Showing posts with label Bea Alonzo. Show all posts
Showing posts with label Bea Alonzo. Show all posts

Friday, August 21, 2015

The love affair

--> DIRECTOR:  Nuel C. Naval  LEAD CAST:  Dawn Zulueta, Bea Alonzo,  Richard Gomez, Tom Rodriquez , Tonton Gutierrez  Vanessa R. Valdez  PRODUCER:  Star Cinema  GENRE:  Drama/Romance  DISTRIBUTOR:  ABS-CBN Film Productions
LOCATION: Philippines RUNNING TIME:  125 minutes
Technical Assessment: 3.5
Moral Assessment: 3
MTRCB Rating: PG13
CINEMA Rating: Mature viewers 14 and above
            Kasalukuyang nagkakaproblema ang pagsasama ng mag-asawang Vince (Richard Gomez), isang doctor, at Trisha (Dawn Zulueta) na isang businesswoman dahil sa pagkakabisto ni Vince sa pakikipagmabutihan ni Trisha sa bestfriend niyang si Greg (Tonton).  Aaminin ni Trisha na bagama’t nagkakalapit sila ni Greg, wala pang namamagitan sa kanila maliban sa isang halik.  Gayunpaman, hihingi siya ng tawad kay Vince subalit mahihirapan si Vince na patawarin ang asawa at kalimutan ang ginawa nito, pagkat sa kanyang isipan, pagtataksil pa rin ito.  Sa puntong ito ng sama ng loob at paninibugho ni Vince sa asawa aymagkukrus naman ang landas ni Vince at ang dalagang abogado na si Adie (Bea Alonzo). Katulad ni Vince, may pinagdaraanan ding sakit ng kabiguan sa pag-ibig si Adie dahil tinalikuran siya ng kanyang fiancĂ© na si Ryan (Tom Rodriguez). Makakasama  at makukumbinse ni Vince si Adie na makahiligan ang  sailing sport kaya nagkakasama sila tuwing weekend hanggang tuluyang magkalapit at magkamabutihan.  Katulad ng dapat mangyari ay mabibisto ng asawang si Trisha ang nabubuong relasyon sa dalawa. 
            Karaniwang kwento ng problemang may-asawa, pangangalunya, paghahanap ng sarili at pagpapahalaga sa pamilya ang hatid ng The Love Affair.  Subalit naiangat ng director mula sa karaniwang talakay ang kwento dahil sa mga elemento ng tinatawag na power casting, characterization, at pagpapalabas ng emosyon sa mga eksena. Wala pa ring kupas ang chemistry ng tambalang Gomez at Zulueta gayundin ang mga husay nila sa pagganap lalo na si Zulueta. Makahulugan at tumatatak ang palitan ng mga linya. Hindi rin nagpahuli sa kanyang mga eksena at mga linya si Alonzo. Epektibo rin ang ginawang trato ng direktor sa mga malalapit na kuha ng kamera. Tagumpay ang stratehiyang ito na makuha ang simpatiya ng manonood at mataman na sundan ang mga susunod na eksena o pangyayari sa mga tauhan. Medyo nakakainip lang ang pinahabang mga eksena ng paghingi ng tawad na hindi naman maibigay-bigay.  Nagpatagal din ang mga inulit na eksena ng flashback tulad ng inulit na death scene  ng anak nila Vince at Trisha para ipagdiinan ang kasalanan ni Vince sa pagkamatay ng anak. Gayunpaman ay maganda ang disenyo ng produksyon at maayos ang mga transition ng mga indoor at outdoor scenes.
            Mayaman sa mensahe ng pagpapahalaga sa pamilya ang The Love Affair. Ito ay sa kabila ng pinakitang kahinaan ng mga magulang sa harap ng tukso, dahil sa kasunod ng pagbagsak nila sa kanilang mga kahinaan ay ang pagbangon na maitama ang mga pagkakamali at makapagsimulang muli.  Totoong mahirap matanggap ang pagkakamali at makipagpatawaran sa pagitan ng mag-asawa. Mahirap ding ibalik ang nawalang tiwala.  Subalit gaano man kasakit o kasalimuot ang mga naging sitwasyon ay dapat pa rin itong harapin at lapatan ng lunas sa halip na takasan at dagdagan pa ng ibang pagkakamali.  Bagama’t ang tema ng The Love Affair ay pagtataksil ng asawa (sinabi na nga sa pamagat nito), malinaw at matatas ang mensahe ng pelikula: hindi kailanman mabuti o tama ang pakikiapid, nakakasira ito ng buhay, dapat itong iwasan.  Ang mga kaibigan ni Adie na mismo ang nagbababala at pumipigil sa dalaga sa ginagawa nitong pagpatol sa isang may asawa.  Natatangi dito ang karakter ni Feleo na gumanap bilang kaibigan ni Adie.  Naging totoo ito sa pagpapakita ng malasakit at hayagang pagsasalita sa kaibigan upang maimulat lamang ang mga mata nito sa kanyang kahangalan.  Ang pagpapahalaga sa pamilya ay isa pang maliwanag na mensahe ng The Love Affair, mensaheng pinadaan sa mga anak ni Vince at Trisha na sa kabila ng kanilang kabataan buong tatag at tapang na hinarap ang problema at sinikap na makatulong maiayos ang pamilya.  Gawa ng mga maseselang isyung tinatalakay sa The Love Affair, pati na rin ang mga markadong linya at eksena ng pagtatalik, maaring malabis na ito para sa pang-unawa ng mga kabataang may murang isipan.