie Picache, Pilar Pilapil, Marian Rivera, Tom Rodriguez, Eula
Valdes, and Richard Yap. DIRECTOR: Jeffrey
Jeturian SCREENWRITER: Zig
Dulay, Antoinete Jadaone, Jeffrey Jeturian PRODUCER: Joji
Alonso, John Victor Tence, Vilma Santos-Recto, Ferdinand Lapuz (Inde
Film with Star Cinema & Quantum Films) EDITOR: Glenn
Ituriaga, Zig Dulay MUSICAL DIRECTOR: Addiss
Tabong GENRE: Socio-Realist Drama-Comedy RUNNING
TIME: 111 minutes CINEMATOGRAPHER: Lee
Meily DISTRIBUTOR: Star
Cinema LOCATION: Philippines
Technical assessment: 3.5
Moral assessement: 3
MTRCB rating:
PG 13
CINEMA rating: PG 13 (Ages 13 and below with
parental guidance)
Mag-isang itinataguyod ng ekstra
o “bit player’ na si Loida Malabanan (Vilma Santos) ang anak na nag-aaral sa
kolehiyo. Madaling araw pa lamang
ay abala na si Loida sa paghahanda para makasabay sa serbis na sasakyan
magdadala sa kaniya at mga kasama sa location shooting ng teleserye kung saan
gumaganap sila bilang mga Ekstra. Kailangan niyang kumita sa shooting na yon
dahil magbabayad ng tuition para makapag-exam
ang anak. Maluwalhati namang nakarating sa lokasyon ng mga kukunang tagpo sina
Loida kung saan parang sanay na sila na binabalewala sila dahil hindi naman
sila ang mga bida sa teleserye--walang nakatalagang lugar para sa kanilang pagpapahinga,
pagbibihis, at kahit sa pagkain. Sa kabila ng mga pagmamaliit ay puno pa rin ng
pag-asa si Loida na aasenso siya at makikitaan ng saya sa kanyang
ginagawa. Pinagbubutihan ni Loida
ang maliliit na papel na ibinibigay sa kanya tulad ng pagiging parte ng
madaming tao, katulong at pag-double
sa bida sa mga pisikal na eksena kaya naman hinangaan siya ng mga kasama, ng talent coordinator, at kahit ng mga tao
sa produksyon. Samantala habang
abala si Loida sa shooting ay nagti-text ang kanyang anak at humihingi ng
pambayad sa tuition. Mangangailangan
ng gaganap sa papel na abogado at mayroong linya na sasabihin; mapipili si
Loida. Buong pagmamalaking ite-text niya agad sa anak ang balita, lalo na’t
kasama niya sa eksena ang matagal na niyang iniidolong artista na si Amanda
(Pilar Pilapil). Matugunan naman kaya ni Loida ang kailangan ng anak at ano ang
kalalabasan ng pagganap ni Loida sa eksena bilang abogado?
Napakahusay ng mga teknikal
na aspeto ng pelikulang Ekstra. Malinis at makatotohanan ang
pagkakalahad ng kuwento.
Interesante ang mga eksena na tila isang “reality show” ang
tinutunghayan ng mga manonood. Maayos ang palitan ng aktwal na mga eksena ng shooting at teleserye na nagtatampok kina
Piolo Pascual, Marian Rivera, Cherie Gil, at Pilar Pilapil. Nakaaliw panoorin
ang kabuuan ng pelikula dahil sa
maingat na paghahatid ng mga detalye. Mahusay ang trato ni Jeturian sa
paghahatid ng mga eksena at pagpapalutang ng mga karakter sa mga
nagsiganap. Hindi matatawaran ang
pagganap ng isang Vilma Santos at isang salik ang pagiging bida niya sa
pelikula para sa higit na “appreciation” ng mga manonood. Hindi rin nagpahuli
ang mga kasamang nagsiganap sa pelikula, batikan man o mga baguhan. Akma at
epektibo ang mga inilapat na tunog, musika at ilaw. Maganda at nakakaaliw ang
mga kuha ng camera lalo na sa
pagpapakita ng mga detalye. Sa kabuuan ay nakitaan ng seryosong paghahatid ang
pelikula na ginamitan ng mahusay na aspetong teknikal—walang alinglangan na ang
pagiging makatotohanan ng Ekstra ay
gawa ng mahabang karanasan ni Jeturian bilang direktor ng mga teleserye, bukod
sa pagiging isang iginagalang na direktor ng pelikula.
Tinalakay ng pelikulang Ekstra ang kahalagahan ng sakripisyo at
pagsisikap ng mga nagsisiganap bilang mga ekstra sa mga palabas sa telebisyon
at pelikula para kumita ng marangal at makatulong sa pamilya katulad ng
pagtataguyod sa pagpapaaral ng anak upang mabigyan ito ng magandang
kinabukasan. Nakitaan ng
determinasyon ang karakter ni Loida para pagbutihin ang kanyang ginagawa at
maging masaya sa kabila ng mga di kanais-nais na kalagayan ng kanyang
trabaho. Makahulugan ang mga
linyang sinambit ni Loida para magbigay ng inspirasyon at kaliwanagan sa mga kapwa-ekstra—na
kahit maliit ang papel na ginagampanan nila ay malaking bahagi sila upang mabuo
ang isang palabas kaya dapat pagbutihin ang trabaho. Nakatulong ang pelikula na
makapagbigay-alam sa publiko ng mga tunay na pangyayari sa likod ng mga
pinaglilibangan at sinusubaybayan nilang mga palabas sa telebisyon. Bagamat nakatuon sa mga ekstra ang
pelikula, buong tapat na ipinakita din nito ang kalagayan ng iba pang
manggagawa sa likod ng isang TV
production (tulad ng mga assistants,
makeup artists, caterers, atbp.) at ang mga pressures at hamon na kinakaharap nila sa kanilang mga trabaho. Higit sa lahat, inilalahad ng pelikula
ang kasamaan ng ugali ng mga malalaking artista, pati na ng director
(ginampanan ni Marlon Rivera), na siyang nagiging sanhi din ng mga pressures na dinadala ng lahat—lalo na
ng mga pinakawawa, ang pinakamaliliit na kasapi ng produksyon, ang mga ekstra
na sumasalo sa di makataong pagmamaliit at pagpapahiya sa kanila. Isang punto
na maaaring pagnilayan ng mga taong nasa ganitong linya ng trabaho, lalo na ng
mga big bosses at producers, ay ang katotohanan na ang mga
ekstra mismo ang nagbibigay-dangal sa kanilang trabaho, kaya’t di makatarungan
na maging kultura sa mga produksyon ang paghamak sa mga katulad nila.