Tuesday, January 6, 2015

My Big Bossing

--> DIRECTION: Joyce Bernal, Tony Y. Reyes, Marlon Rivera  LEAD CAST:  Ryzza Mae Dizon, Vic Sotto, Wally Bayola, Sef Cadayona, Nikki Gil, Pauleen Luna, Jose Manalo, Alonzo Muhlach, Nino Muhlach, Manilyn Reynes, Marian Rivera, Ruby Rodriguez  MUSICAL DIRECTOR: Albert Michael CINEMATOGRAPHER  Lee Meily, Lito Mempin  GENRE:  Comedy/Fantasy  LOCATION:  Philippines  DISTRIBUTOR:  OctoArts RUNNING TIME:   125 minutes
Technical assessment:  3  Moral assessment: 3.5   MTRCB rating: G  CINEMA rating: PG 13 (For viewers 13 years old and below with parental guidance)
            Tatlong maiikling kuwento ang bumubuo ng mga adventures sa pelikula. Una: Sirena.  Pangarap ng tabachingching na si Jessa (Ryzza Mae Dizon) na maging isang sirena.  Sinamantala ito ng huklubang si Tandang Wishy (Pauleen Luna) na nangako sa bata na matutupad ang kanyang hiling.  Natupad nga ito at pilit na itinatago ng pamilya ni Jessa, sa tulong ng kanyang ninong na si Bossing (Vic Sotto).  Lingid sa kaalaman ni Jessa, masama ang tangka ni Wishy sa pagkakapaunlak nito sa pantasiya niya; nalaman na lamang niya nang siya ay habul-habulin ng mga pusang gusto siyang papakin.  Ikalawa: Taktak.  Sa buyo ng kanyang tiyuhin, nagpapanggap na “medium” si Angel (Dizon), na diumano’y may kapangyarihang makipag-usap sa mga namatay na.  Ihahantad ang panglolokong ito ni Vince (Sotto), ang tv host ng “Instigador.”  Ikatlo: Prinsesa.  Ipinanganak na pangit ang isang prinsesa (Dizon).  Lingid sa kaalaman ng hair at reyna, ipinalit ng kapatid ng reyna at ng asawa nito ang kanilang lalaking sanggol na anak sa prinsesa upang lumaking prinsipe at isang araw ay siyang maging hari.  Lumaki ang pangit na prinsesa sa piling ng mga baboy kaya’t inakala niyang siya’y isang biik; sa katunayan, pinangalanan nga siyang “Biiktoria.”
            Kung ihahambing sa My Little Bossing nung nakaraang taon, mukhang sinikap ng pelikula na bawas-bawasan ang kababawan ng mga kuwento ng My Big Bossing.  Gawa na rin ng likas na husay ni Ryzza Mae sa pagganap, kaiga-igayang sundan ang mga misadventures ng tambalang Dizon at Sotto, at maayos din naman ang daloy ng mga kwento.  Pero tulad ng dati, tila walang ambisyon ang pelikula na maging katangi-tangi o maging isang quality movie—sapat na sa kanyang magpaligaya siya sa mga nanonood, kaya’t huwag na tayong maghanap ng pulidong screenplay o kaya’y dibdibang pag-arte.  Nabawasan, pero hindi rin lubusang matanggal ang garapalang product placement nito; tiyak na kumikita rin ang pelikula mula sa pagsingit sa script ng mga slogan na kilalang nagbebenta ng produkto. 
            Pero meron din namang iniiwang mga mahalagang kabuluhan ang pelikula.  Sa Sirena, malinaw na malinaw ang aral: masiyahan sa sariling kaloob ng Diyos at huwag nang hangaring baguhin ito.  Sa Taktak: isang malaking kasamaan ang manglinlang ng kapwa, lalo na’t pinagsasamantalahan mo ang pagluluksa nito at pagkasabik sa yumaong minamahal.  Sa Prinsesa: Ang mga anak ay dapat mahalin, ano pa man ang itsura ng mga ito; at ang mga paslit ay may busilak na puso na dapat arugain pagkat “sinisipsip” nito ang anumang impluwensiya sa kanilang kapaligiran.