Monday, February 4, 2013

Menor de edad

Cast:  Meg Imperial, Wendell Ramos, Ara Mina, JC Parker, Chynna HortalezaDirector:  Joel Lamangan: Screenplay: Raquel Villavicensio;  Producer: Viva Films; Running Time: 90 minutes; Genre: Drama; Location: Philippines

Technical Assessment: 2
Moral Assessment: 2
CINEMA Rating: A 18 (for ages 18 and above)
MTRCB Rating: R 13
Si Jen (Meg Imperial) ay isang 15-anyos na estudyanteng maraming pinagdadaanan sa buhay. Hindi niya nakilala ang kanyang ama at kanyang ina (Ara Mina) naman ay may kinasakasamang tomboy (JC Parker) na tumatayong padre-de-pamilya. Dahil dito’y tampulan si Jen ng tukso sa eskuwelahan kung kaya’t mapapasama na lamang siya sa isang gang ng mga kabataang babae sa kanilang lugar na kinabibilangan ng kanyang pinsan. Mapapansin ng kanilang guro sa Pilipino na si Ariel (Wendell Ramos) na tila laging malungkot si Jen at nag-iisa. Magmamagandang-loob ito na tulungan si Jen sa kanyang pag-aaral at dito magsisimula ang kanilang pagkakaibigan. Ngunit dala ng bugso ng damdaming kabataan ay magkakagusto si Jen kay Ariel.  Magsisimula ang gulo ng akusahan ni Jen si Ariel ng dimuano’y panggagahasa sa kanya.
Masyadong maraming nangyayari sa Menor de Edad.  Bagama’t naka-sentro ang kuwento kay Jen, madalas itong nagpapaligoy-ligoy sa sa napakaraming tauhan na halos wala namang kinalaman sa pinakabuod ng kuwento. Resulta’y isang pelikulang mahirap panoorin ang Menor de Edad. Isabay pa rito ang pagiging magulo ng mga kuha ng kamera na animo’y nag-iistilong moderno ngunit wala naman sa hulog ang pagkakagawa at hindi naaayon sa nais nitong iparating na kuwento. Maging ang pag-arte ng mga tauhan ay pawang stereotyped din. Walang bagong inihain maging sa script. Maraming katanungan ang nangangailangan ng kasagutan ngunit pawang di naman nararapat pang pag-aksayahan ng panahon dahil ang mismong gumawa ng pelikula ay tila hindi naman interesadong alamin kung ano talaga ang gusto nilang palabasin. Kung ang ninais nila’y magsabog ng kalituhan at pasakitin ang ulo ng mga manonood, nagtagumpay sila dito.
Hitik din sa nakababahalang moral ang pelikula sa kabila ng pagsusubok nitong talakayin ng napakaraming problema ng lipunan na nag-uugat sa kahirapan. Nariyan ang pagkunsinte nito sa relasyong homosekswal na ipinakitang katanggap-tanggap. Nariyan din ang pagtatalik ng mga kabataang menor-de-edad na ipinakikitang karaniwan na lamang. Mayroon ding “incest”, bawal na relasyon ng ama at anak na ngunit hindi rin naging malinaw ang tayo ng pelikula patungkol dito. May mapang-abusong media at may guro na lulong sa masamang bisyo at ang pinakasentro ng kuwento ay kung paanong ang kasinungalingan ay maghari sa sistema ng ating hustisya. Ang lahat ng ito ay inihain sa paraang mababaw at walang malabis na pagninilay. Walang malinaw na damdamin na nais iparating ang pelikula dahil sa magulo nitong punto-de-vista.
Walang aral na matututuhan sa Menor-de-Edad, bagkus, magiging masama lamang ang tingin ng manonood sa mundo at walang anumang kabutihan ang makakasagip dito dahil narito ang isang pelikula kung saan kasinungalingan ang naghahari, ang mga bata’y walang buting napupulot sa tahanan man o paaralan, walang Diyos na pinaniniwalaan, at ang lahat ay walang pakialam sa kinabukasan. Kung ang pelikula ay sumasalamin sa lipunan, nararapat na malaman ng manonood na ang Menor de Edad ay hindi malinaw na salamin kundi isang malabong pagtingin sa tunay na kalagayan natin. Dito sila malabis na nagkulang—sa sinseridad. Hindi naging matapat ang pelikula sa kanyang layuning magmulat dahil ang mismong binuo nila ay isang pagmamalabis at pananamantala sa kawalang-malay at muwang ng mga menor-de-edad na nagsiganap dito. Ito’y isang pelikulang hindi nila maipagmamalaki sa kanilang pagtanda. Dahil sa tema nitong sekswal, at mga eksenang nagpapakita ng karahasan, krimen, pagdo-droga at pag-inom ng alak, minamarapat ng CINEMA na ang pelikulang ito ay para lamang sa  mga manonood na hinog ang isipan, 18 gulang pataas.