Wednesday, December 21, 2016

Super Parental Guardians

DIRECTOR:  Joyce Bernal  LEAD CAST:  Coco Martin & Vice Ganda  SCREENWRITER: Danno Kristoper Mariquit  PRODUCER: Charo Santos-Concio, Malou N. Santos  EDITOR: Joyce Bernal, Bengbeng Bandong  MUSICAL DIRECTOR:  Carmina Cuya  GENRE: Comedy/Action CINEMATOGRAPHER:  Eli Balce  DISTRIBUTOR: Star Cinema  LOCATION: Philippines  RUNNING TIME: 115 minutes
Technical assessment:  3
Moral assessment: 3
CINEMA rating:  V13 and below with parental guidance
Tagapamahala ng isang magarang bahay si Arci (Vice Ganda) na pag-aari ni Marife (Assunta Da Rossi).  Lingid sa kaalaman ni Arci ang amo niyang si Marife pala ang utak sa pagpatay sa matalik niyang kaibigan na si Sarah (Matet De Leon)  bilang ganti sa atraso ng sigang kapatid na si Paco (Coco Martin). Sa pagkamatay ni Sarah parehong aakuin nina Arci at Paco ang pangagangalaga sa dalawang anak na naulila ni Sarah. Pagtatalunan nila dahil kay Arci inihabilin ni Sarah ang mga bata sa isang kwentuhan nila noong buhay pa ito, samantalang bilang tiyuhin ay si Paco naman ang pinakamalapit na kamag-anak ng mga bata.  Subalit bilang kasapi ng gang  ay mapanganib na manatili sa poder ni Paco ang mga bata kaya mapipilitan siya na ipisan kay Arci ang mga pamangkin, sa paniniwalang kay Arci ang bahay na tinitirhan nito. Sa sitwasyong mas magiging matatag ang kanilang pagkakaibigan at itataguyod nila ang dalawang bata.
Sa kabila ng malabnaw na daloy na kwento ay makabuluhan at napapanahon ang tema ng pelikulang Super Parental Guardian. Epektibo ang naging treatment  ng director sa istorya. Tagumpay ito sa pagpapatawa at nakakalibang panoorin ang mga eksena at pagbibitaw ng mga linya.  Natural at walang effort ang pagganap ni Ganda, at sinabayan pa ito ng husay ni Martin at ng mga batang aktor.  Maganda ang paghahatid ng mga eksenang aksyon na medyo matagal na din hindi napapanood sa pelikulang Pilipino. Hindi na masyado napansin ang mga effects  na ginamit sa halip ay naging kaabang-abang ang mga eksena ng mga tauhan at mga linya na kanilang sasambitin. Maganda ang mga kuha ng kamera sa squatters’ area at malaking bahay. Tama at akma lamang ang iba pang teknikal na aspeto ng pelikula tulad ng disenyo ng produksyon at make-up, mga ilaw at inilapat na tunog at musika.
Ang tunay na kaibigan ay isang kayamanan. Katulad ng mga tauhang Arci at Paco sa pelikulang Super Parental Guardians, ang kanilang pagkakaibigan ay nagpakita ng pagtanggap, paggalang, pagtutulungan, kahandaang magsakripisyo at hindi pagsasamantala. Sa kabila ng pisikal na pagkaakit ni Arci bilang binabae kay Paco na isang siga ay isinantabi niya ang personal na interes at sa halip ay binigyan-diin ang malasakit sa kanyang puso para sa mga batang naulila.  Isang mensahe ng pelikula ay posible palang manatili ang pagkakaibigan ng isang bakla sa kapwa lalaki nang walang malisya (sa kabila ng masugid na panunukso ng bakla); at ang lalaki naman ay maari din makipagkapwa-tao sa bakla nang hindi nagsasamantala sa kagandahang loob at pagkahumaling ng bakla sa kanya. Sa pamilya naman ay ipinakita ang pagtanggap ng ina sa pagkabakla ng batang anak. Sa kabilang banda, hindi magandang gawing dahilan ang pagproteksyon sa pamilya para maging siga at malapit sa basag ulo, katulad ng pinakita sa pelikula kung saan humantong ito sa pagkakapatay sa kapatid.  Bahagya din pinakita sa pelikula ang sensitibong isyu ng extra judicial killing na kahit saang anggulo tingnan ay mali at hindi dapat gawin ng kahit sino man.
May karagdagang mga puna lamang ang CINEMA tungo sa ikalalalim ng ating pangunawa sa ilang mensaheng nababalot sa kababawan sa Super Parental Guardians.  Kung may mga kasama kayong nanonood na mga bata, ipaliwanag lamang sa kanila na siryoso ang patayan—hindi ito bagay na katatawanan lamang tulad ng inilalarawan sa pelikula kung saan ang lamay ni Sarah ay nasapawan ng kabaklaan.  Sa halip na pag-isipin ang mga nanonood tungkol sa karahasan sa ating kapaligiran na nagdudulot ng trahedya, ginagawang dahilan lamang ng pelikula ang kamatayan upang ilungsad ang batukan, barahan, sampalan, sisihan, palusutan, at patarayan ng mga “bida.”
Tila sinikap din ng Super Parental Guardians na antigin ang simpatiya ng mga manonood sa kalagayan ng mga bakla sa lipunan nang isalarawan nito ang “bullying” sa batang binabae ng kanyang mga kaeskuwela at ang kasamaang-ugali ng mga magulang ng mga “bullies.”  Di man sinasadya, naipakita din ng pelikula ang masamang bunga ng pagkukunsinti sa kabaklaan ng batang lalaki—lumalabis ang kumpiyansa nito sa sarili at nawawalan ito ng paggalang sa nakatatanda.  Sa halip na pagsikapang makisama nang may pagpipitagan sa taong kumupkop sa kanila, sinita pa ng batang bakla ang matanda sa pagsasabing: “Halika nga’t mag-usap tayo, bakla sa bakla!” 
Upang maging sulit ang ating ibinabayad sa tiket, manood tayo ng sine hindi lamang upang tayo’y malibang, kungdi upang tayo’y may matutunan din.  Sa mga temang maselan, maging bukas ang ating isipan, ngunit maging matalas din.