Wednesday, February 18, 2015

That thing called 'tadhana'

--> DIRECTOR: Antoinette Jadaone   LEAD CAST:  Angelica Panganiban, J M de Guzman  SCREENWRITER: Antoinette Jadaone  PRODUCER:  Bianca Balbuena, Dan Villegas, Ronald Arguelles  EDITOR: Benjamin Gonzales Tolentino  MUSICAL DIRECTOR:  Emerzon Texon  GENRE: Romantic Comedy   CINEMATOGRAPHER:  Sasha Palomares  DISTRIBUTOR:  Star Cinema Productions  LOCATION:  Baguio, Sagada  RUNNING TIME: 90 minutes
Technical assessment:  3.5
Moral assessment:  3
MTRCB rating:   PG-13
CINEMA rating:  V14
            Sawi sa pag-ibig si Mace (Angelica Panganiban). Matapos ang walong taong paniniwala niyang “sila na” ng katipan, matutuklasan niya ang pagtataksil nito sa ibang bansa at magpapasya siyang putulin na ang relasyon.  Matatagpuan siya ni Anthony (JM de Guzman) sa departure area na isang airport sa Italy, na namomroblema sa excess luggage niyang pauwi.  Aalukin siya ni Anthony na ilagay na lamang ang sobra niyang dalahin sa maleta nito para wala na siyang bayaran pa.  Hindi mapipigilan ni Mace and paghihimutok at ihihinga kay Anthony ang sinapit ng lovelife niya.  Matiyaga namang makikinig ang binata, na tila naaaliw sa kakuwanan ng dalagang iyakin.  Pagkat pareho naman silang may panahon, at hindi naman nagmamadaling magsiuwi pagdating sa Pilipinas, ipagpapatuloy nila ang paghuhuntahan nila hanggang makaabot sila sa Baguio at Sagada.  Saan hahantong ang kanilang pagsisiwalat ng kani-kaniyang buhay sa isa’t isa?
            Habang pinanonood namin ang That thing called ‘tadhana’, naaalala namin ang pelikulang Before Midnight kung saan ang buong pelikula ay naisulong ng dalawang artista lamang (Ethan Hawke at Julie Delpy) na nagkukuwentuhan, nag-uusap, at nagtatalo habang tumatakbo ang araw.  Ang tagumpay ng ganitong uri ng pelikula ay nakasalalay sa isang interesanteng kuwento, intelihenteng script, at kaiga-igayang pagganap ng mga tauhan.  Meron lahat nito sa That thing called ‘tadhana’.  Hindi nakakabagot bagama’t halos dalawang tao lang ang mapapanood mo sa loob buong haba ng pelikula.  Ibinibigay ni Panganiban ang hinihingi ng karakter niyang si Mace—kayang-kaya niya ito pagka’t hindi naman napakalaking hamon ang gampanan ang papel niya, lalo na’t bihasa na siya sa pagpapatawa sa telebisyon.  Si de Guzman din ay kahanga-hanga sa kanyang pagganap bilang isang “sob brother” ni Mace.  Magaling ang chemistry ng dalawa, at kitang-kita sa mga closeup shots nila ang sinseridad sa paglalahad ng kani-kaniyang tauhan.
            Nakuha ng pelikulang “pasakayin” ang manonood sa mga pangyayaring namamagitan kay Mace at Anthony.  Nakasama rin ang manonood sa paglalakbay, at natuklasan din nila tulad ng dalawang bida ang mga lugar na pinuntahan nito.  Iyon ang pinaka-kaakit-akit sa pelikulang ito: isa siyang kuwento ng pagmamalasakit at pakikisama nang walang bahid ng pagka-makasarili kahit na nga halos ay puro sarili nilang karanasan ang pinag-uusapan nila.  At sa dulo, maliwanag na ang mga pinakamahalagang bagay sa pagkikipag-ugnayan ng isang babae at isang lalaki ay hindi lamang physical attraction o natural na makasariling hangarin.  Higit na mahalaga ang pakikinig, pakikiramay, at pang-unawa sa kapwang nagdadalamhati.