Thursday, August 24, 2017

Pamilya Ordinaryo

DIRECTOR:  Eduardo Roy, Jr.  LEAD CAST:  Hasmine Kilip, Ronwaldo Martin, Maria Isabel Lopez   WRITER:  Eduardo Roy, Jr.CINEMATOGRAPHY: Albert Banzon  EDITING:  Carlo Francisco Manatad  MUSIC: Edwin Fajardo  PRODUCERS:  Almond Deria Hernandez, FErdiand Lapuz  PRODUCTION DESIGN:  Harley Alcasid   GENRE:  Drama  LOCATION:  Philippines  LANGUAGE:  Pilipino (with English subtitles)  RUNNING TIME:  1:47
Technical assessment:  3.5
Moral assessment:  2.5
CINEMA rating:  V18
MTRCB rating:  R-16
Nabubuhay sa pagnanakaw sila Jane (Hasmine Kilip) at Aries (Ronwaldo Martin), naturingang mga “street dwellers” ng lipunan—yaong mga taong naninirahan sa kung saan-saang kalye at mga lugar na pampubliko sa Maynila.  Edad 16 si Jane, at si Aries, 17, may anak silang mag-iisang buwan ang edad; at sinasabi nilang sila’y mag-asawa, at ang apelyido nila’y “ Ordinaryo”.  Kahit na mukhang “astig” si Jane, darating ang araw na mahihimok siya ng isang bakla na tanggapin ang alok nitong tulong.  Pupunta sila sa supermarket at habang namimili si Jane ng mga lampin, ipapahawak niya ang anak sa bakla.  Habang nakapila sa kahera, matutuklasan ng bakla na kulang ang kanyang pambayad, kaya’t magpapaalam ang bakla upang  sumaglit sa ATM.  Hindi na ito babalik, tangay ang sanggol.
Humakot ang Pamilya Ordinaryo ng mga gantimpala at papuri sa mga international film festivals sa ibang bansa, simula ng 2016 release—karamihan dito’y Best Actress (Hasmine Kilip), Best Director (Eduardo Roy, Jr.), at Best Film.  Hindi kataka-taka, pagka’t sadyang kahanga-hanga ang husay ng pagganap ni Kilip—isang di kilalang artista—at ng pagkakadirihe ni Roy, kaya’t nagmistulang dokumentaryo ang pelikula.  Nitong nakaraang Mayo, nakamtan din ni Ronwaldo Martin (batang kapatid ni Coco) ang Best Actor award sa Harlem (New York) Film Festival.  May mga pagkukulang din ang pelikula, kabilang dito ay ang paulit-ulit na linyang binibigkas ni Kilip at Martin—ang dating tuloy ay parang imbento lang nila ang sinasabi pagkat nakalimutan nila ang script, ngunit naremedyuhan dapat ito ng editing.
Hindi maikakaila na ang kuwento sa Pamilya Ordinaryo ay ordinaryo na lamang, kung baga, sa malalaking siyudad tulad ng Maynila, ngunit sinikap pa rin ng pelikula na imulat pa ang mga mata ng mga taong nagiging manhid na sa kalagayan ng mga dukha sa Pilipinas.  Nakapagngingitngit kung paano pinagsasamantalahan at inaabuso ng media, ng masasamang-loob, at ng kapulisan sila Jane at Aries.  Magkahalong inis at habag din ang mararamdaman ng manonood gawa ng mga palalong hakbangin ng dalawa sa paghahanap ng kanilang nawawalang sanggol.  Ang galit ng lipunan ay dapat ituon ng manonood hindi sa tao, kungdi sa sistemang lumalamon sa puso at diwa ng tao.  Bitin ang katapusan ng pelikula, tila baga hamon sa  manonood upang magpasiya sa sarili kung ano ang nais niyang mangyari, at ang nararapat niyang gawin.